"Hoy pulubi!" Iyan ang tawag sa kaniya ng mga batang hamog kapag nadaraanan siya sa madilim na eskinitang iyon. Tumingila ang pulubi upang tingnan ang mga lumalapit na bata. Tumabi ito sa kaniya at inabutan siya ng plastic na may laman na isang uri ng sealant na madalas ginagamit sa mga butas ng bubong o sa mga tumatagas na tubo.
Bilang pakikisama ay tinanggap ng pulubi ang plastic. Pinagmasdan niya ang mga batang hamog kung paano nila singhutin ang amoy ng sealant sa loob ng plastic. Alam ng pulubi na tulad niya ay mga wala rin pera ang mga bata kung kaya upang maitawid lang ang gutom sa maghapon ang sealant na iyon ang nagsisilbing pampabusog sa kumakalam na nilang sikmura.
Sinubukang gayahin ng pulubi ang ginagawa ng mga batang hamog ngunit isang singhot pa lang sa sealant ay sumakit na ang ulo niya, nagkunwari siyang pilit na sinisinghot ang loob ng plastic, naisip kasi ng pulubi na baka kapag hindi siya nakisama sa mga batang hamog ay may masamang gawin ang mga ito sa kaniya.
Hindi rin puwedeng mawala sa katinuan ang pulubi dahil sa gabing iyon magsisimula ang isang plano na limang taon niyang hinintay. Ang planong limang taon niyang pinag-isipan at pinaghandaan. Ang planong nabuo dahil sa masalimuot niyang nakaraan.
"Ayos ba pulubi? Ahahaha..." Tanong ng isa sa mga batang hamog sabay tawa nito.
Tumango lang ang pulubi at nagkunwari din itong tumawa, pinipilit na ipakita sa kanila na nagagalak din siya sa pagsinghot.
"Singhot lang ng singhot pulubi, wooohh!.." Sabi naman ng isa sa mga batang hamog. Nagtawanan na ang grupo, alam ng pulubi na ilang singhot pa ng mga ito sa sealant ay tatamaan na ng pagkabangag ang mga bata. Para itong droga na ang pinupuntirya ay ang utak mo. Sabi nga ng mga batang hamog sa bawat pag-amoy nila sa sealant o minsan sa rugby parang ang tahimik ng mundo, blanko ang isip, walang problema at walang gutom.
Sumapit ang hating-gabi at isa-isang nakatulog ang mga batang hamog sa eskinitang iyon, awa ang nararamdaman ng pulubi para sa mga batang ito. Sa isip ay nagtatanong kung anong klaseng magulang meron ang mga bata at pinabayaan magpalaboy-laboy sa kalye. Hinayaan silang magutom, manlimos o magnakaw para lang lumaban sa hirap ng buhay sa lansangan.
Kinolekta ng pulubi ang mga plastic na may sealant at inilagay sa sakong dala-dala niya. Tumayo na siya at tumawid sa kabilang parte ng kalye. Dumiretso siya sa isang mas madilim na eskinita at doon ay mag-isang nagtago at nag-abang ng tamang oras para simulan ang kaniyang plano.
Wala pang kalahating oras ay dumating na ang taong kaniyang hinihintay. Ang uniporme nito ay kulay puti mula sa kaniyang damit, pantalon at sapatos. Ang lalaki ay papasok pa lamang sa hospital na malapit sa eskinitang pinagtataguan ng pulubi.
"Psssst..." Sitsit ng pulubi sa lalaking nakaputi ng tumapat na ito sa madilim na eskinitang kinaroroonan niya.
"Bakit?" Nagtatakang tanong ng lalaki. Habang nakayuko inilahad ng pulubi ang kaliwang kamay niya sa harap ng lalaki na tila humihingi ng limos. Naningkit naman ang mata ng lalaking nakaputi at bakas sa mukha nito ang pagka-irita sa pulubi.
"Hayop, istorbo ka! Tumabi ka diyan." Tinabig ng lalaki ang pulubi ngunit bago pa makahakbang ang lalaki isang patalim ang tumurok sa gilid ng leeg nito. Ang mga dugo nito ay nagtalamsikan sa madilim na eskinitang iyon.
Hinugot ng pulubi ang patalim sa lalaki at ang kaniyang dugo ay tila gripong kusang dumaloy mula leeg pababa sa puti niyang uniporme. Hinila ng pulubi ang lalaki sa loob ng eskinita at isinandal niya ito sa isang pader malapit sa mga basurahan. Isang saksak muli ang binigay ng pulubi sa gawing tagliran ng lalaki. Sa pagkakataong iyon mas malalim at mas madiin.
