Chapter 14

11.1K 351 25
                                    

Chapter 14

Natuklasan ni Roswitha na maraming kayang gawin ang kuwintas na bigay ni Skin. Mula sa simpleng kahilingan, hanggang sa bahagyang komplikado. Ang simpleng hiling niyang sinubukan ay ang pagpapalipad ng mga bagay na nais maabot, tulad ng panulat, baso, o kung anoman. Ang bahagyang komplikado ay mga bagay na may kinalaman sa desisyon ng ibang tao. Halimbawa, kapag nagtutungo siya sa labas ng palasyo kung saan hindi siya pinapayagang tumuntong nang walang kasamang kawal, nagagawa niyang patalikurin ang bantay upang makalagpas siya sa istasyon niyon, bagaman makaraan ang ilang sandali ay magbabalik muli ang kawal sa ginagawa.

Ilang ulit tinangkang gamitin ni Roswitha ang salamangka ng kuwintas sa hari ngunit tila hindi iyon epektibo rito. Naisip niyang marahil ay dahil hindi simpleng pagpapakalimot ang nais niyang gawin ni Ludwig, kundi ang ganap na talikuran ang kanilang kasal, kundi man ay ang tigilan ang pagpapatunaw ng mga ginto upang gawing armor, baso, at iba pa.

Sa nakalipas na dalawang linggo ay nag-ensayo si Roswitha na tumakas. Bagaman may hawak siyang makapangyarihang kuwintas, nais niyang maging perpekto ang gagawin. Walang puwang para siya ay magkamali. Sa palagay niya ay handang-handa na siya. Noon pa ay batid na niya kung ilang kawal ang kailangan niyang lusutan sa bawat pintuan ng palasyo.

Ngayon ang gabing pinakahihintay niya, ang gabi ng kanyang pagtakas. Kanina pa siya aligaga ngunit pilit na kinakalma ang sarili habang sabay silang naghahapunan ng hari. Parang kay tagal lumipas ng bawat sandali at nang sa wakas ay matapos ang hapunan ay agad nang nagtungo sa silid si Roswitha, nagpalit ng damit.

Apat na bola ng sinulid ang kanyang isinilid sa ilalim ng kanyang bestida, kung saan nagtahi siya ng maliit na lalagyan sa bandang laylayan. Wala siyang dalang kahit na ano, maliban sa isang makapal na balabal na may talukbong. Usapan na nilang mag-ama na magkikita sa kagubatang malapit sa palasyo. Doon ay mayroon nang nakahandang dalawang kabayo ang matanda.

Sinipat niya ang orasan sa pader. Alas-nuebe ng gabi. Mahaba pa ang oras niya. Alas-onse ang usapan nilang mag-ama. Kapag nakalabas siya sa palasyo at wala pang kalahating oras ang lakarin patungo sa tagpuan nila. At mula roon, tutungo na sila sa daungan sa kabilang bayan. Tantiya niya ay makakarating silang mag-ama roon bago mag-umaga. Lalakad ang barko alas-sais ng umaga at dapat na makasakay sila. Tiyak na ipapahanap sila ng hari kung hindi sila makakasakay, at mahihirapan nang makaalis pa.

Isinuot na ni Roswitha ang balabal nang maalala ang Bulaklak ng Walang Hanggan. Agad niyang binuksan ang aparador, hinanap ang pinagkukublihan niyang kahon, ngunit wala siyang nakita. May kabang sumigid sa kanyang dibdib, naisip na marahil kinuha ni Manang Agata ang bulaklak, ngunit bakit iyon gagawin ng matanda.

"Ito ba ang hinahanap mo, Mahal kong Binibini?"

Napasinghap si Roswitha sabay lingon. Nakatayo sa pintuan ang hari, hawak ang Bulaklak ng Walang Hanggan, mayroong kakaibang ngisi sa labi. Tumuloy ito papasok ng silid, naupo sa kama.

"K-Kamahalan." Hindi alam ni Roswitha kung itatanggi ang sinabi ng hari o aamin na lang. Kung tatanggi siya, magsisinungaling siya rito at maaaring tumestigo si Manang Agata. Kung sasabihin niyang sa kanya ang bulaklak, tiyak itatanong ng hari kung paano siya nagkaroon noon.

"Gabing-gabi na, Binibini, ngunit may suot kang balabal. May pupuntahan ka ba?"

"W-wala, Kamahalan! Nilalamig lang ako."

"Ang suot mo sa paa ay mga bota. Mukhang kung saan ka man pupunta ay matinding paglalakbay ang inaasahan mong gawin."

"N-naisipan ko lang isukat ang bota, Kamahalan. P-patulog na rin ako."

"Sinungaling. At alam mo ba kung ano ang kaparusahan sa mga taong sinungaling, Roswitha? Kahit ano ang gustong ipataw na parusa ng hari. Kahit ano."

Skin [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon