Sa puntong iminulat ko ang aking mga mata nalaman ko na nasa ibang lugar ako. Ang kisame sa aking taas ay nababalot ng nangingitim na lumot. Tumutulo pa rito ang lumulusot na maruming tubig na pumapatak kalapit ng aking uluhan, umaalingaw-ngaw pa nga iyon kung nasaan ako. Samantalang dahil sa akin namang pagkahiga ang lamig ng sahig ay nanunuot sa aking likuran.
Ako'y napabangon ng upo para lang magtaka sa aking itsura. Nakahubo't hubad ako. Ni isang saplot sa katawan ay walang naiwan sa akin. Kiniskis ko ang aking mga palad sa aking braso upang kahit kaunti ay matanggal ang lamig na aking nararamdaman.
Pader ang nasa aking kaliwa, kanan at likod na nababalot ng nangingitim na lumot sa katagalan ng panahon. Nalaman ko na lamang na nasa isa akong piitan. Wala akong madadaanan palabas kundi ang mahabang pasilyo sa aking harapan. Sa aking pagtayo ay isinangga ko ang aking kamay sa aking mukha sa pag-aakalang puputok ang umapoy ang hanay ng mga tulos na nakasabit sa pader. Nakahinga ako nang malalim sa pagkakaroon ng liwanag roon kasabay ng pagbaba ko sa aking kamay.
Pinagmasdan ko nang maigi ang pasilyo. Hindi abot ng aking mata ang dulo nito. Naisip ko kung paano ako makakalabas sa lugar na iyon. Hindi ko rin alam kung paano ako napunta roon. Sa kabila ng pagkabagabag nagsimula akong humakbang. Kahit isang pintuan ay wala ang pasilyo kaya lalo kong binilisan ang paglalakad ko. Unti-unti akong nababalutan ng takot lalo pa nang makarinig ako ng ungol na tila nagbabadya ng kapahamakan.
Nang hindi ako makuntento sa paglalakad,tumakbo na ako. Nakalayo na ako sa dulong pinanggalingan ko pero hindi ko parin nararating ang katapusan ng pasilyo. Tumigil lang ako sa pagtakbo nang makaramdam ako ng hingal. Habang namamahinga'y nakakita ako ng nabubulok na pinto sa gilid ng pasilyo na hindi abot ng mga tulos. Walang tulos sa kung saan naroon ang pintuan. Nagbalik ang pag-asa sa akin na makakalabas ako kung kaya't agad akong lumapit dito.
Huminga ako nang malalim bago ko buksan ang pinto kasi naisip ko rin na baka kung ano ang naghihintay sa akin sa kabila. Pagkahawak ko sa kinakalawang na busol nanlamig ang buo kong katawan. Ngunit nakuha ko paring buksan ang pinto. Pagkabukas ko'y agad din akong lumabas sa pag-aakalang makakabalik na ako sa tinitirahan ko. Ang pag-aakalang iyon ay napalitan ng pagtataka sa aking paghakbang. Nakatapak ako ng kung anong matigas na bagay kung kaya't tiningnan ko ito. Nalaman ko na lang na mga kalansay ng tao ang natapakan ko na nababalot sa pulang likido.
Sa pananatili kong nakatayo ay unti-unting lumulubog ang aking mga paa sa dagat ng mga kalansay ng tao na nahaluan ng dugo. Lumingon ako sa aking likuran para muling pumasok sa pinto. Tanging pinto lang ang naroon, walang pader o ano pa mang dingding na kinakabitan ng pinto. Nakatayo lang talaga iyon. Sa kasamaang palad kusang nagsara ang pinto at naglaho ito katulad ng nasusunog na papel.
Lumingon ako sa aking paligid para malaman kung may lugar akong matatakbuhan upang makatakas ako sa paglamon ng dagat ng kalansay sa akin. Wala akong nakitang mataas na lugar maliban sa isang burol sa hindi kalayuan. May nakatayong puno na hindi ko alam kung anong klase sa gitna ng tuktok ng burol. Ang mga dahon pa nito'y tila umiilaw sa liwanag ng buwan na nagmumula sa kalangitan. Sinimulan kong baktasin ang dagat ng kalansay. Ang mga tala sa gabing langit ay naging saksi sa aking pakikipagbuno sa mga kalansay. Sa aking paghakbang naman ay hindi gaanong lumulubog ang aking mga paa kaya't nakakausad ako.
Hindi rin nagtagal ay nakarating ako sa paanan ng burol. Maganda ang pagkatubo ng damo sa burol, pinong-pino at pantay. Tumayo ako nang maayos at pinagmasdan ko ang sarili ko na tila pinintahan ng dugo. Kung iisipin ay nakasuot ako ng pulang damit ngunit purong dugo iyon. Pati ang masilan kong bahagi ay naligo sa dugo. Ang hindi lang gaanong natalsikan ay ang aking mukha. Natigil ako sa pagsusuri sa aking sarili nang mapansin kong may nakatayong lalaki sa ilalim ng puno.
Lumapit ako rito para malaman ko kung sino siya at para na rin matulungan akong makaalis sa lugar na iyon. Sa paglapit ko rito'y kumabog ang aking dibdib. Paano ba naman kasi'y may nakikita akong pakpak sa kaniyang likuran katulad sa isang paniki. Nakatiklop ang pakpak kaya hindi ko makita kung gaano kalapad. Huminto ako nang winasiwas-wasiwas niya ang kanyang buntot. Hindi ko naman mamukhaan ang lalaki sapagkat nakatago siya sa lilim.
BINABASA MO ANG
Horns By The Grave #MPreg #BoyxBoy #Fantasy
FantasíaSimpleng buhay lang ang mayroon si Kenyon mula nang mamatay ang kaniyang nanay. Dahil wala na ang ginang sinarado niya ang kaniyang pinto para sa ibang tao. Bibihira na siya kung makisalamuha sa iba. Nangyayari lang iyon kapag naghahanap siya ng lun...