Chapter 18
Nang may marinig na pagkatok sa silid ay maingat na bumangon sa kama si Roswitha, inalis ang nakadantay na bisig ni Skin sa kanyang katawan. Nang buksan niya ang pinto ay nakita niya ang mismong reyna at agad siyang yumukod.
"Handa ka na ba?" anito.
Tumango si Roswitha. Kanina pa siya nakahanda. Matapos ang pagniniig nila ni Skin ay nagbihis na siya, habang si Skin ay nagsuot lang ng pantalon. Magkatabi silang nahiga sa kama at agad nakatulog ang lalaki, habang siya ay hindi dinalaw ng antok. At heto na ang sandaling aalis siya.
Nakita ng reyna ang anak sa loob, ngunit hindi nagkomento. Hindi na rin naghintay pa si Roswitha dahil kapag nagising si Skin ay marahil tumutol itong umalis sila ni Athala. Walang nagbabago sa sitwasyon. Magiging miyembro siya ng isang harem, habang ang kanyang anak ay hindi makakatikim ng pagtanggap. Buo pa rin ang kanyang desisyong umalis at magpakalayo-layo.
Pumasok ang reyna sa loob ng silid at hinawakan ang noo ng anak. "Hindi na siya magigising agad. Kunin mo ang lahat ng kailangan mong gamit, Roswitha, at kung mayroon ka pang ibang kailangan, huwag kang mahihiyang sabihin sa akin, bago kita ipahatid sa daungan."
"Wala na po, Kamahalan. Gusto ko lang po sanang hilingin na maipaabot kay Manang Agata ang pasasalamat ko. Marami pong salamat." Kinarga na niya ang anak na balot ng makapal na balabal. Ang ibang kagamitang dinala kagabi ay ibinalot na rin niya sa isang kumot, saka tinalian. Isinukbit na rin niya iyon sa balikat. "Handa na po kami, Mahal na Reyna."
Muli ay pinagmasdan siya ng babae, ngunit sa huli ay tumango. Lumabas na sila sa silid. "Odessa ang pangalan ng kawal kong magdadala sa inyo sa daungan. Inaasahan kong naroon na rin ang iyong ama, Binibini. Bueno, paalam sa 'yo. Hiling ko ang ligtas ninyong paglalakbay." Kumumpas ang reyna at may init na kumapit sa balat ni Roswitha. "Magiging ligtas ang inyong paglalakbay, Binibini."
"Maraming salamat po, Kamahalan."
Tila may nais pang sabihin ang babae ngunit hindi na nagsalita. Lumapit kay Roswitha ang isang kawal na babae na pumaswit upang tawagin ang isang Pegasus. Lumulan na sila roon ni Athala at pinalipad iyon ni Odessa.
Nakatingin lang si Roswitha sa makulay na mundo ng mga elfo habang pataas nang pataas ang lipad ng Pegasus. Pumatak ang kanyang mga luha, sapagkat batid niyang naiwan din sa ibaba ang kanyang puso.
Umiyak si Athala at agad niya itong niyakap nang mas mahigpit. "Shhh... shhh..."
Ngunit patuloy sa pag-iyak ang bata, anumang pag-aalo ni Roswitha rito, tila ba nadamang hindi na nito makikita pa ang ama.
Bumaba ang Pegasus sa bahagi ng kagubatan na malapit sa daungan. Umiiyak pa rin ang sanggol. Si Odessa ay hinawakan ang noo ng bata na agad tumigil sa pag-iyak.
Napatingin si Roswitha sa babaeng elfo nang bigla itong mapasinghap habang nakatingin kay Athala. Agad niyang kinipkip ang sanggol. "Maraming s-salamat, Odessa. Mauuna na kami—"
"Ang balita sa kaharian ay nakuha ng anak ni Ludwig ang mata nito—asul. Bakit kulay-luntian ang mga mata ng bata?"
"Mali ang nakarating sa inyong balita, Odessa."
"Alam mo bang wala ni isa sa lahi ng Mahal na Reyna ang may matang hindi kulay-luntian? Magmula sa mga naunang reyna namin, iisa lamang ang naging kulay ng kanilang mga mata at iyon mismo ang kulay ng mata ng sanggol na tangan mo, Binibini. Ibaba mo ang balabal ng bata, nais kong makita ang kanyang mga tainga."
"Masyadong malamig dito, O-Odessa. Pakiusap. Naghihintay ang aking ama!" Agad nang tumakbo palayo si Roswitha at hindi na lumingon pa sa pinanggalingan. Hapong-hapo siya nang makarating sa kalsadang puno ng mga tao. Paglingon niya sa piangmulan ay wala na roon si Odessa, maging ang Pegasus. Tumingala siya sa kalangitan. Walang bakas ng lumilipad na kabayo roon.
BINABASA MO ANG
Skin [COMPLETED]
RandomAn erotic retelling of the classic fairy tale Rumpelstiltskin. All rights reserved.