Chapter 13

11.1K 319 8
                                    

Chapter 13

"Sa kaharian ng mga elfo ay hindi puwedeng mag-asawa ng tao ng isang elfo kung nais niyang manatili sa kaharian. Ang ilang nangahas mag-asawa ng isang tao ay bumubukod ng tirahan, sa pagitan ng mundo ninyo at mundo namin. Sa bahaging ito, ang lugar na iyon ay tinatawag na Erotella."

Sumugat ang sinabi ni Skin sa puso ni Roswitha kahit batid niyang hindi siya kailanman pakakasalan ni Skin. Naging malinaw iyon sa kanya mula simula. Pinigil niya ang mga luha sa pagbagsak.

Itinaas ng lalaki ang kanyang mukha at dinampian ng halik ang kanyang mga labi. "Kinausap ko ang aking ina na pagbigyan akong makasama ka."

Labis nabigla si Roswitha, napatingin dito. "A-at ano ang sabi niya?"

Bumuntong-hininga ito. "Tulad ng maraming bagay na sinasabi ko at ginagawa, nagalit siya. Galit na galit. Sa isang banda, nauunawaan ko siya, Binibini. Hindi siya pumayag pero isinuhestiyon niyang maging miyembro ka ng harem ko."

"H-harem?"

"Tahanan ng mga asawa."

"Mga?"

"Iyon lang ang kaya kong ibigay, Binibini. Isa akong prinsipeng elfo, para sa kaalaman mo. May obligasyon ako sa kaharian. At isa sa mga obligasyong iyon ay ang pakasalan ang isang prinsesa. Siya ang magdadala ng una kong magiging anak, at ang unang babaeng magiging anak ko ang siyang magiging susunod na reyna. At hindi maaaring maging reyna ang isang anak ng tao, sakaling mabiyayaan tayo noon pagdating ng panahon."

Tila daan-daang tanong ang agad na sumambulat sa isip ni Roswitha at hindi niya alam kung alin doon ang uunahing itanong. Sa huli, nasambit niya, "Kung maaaring magkaanak ang isang elfo at isang tao, paano ka nakatitiyak na hindi ako nagdadalang-tao?"

"Dahil sa pulang tsa."

Napasinghap siya, at kahit na mas mabuti sa sitwasyon ang hindi siya magbuntis ay nakadama pa rin ng sakit. "P-paano mo nagawa sa akin iyon?"

"Patawarin mo ako, Binibini. Hindi maganda ang una kong naging intensiyon sa 'yo, inaamin ko. Ginusto kong gantihan si Ludwig sa pamamagitan mo. Pero bumalik sa akin ang lahat dahil ngayon ay ayaw ko nang mawalay ka sa akin. Isang napakalaking sakripisyo para sa aking ina ang tumanggap ng isang babaeng tao sa magiging harem ko."

"W-wala ka pang harem?"

"Wala pa, Binibini." Hinawakan nito ang palawit ng kuwintas. Nang muling sumayad iyon sa balat ni Roswitha ay mainit na iyon. "Kailangan kong tumawid ng karagatan, Binibini, at mawala ng ilang buwan marahi, para ayusin ang aking kasal sa prinsesa ng ibang kaharian. Napakaraming kailangang ayusin at dahil wala ako rito, ipinagkakatiwala ko sa 'yo ang kuwintas na iyan. Poprotektahan ka ng kuwintas at kung nais ni Ludwig na humabi ka ng ginto, magagawa mo habang nasa 'yo ang kuwintas. Maaari kang humiling sa kuwintas—"

"A-aalis ka para magkapasal sa iba?"

"Oo, pero huwag kang mag-alala, sa pagbabalik ko ay kukunin kita. Hindi kita madala ngayon sa kaharian dahil aalis kami ng Inang Reyna. Hindi pa ganap na tanggap sa amin ang mga tao at hindi ko tiyak kung paano ka nila pakikisamahan sa ngayon, Roswitha, dahil magulo pa ang lahat. Kaaalis pa lang ng mga partido ng prinsesa, mainit pa ang ulo ng reyna sa mga kahilingan ko. Ang mahalaga, sa ngayon ay ligtas ka sa kapahamakan kay Ludwig—"

"Gusto mo akong maging miyembro ng harem mo gayong ni hindi mo nagawang sabihin sa akin ang iyong pangalan—"

"Dahil mahalaga sa amin ang aming mga pangalan, Binibini. Nasa pangalan namin ang aming kalakasan, gayundin ang aming kahinaan."

"Kung gayon, ni hindi mo kayang ipagkatiwala sa akin ang iyong pangalan?"

"Rumpelstiltskin, Binibini, prinsipe ng mga elfo at mapapang-asawa mo sa pagbalik ko." May banayad na ngiti sa mga labi nito, hinaplos ang kanyang pisngi.

Skin [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon