"Dito ka lang huwag kang lalabas," wika ni Barbara sa kaniyang pagtayo't iniwan ako sa mesa. "Anong ginagawa niya rito?" dagdag pa niya sa paglapit sa pinto.
Sa sinabi niya palagay ko'y kilala na niya ang magiging panauhin niya pa sa gabing iyon. Kung panauhin ngang masasabi sa bigat na nararamdaman ko.
Napasunod ako ng tingin kay Barbara nang buksan niya lang nang kaunti ang pinto. Pagkalabas niya'y siya ring pagsara niya sa pintong tabla. Ako nga ay nanatili sa loob gaya ng sabi niya't pinakinggan na lang ang naging usapan niya sa bagong dating.
Humina ang yabag ng kabayo sa paglapit nito sa bakuran. Kasabay ng naririnig kong paghakbang ni Barbara sa mabatong landas ng bahay. Sinundan iyon ng paghalinghing ng kabayo't pagtalon ng nagmamay-ari papalapag sa lupa.
"Ano ang kailangan mo mahal na prinsipe at ikaw pa ang pumarito?" ang nasabi ni Barbara.
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya dahil kung prinsipe ng mga tigre ang mismong pumunta roon dalawang bagay lang ang dahilan. Una ay kung may kailangan itong mahalagang bagay. Ang pangalawa naman ay kung mayroong hindi magandang nagawa. Hindi ako sigurado kung saan ilalagay si Barbara kaya tumayo ako sa gilid ng pinto't sumilip sa awang ng mga dingding na tabla. Ang pagkakaalam ko kasi sa babae ay tumutulong lang naman ito sa mga tao.
"Alam mo kung ano ang pinunta ko rito. Huwag kang magmaangan-maangan," ang mariing sabi ng prinsipe. Ang tinig nito'y malalim, bilog at malamig na tila hinugot pa sa kailaliman ng kuweba. Napapaisip tuloy ako kung bakit naramdaman ko sa sa kaniya ang mabigat na awra gayong tao naman siya.
Nasilip ko ang prinsipe na nakatayo sa tabi ng kabayo. Ang suot nito'y pang-itaas na puti at pantalon na may burdang kulay ginto sa dulo ng manggas na karaniwang suot ng mga katulad niya. Makikita sa tindig niya ang laki ng kaniyang katawan. Ang pinagtataka ko lang ay nakasuot siya ng puting maskara na tumabon sa buo niyang mukha. Wala akong alam sa ibang kaharian kaya napapatanong ako sa sarili ko kung anong klase siyang prinsipe. At kung bakit tinatago niya ang kaniyang mukha.
"Hindi ko talaga alam, mahal na prinsipe," ani Barbara na nakatayo lang naman. "Wala naman akong ginagawang masama."
"Lapastangan ka! Anong wala?!" sigaw ng prinsipe. May kung ano siyang binunot sa bulsa ng suot na pantalon. Inilabas niya ang isang maliit na botilyang hugis tatsulok na may lamang kulay-rosas na likido. "Ano sa tingin mo ito ha?"
"Gamot," simpleng sabi ni Barbara.
"Huwag kang mamilosopo!" sigaw ng prinsipe. "Alam mo ba kung anong ginagawa ng gamot na gawa mo ha? Sinisira mo ang isipan ng mga kalalakihan dito para hiwalayan nila ang kanilang mga asawa."
"Kagustuhan nila iyon mahal na prinsipe. Binibigay ko lang kung anong gusto nila na makakabuti sa kanilang buhay," paliwang ni Barbara kaya naitapon ng prinsipe ang gamot sa lupa.
Nabasag iyon sa pagtama sa bato't ang likidong natapon ay nadala ng hangin na parang usok lang.
"Hinayaan ka na manirahan dito para makatulong sa mga mamayan. Ngunit anong ginagawa mo sinisira mo ang buhay nila!" paratang ng prinsipe. Hindi ko nagugustuhan kung saan patungo ang pag-uusap nila. "Liban pa roon ikaw rin ang pumapaslang sa mga bata rito! Aminin mo, ginagamit mo sila upang makagawa ng gamot mo hindi ba?!"
"Ipagpaumanhin mo mahal na prinsipe ngunit mali iyang sinasabi mo," ani barbara.
"Anong mali sa sinasabi ko mangkukulam ha? Maraming nakasaksi sa ginawa mong pagkuha sa mga bata!" anang prinsipe na may galit. "Hindi kita hahayaang dumihan ang kaharin."
"Hindi ko kayang pumatay ng mga bata!" Napapatras na si Barbara sa labis na takot dahil sa nabubuong bola ng apoy sa kanang kamay ng prinsipe.
"Sinungaling! Marami akong patunay na ikaw ang pumapatay kaya paparusahan na kita para magtanda ka! O mas mainam na tapusin ko na ang buhay mo para mabawasan ang suliranin sa kaharian na ito!" mariing sabi ng prinsipe.
BINABASA MO ANG
Horns By The Grave #MPreg #BoyxBoy #Fantasy
FantasySimpleng buhay lang ang mayroon si Kenyon mula nang mamatay ang kaniyang nanay. Dahil wala na ang ginang sinarado niya ang kaniyang pinto para sa ibang tao. Bibihira na siya kung makisalamuha sa iba. Nangyayari lang iyon kapag naghahanap siya ng lun...