Madilim na ang paligid nang makarating ako sa dulo ng lupain ng mga tigre. Imbis na buwan at mga tala ang pumuno sa kalangitan nang gabing iyon, ang naroon ay makakapal na ulap na may kasama pang pagkulog at pagkidlat. Malinaw kong napapagmasdan ito sa likuran ng mga nagtatayugang mga punong-kahoy. Ang mga tuyong dahon pa na natatapakan ko sa aking paghakbang ay gumagawa ng ingay sa katahimikan ng gabi.
Maingat akong naglakad sa makipot na daan sa pagitan ng mga puno nang hindi ako humandusay. Ang pagkidlat ang tanging naging ilaw ko. Naririnig ko rin ang pag-agos ng sumangang ilog samantalang ang mga kulisap naman na dapat gising ay tahimik.
Pinapaalala ng ganoong senaryo ang gabi na namatay ang aking ina dahil lamang sa pagiging iba ko. Pinanganak kasi ako ng aking ina sa mundo ng mga demonyo nang minsang makulong siya roon ng hindi sinasadya. Tumagal siya roon ng ilang buwan hanggang sa ako ay maipanganak. Nakaalis lang siya roon dahil sa unang beses kong pag-iyak. Ang sabi niya sa akin ang tinig ko ang pumunit sa himpapawid hanggang nagkaroon ng lagusan na naging daan niya pabalik sa mundo ng tao.
Ngunit sa pagbalik namin ay hindi na naging maganda ang pamumuhay namin lalo na para sa akin. Kasabay kasi ng paglaki ko ay ang kasamang sumpa na pilit kong kinakalimutan. Labis pa akong nahirapan nang mamatay ang aking ina nang ako ay siyam na taong gulang. Nanghina ang katawan niya mula nang ako ay kaniyang isinilang kaya labis kong sinisisi ang aking sarili. Kung hindi lang sa hiling niyang mabuhay ako para sa aming dalawa tinapos ko na rin sana ang buhay ko. Ang ama ko naman ay hindi ko na nakilala pa sapagkat nasabi ng aking ina na hindi kami nito tinanggap nang ipakilala niya ako rito. Wala rin akong balak na ito ay kilalanin pa sa ginawa nito. Ang tanging nagtutulak sa akin para magpatuloy ay ang alaala ng aking ina.
Ang pagiging iba ko ang naging dahilan kung bakit ako naroon sa kaharian na iyon. Hihingi ako ng tulong sa isang babaeng kilala bilang mangkukulam na nagngangalang Barbara. Mula nang mamatay ang ina ko, naghanap na ako ng lunas sa naging kalagayan ko hanggang sa narinig ko nga ang tungkol sa babae. Mahigit sampung araw akong naglakbay makarating lang sa tirahan niya.
Ilang mga matatayog na punong-kahoy pa ang nalampasan ko bago ko natanaw ang bahay na nasa ilalim ng ugat ng isang higanteng puno. Kalapit nito ang umaagos na ilog na kumikinang sa ilalim ng pagkidlat. Ang liwanag na gawa ng apoy sa loob ng bahay ay lumulusot sa awang ng pintong tabla.
Tumigil ako sa paghakbang at nakahinga ako nang malalim sa magsasalba sa aking paghihirap.
Hindi ako nagtagal sa pagkatayo't bumaba ako sa pababang lupa hanggang nakapaglakad sa landas sa gitna na walang ingay. Sa paglapit ko sa bahay ay napansin ko ang mga tinayong mga sibat sa bakuran. Sa dulo ng mga sibat ay nakasabit ang mga bungo ng kung anu-anong hayop. Hindi naman ako natakot sa mga ito sapagkat mas nakakatakot ang naging buhay ko.
BINABASA MO ANG
Horns By The Grave #MPreg #BoyxBoy #Fantasy
FantasíaSimpleng buhay lang ang mayroon si Kenyon mula nang mamatay ang kaniyang nanay. Dahil wala na ang ginang sinarado niya ang kaniyang pinto para sa ibang tao. Bibihira na siya kung makisalamuha sa iba. Nangyayari lang iyon kapag naghahanap siya ng lun...