TMIS1 - Paranoid

203 41 1
                                    

the title of every chapter will be base from random hiphop/rap song.
--

Mula sa mabilis na paghakbang sa kahabaan ng Divisoria'y napahinto't napalinga sa paligid si Laura nang magpatuloy ang kakaibang pakiramdam na iyon na nagsimula nang makababa siya ng jeepney kanina.

Pauwi na siya galing sa part-time job niya bilang isang encoder sa pagawaan ng thesis malapit sa pinapasukan niyang state university. Natatapos ang klase niya ng alas cuatro ng hapon habang mula alas cinco hanggang alas otso naman ang trabaho niya kaya minsan ay ginagabi na siya sa pag-uwi katulad ngayon dahil sa hirap mag-abang nang masasakyan.

Nagpatuloy siya sa mabilis na paghakbang nang wala naman siyang mapansing kakaiba bukod sa tuloy-tuloy na agos ng iba't ibang mukha at klase ng ingay sa paligid.

Dalawang kanto na lang at mararating na niya ang Baranggay nila ngunit habang mas binibilisan niya ang paglalakad ay tila ba tumitindi rin ang panunuot ng mga titig na iyon na nagmumula sa kanyang likuran. Ramdam na ramdam niya ang hindi na normal na pagpintig mg kanyang pulsohan at ang kabang unti-unting lumulukob sa kanyang dibdib.

Hinigpitan niya ang pagkapit sa bagpack na suot-suot niya sa harapan at tila ba nakikipag-karerahan ang mga paa niya sa mga sidecar na bumibiyahe sa tabi ng daan kasabay din ng tibok ng kanyang puso. Pawis na pawis na ang kanyang anit kahit nanlalamig ang kanyang batok dahil sa titig na iyon na hindi niya malaman kung saan nanggagaling.

Humugot siya ng malalim na hininga't lumunok upang pigilin ang kaba sa kanyang dibdib. Kailangan niyang harapin kung anuman ang bagay na iyon. Alam niyang naroroon lamang sa paligid kung sino man ang may dahilan ng takot niya.

Lakas loob siyang huminto kasabay ng pagbuga niya ng hangin.

"Ay, ano ba 'yan!"

"Sorry po. Sorry po!" agad na hinging-paumanhin niya nang malingunan ang babaeng bumangga sa kanyang likuran nang huminto siya.

Masama ang tingin nito sa kanya habang dinadampot ang ilang pinamili na bumagsak sa sidewalk. "Bakit ba kasi biglang humihinto! Kita namang--, naku!" pailalim pa siyang tinignan ng may-edad na babae bago ito nagpatuloy sa paghakbang.

Saglit niyang pinanood ang paglalakad nito palayo bago ibinalik ang atensyon sa paligid. Katulad kanina'y wala namang kakaiba. Abala ang mga tao sa pamimili't pagbebenta. Ang ila'y nagmamasid katulad niya at sa tingin naman niya'y wala ni isa sa mga ito ang taong nagdudulot sa kanya ng kakaibang pakiramdam.

Humugot siya ng malalim na hininga at pinilit pinanatag ang sarili bago muling lumakad papauwi. Saglit na nawala ang nanunuot na mga titig ngunit nang papasok na siya sa eskinita nila'y bumalik iyon.

Tumayo siya sa tapat ng isang maliwanag na tindahan at muling luminga sa paligid. Wala namang kakaiba. Kung ano'ng hitsura ng Baranggay nila kapag papasok siya sa umaga'y ganoon pa rin iyon ngayong gabi na umuwi siya.

"Sha-sha, bakit 'di ka pa umuwi? Ano pa'ng ginawa mo r'yan?"

Napaigtad si Laura nang marinig ang tinig ng ama niyang si Enzo. "A-a, papa," agad na iniabot niya ang kamay nito't nagmano. "Ano lang po, may naisip lang po ako."

Hindi kumbinsidong tinitigan siya ng may-edad na lalaki bago dinala sa bibig ang sigarilyong nanggaling sa bulsa nito. "Sa bahay mo na lang ituloy 'yang pag-iisip mo. Umuwi ka na."

Hindi siya agad nakakilos. Naroon pa rin ang nakakakilabot na titig ngunit mas natakot siya nang umisang hakbang patungo sa kanya ang papa niya kaya dali-dali na niyang binagtas ang daan patungo sa bahay nila.

Naisip niya si Keith.

Pero noong isang araw pa siya tumigil sa pag-i-imbestiga sa pagkatao nito dahil nakumbinsi na niya ang sariling ordinaryong tao lang naman ang lalaki. Natatangi nga lang ito dahil may dugo itong Italyano pero bukod doo'y wala na.

The Mafia's Illegitimate SonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon