Chapter 6
"Malalim ang iniisip ninyo, Kamahalan."
Agad napalingon si Skin kay Maeldor, saka napabuntong-hininga at tumingala sa kalangitan. Malalim na ang gabi. Ilang gabi pa ba ang daraan na naghihintay siya sa bulong ng hangin na may lakip na pagsambit ng kanyang pangalan? Hindi lamang ang kalupaan ang elemento ng mga elfo, kundi maging hangin din, at halos lahat ng natural na nilikha, maliban sa karagatan na siyang elemento ng mga sirena.
"Inaalala ba ninyo ang darating na kaarawan ng Mahal na Reyna?" pukaw ni Maeldor.
Muling napabuntong-hininga ang prinsipe. Isa sa marami niyang inaalala ang selebrasyon, ngunit hindi pangunahin sa kanyang isipan, kahit pa ang kaarawan ng reyna ay magiging isang malaking pagtitipon ng mga elfo mula sa iba't ibang lahi, mula sa apat na panig ng mundo. Hindi tulad ng mga tao, ang mga elfo ay binubuo lamang ng tatlong kaharian—Hilagang-Silangan, Hilagang-Kanluran, at Buong Katimugan. Sa bawat kaharian ay mayroong isang reyna, at sa bawat sulok ng kagubatan, maliban sa mga winasak ng mga tao, ay naninirahan ang mga elfo, may sariling mga komunidad at babaeng pinuno. Lahat ng pinuno sa bawat kaharian ay nag-uulat sa reyna.
Bawat kaharian ng mga elfo ay mayroong mga sariling batas at panuntunan. Sila ang tagapangalaga ng kagubatan, umiiwas sa mga tao sa kabila ng katotohanang nakahihigit sila ng kapangyarihan at lakas sa mga ito. Naniniwala ang mga elfo na ang kagubatan ay nararapat ibahagi sa lahat; isang biyaya ng kalikasan, nilikha para sa lahat ng maaaring makinabang. Gayunman, protektor ng kalikasan ang mga elfo, iyon ang kanilang sinumpaang tungkulin. Kung minsan ay nagkakaroon ng pagtitipon ang mga reyna para talakayin ang mga problemang kinakaharap ng mga kagubatan. Ngunit ang mangyayaring selebrasyon para sa kaarawan ng reyna ay gaganapin nang may kasamang misyon na humanap ng mapapang-asawa ni Skin.
Ang kanilang kaharian ang siyang pinakamalaki at pinakamayaman sa buong Ydistinit Valtakunta—ang tawag sa tatlong nagkakaisang kaharian ng mga elfo sa apat na sulok ng mundo. Hindi na nakapagtatakang naging interesado ang dalawang kaharian na magpadala ng prinsesa para mapang-asawa ni Skin. Ang magiging supling ni Skin ang siyang hihiranging susunod na reyna Buong Katimugan.
Hindi lingid sa mga elfo na kasalukuyang walang maaaring pagpasahan ng korona ang reyna ng Buong Katimugan. Pumanaw ang nag-iisang prinsesa, walang asawa ang prinsipe, at ang mga kapatid ng mismong reyna ay lalaking lahat. Sa ganoong pagkakataon, naniniwala ang mga elfo na pahayag iyon mula sa mga diyos na nagsasabing kailangan nang magpalit ng linya ng maharlika. Hahanap ng bagong reyna ang konseho at magkakaroon ng paligsahan ng talino at husay sa pamumuno ang lahat ng mga natatanging babaeng elfo. Obligasyon ni Skin na bigyan ng kasunod na reyna ang kaharian. Naiinip na ang reyna, kaya ilang prinsesa ang kailangang pagpilian ni Skin sa darating na selebrasyon.
"Hindi mo nais pumili ng mapapang-asawa, Kamahalan," wika ni Maeldon.
"Walang dahilan para mauwi sa ganito ang lahat. Mahaba pa ang panahon at nagmamadali ang Mahal na Reyna," tugon ni Skin. Mayroon siyang nais gawin, isang misyon na nais tapusin, may isang maamong mukhang nais puntahan ngayon at sa mga susunod pang mga araw. Hindi pa siya maaaring magpakasal.
"Walang masama sa paglagay sa tahimik, Kamahalan," tugon ng kawal.
BINABASA MO ANG
Skin [COMPLETED]
RandomAn erotic retelling of the classic fairy tale Rumpelstiltskin. All rights reserved.