Tagu-taguan

834 51 2
                                    

Alas-otso ng gabi, naisipang maglaro ng mga bata sa Valdez Compound sa Isla Alabat dahil nawalan ng kuryente ang buong lugar. Masyadong mainit sa loob ng kanilang mga bahay kung kaya't naglabasan din ang iba pang residente upang magpahangin sa labasan.

"Ano ba 'yan, lagi na lang walang kuryente sa baryo natin," saad ni Manang Huling habang panay paspas ng abaniko nito.

"Ganire talaga sa atin. Mahina ang supply natin ng kuryente," anas ni Mang Danny, "saka isa pa, sabi nila ay tuwing abente siyete ng Mayo ang petsa ng pag-aalay ng kulto noon sa kabilang isla. Ngayon 'yon. Senyales daw na pagkuha na ng mga bata noon ng alay sa pagkakawala ng kuryente."

"Ano ka ba, Mang Danny, nakakakilabot naman ang kuwento mo. Saka sa kabilang isla 'yon. Ang layo no'n sa atin," nangingilabot na sabi ni Aling Adela, ang ina ni Alynna.

"Bago nga lang pala kayo rito, hane. Wala nang tao sa islang 'yon. Lumikas na ang mga tao dahil nga sa sunud-sunod na pagkawala at pagkamatay ng mga bata do'n. Ang iba ay nanirahan na rito, tulad nina Mario." Itinuro ni Mang Danny ang may edad na lalaking nakaumpok din sa kuwentuhan.

"Totoo 'yon, kaya kami narito dahil sa maraming pagkawala at patayan sa kabilang isla." Napailing-iling ito. "Pati ang pamangkin ko ay nawala do'n. Hindi na namin nahanap pa."

Napaantanda si Aling Adela. "Alynna," tawag nito sa anak.

"Po?" Inosenteng lumingon ang batang tinawag nito. Pawisan na sa katatakbo subalit patuloy pa rin sa paglalaro.

"Huwag kayong lalayo ha. Dito lang kayo sa compound. Walang lalabas ng tarangkahan." Habilin nito sa anak.

"Opo, Mama." Saka muling tumakbo si Alynna patungo sa mga kalaro nito.

"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan...." Nagpalinga-linga si Alynna upang hanapin ang mga kalaro niya.

"Nasaan kayo? Mahuhuli ko rin kayo." Dahan-dahang tinungo ni Alynna ang drum na walang laman, sinilip nito ang loob subalit wala ang kalaro ro'n. "Ay, nasaan kaya sila? Luntian, Joe, Stuck, Trehv?"

Nagpalakad-lakad ang walong taong gulang na si Alynna sa palibot ng compound subalit hindi niya mahanap ang mga kalaro niya. Inisa-isa ang mga sulok, hinawi ang makakapal na halaman.

"Saan na ba nagsuot ang mga 'yon?!" naiinis na sabi ni Alynna. Napansin niyang bukas ang gate ng compound nila. "Ah! Sa labas siguro sila nagtago." Nilinga nito ang mga matatandang nag-uumpukan na busy sa tsismisan habang nagpapaspas ng mga pamaypay. "Ayokong marinig ang kuwentuhan nila, nakakatakot." Ang kanyang ina naman ang tila bida sa kuwentuhan dahil paturo-turo pa ito sa kung saan-saan, mannerism na nito sa tuwing nagkukuwento.

Matuling lumabas ng compound si Alynna para hanapin ang mga kalaro. "Ang daya n'yo naman eh! Bakit kayo rito sa labas nagtatago?" malakas na tawag nito upang marinig ng mga kalaro subalit walang sagot na nagmula sa kanila. Sinilip ang likod ng mga puno pati kahon na basurahan subalit wala ang mga hinahanap niya.

Naramdaman ni Alynna na tila may nakamasid sa kanya mula sa kung saan kaya nagpalinga-linga ito subalit wala namang ibang tao sa paligid. Ang sumunod na kapitbahay nila ay may ilang metro pa ang layo mula sa compound ng mga kamag-anak ng Tito Danny niya. Nagpatuloy na lamang si Alynna sa paghahanap nang biglang may nagsalita mula sa kanyang likuran.

"Bata," malalim na tinig ng isang lalaki mula sa kanyang likuran.