"Hmmmppmm..." impit na sigaw ng lalaki. Hindi ito makapagsalita sa sakit at sa dugong naglalabasan sa kaniyang bibig.
"Masakit ba?" Matigas na tanong ng pulubi.
"Ha-hayop k-ka..." utal-utal na sabi ng lalaki. Halata sa boses nito na siya ay nahihirapan na.
"Mas hayop ka! Ang isang katulad mo ay hindi na nararapat pang mabuhay sa mundo. Mas hayop ka! Sa bawat droga, ecstasy at marijuana na binebenta mo mas marami pang kabataan ang mawawala sa landas, masisira ang buhay at mawawasak ang mga pangarap. Hayop ka sa lipunang ito!" Mahabang litanya ng pulubi sabay tusok muli ng patalim sa katawan ng lalaki.
"Aaaahhhh!" Sigaw ng lalaki ngunit agad din tinakpan ng pulubi ang bibig nito.
"Huwag kang maingay hindi pa ako tapos. Limang taon kong hinintay ang pagkakataong ito. Minsan na akong naging biktima mo, naging sunod-sunuran sayo at napaniwala mo na ang droga lang ang magiging sagot sa mga problema ko pero nagkamali ako at pinagsisisihan ko na nakilala kita. Ikaw at ang droga mo ang sumira sa kinabukasan ko, pinatay mo ang mga pangarap ko, pinatay mo ko!" Bakas ang galit sa mukha ng pulubi, samantalang takot at paghihirap ang nararamdaman ng lalaki.
"Hindi mo ba naaalala ang patalim na ito?" Tanong ng pulubi sa lalaki habang inihaharap niya ang patalim sa mukha nito. Naguluhan ang lalaki sa tinatanong ng pulubi, umiling siya bilang sagot.
"Ito ang patalim na iniwan niyo sa gubat, patalim na tumapos sa isang buhay. Naaalala mo na ba?" Pagpapaalala ng pulubi habang binabaon ang patalim sa hita ng lalaki, hindi pa siya nasiyahan sa pagbaon lang kaya pinaikit-ikot pa niya ang patalim sa hita nito na tila hinahalukay ang kalamnan.
"Hmmmm...ma-maawa ka..Ma-a.."
"Sssshhh... Huwag ka ng magsalita. Alam ko ang nararamdaman mo, ang maghabol ng hininga, manlamig ang katawan sa takot, maghingalo at..........mamatay!." Galit na sabi ng pulubi habang ang mga luha ay tumutulo na sa kaniyang mga mata.
"Ma-maa-awa ka..." Kahit nahihirapan sinubukang hawakan ng lalaki ang mga kamay ng pulubi at muling nagmakaawa.
"Maawa?" Tumawa ang pulubi sabay hablot ng sakong dala niya. Nilabas ang mga plastic na may laman na sealant doon at isa-isang tinapal sa mga sugat ng lalaki. "Ayos na ba? Siguro naman hindi na tatagas ang mga dugo mo niyan." Tanong ng pulubi.
"O-oo... Sa-sa-lamat" napipilitang sabi ng lalaki. Tumayo ang pulubi at inayos ang dalang sako, hahayaan na sana niyang maghingalo ito sa tabi ng basurahan ngunit nang akmang maglalakad na siya paalis ay nagsalita muli ang duguang lalaki.
"Sa-salamat Ma-Marco.." Matapos bigkasin ng lalaki ang pangalang Marco lumingon ang pulubi at mababakas sa mga mata nito ang nag-aapoy na galit. Hawak ang patalim, mabilisang tinurok ng pulubi ito sa mismong gitna ng kaniyang dibdib. Ibinaon doon hanggang ang tumutibok na puso ay wala ng pulso. Iyon ang panglimang saksak sa katawan ng lalaki katumbas ng limang saksak na tinanggap ni Marco limang taon na ang nagdaan.
BINABASA MO ANG
Marco (Unang Yugto)
Misterio / SuspensoIsa akong pulubi na nanlilimos ng hustisya. Pulubing masasabing walang kahit na anong pag-aari sa mundong ito kundi ang aking pamilya. Isang pulubing nawala sa landas, nasira ang buhay at nawasak ang kinabukasan hanggang naging palaboy sa lansangan...