Nilingon ni Alynna ang lalaking nagsalita. Hindi nito maaninag ang mukha ng napakalaking estranghero subalit nakaramdam siya ng takot pagkakita dito. "S-sino po kayo? Ano po ang kailangan n'yo?"

"Laro tayo ng taguan? Ako ang taya kaya magtago ka na," nakakapanindig na tono ang pagkakabanggit nito.

Napaatras si Alynna sa takot. Nagtayuan ang mga balahibo nito sa katawan kung kaya't kumaripas ito ng takbo. Hindi na niya malaman kung saan siya nasuot basta ang mahalaga ay makalayo siya sa nakakatakot na nilalang na iyon. Nakakita si Alynna ng isang kariton na puno ng karton kung kaya't sumampa siya rito at nagtago sa ilalim ng mga karton.

"Nasaan ka na, bata? Husayan mo ang pagtago. Narito na ako," anas ng nakakatakot na lalaki.

Pigil ni Alynna ang hininga, nakatakip ang kamay sa bibig upang matiyak na walang tinig na lalabas sa kanyang bibig. "Mama...." saad nito sa kanyang isipan. Umagos ang masaganang luha sa magkabilang pisngi ng paslit na humahalo na sa sipon nito habang ito'y humihikbi.

"Naririnig na kita, bata," humalakhak ang nakakatakot na nilalang. Kumanta pa ito ng, "tagu-taguan maliwanag ang buwan," nakapangingilabot ang lalim ng tinig nito.

Nakarinig si Alynna ng mahabang tunog na tila bakal na kumakayas sa lupa. "Alam mo ba ang kuwento tuwing ika-dalawampu't pito ng Mayo taon-taon? Huwag kang maglalaro ng taguan sa kadiliman." Humalakhak muli ito ng pagkalakas-lakas na tila nagmumula sa balon ang tinig. "Ako si Miguel, ang kampon ng diyablo na kumukuha ng alay para sa Panginoon. Handa ka na bang maging alay? Isa iyong malaking biyaya para sa mababang uri ng nilalang na katulad ng mga tao, ang maging alay sa aming Panginoon."

"Mama!" tili ng bata dahil sa sobrang takot. "Mama!" Patuloy na palahaw ni Alynna. Naramdaman niyang isa-isang inaalis ang mga kahon na nakatabing sa kanya. "Mama! Eeeeh!" tili nito. Isinubsob na lamang ang mukha sa mga palad.

Nakarinig si Alynna ng mga nagtatakbuhan mula sa 'di kalayuan. "Alynna! Alynna!" Tinig ng kanyang ina. Tinatawag rin siya ng iba pa. Boses ng Tito Danny niya at ng ilan pang kapitbahay nila.

"Mama!" Tili ni Alynna. Napaangat ang ulo niya, ang nakakatakot na lalaki ay naglaho na parang usok.

"Alynna, bakit ka lumabas ng compound?" Sermon ng kanyang ina. "Ang sabi ko ay huwag kang lalayo, hindi ba?"

"Mama!" Palahaw ni Alynna, yumakap ito sa baywang ng ina. "Mama! May malaking mamang nakakatakot na humabol sa akin!" Patuloy na umiyak ang batang paslit.

Bumakas ang takot sa mukha ng kanyang ina. Nagkatinginan nito at ang ilang kapitbahay nila. "Halika na, umuwi na tayo. Wala lang ang nakita mo. Guni-guni mo lang 'yon. Sa susunod, huwag nang matigas ang ulo. Kapag sinabi ng nakatatanda na huwag lalabas ng compound sa gabi, sumunod na lang. Maliwanag ba?" Binuhat si Alynna ng kanyang ina pauwi sa kanila. Paulit-ulit na tumango ang bata.

"Opo, Mama." Ipinangako ni Alynna sa sarili na susundin na niya ang lahat ng ipinaguutos ng kanyang ina. "Nasaan na po sina Joe?"

"Kanina pa nagsiuwi sa kanila. Ikaw lang ang wala kaya hinanap ka namin," sagot ng kanyang ina.

Yumakap si Alynna ng mahigpit sa leeg ng kanyang Mama. Kahit kailan ay hindi na niya susuwayin pa ang habilin nito.

---Wakas---

Short Horror StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon