Napasigaw ako sa gulat nang bumusina ng malakas ang dumaang kotse habang naglalakad pauwi. Dahil sa gulat, nabitawan ko ang mga pinamiling groceries.Nanlumo ako sa nakita. Halos lahat ng itlog na nasa tray ay nabasag. Ang nasa supot naman ay nagkalat. Nakita ko pa ang paggulong ng isang delata ng sardinas papunta sa kabilang bahagi ng kalye.
Nanggalaiti ako sa galit. Nakapamaywang na pinuntahan ko ang kotse na nakaparada na ngayon sa gilid ng kalye. Nang makita ko ang pamilyar na plate number ng sasakyan, mas lalong sumiklab ang galit ko.
"Hi!" Nakangiting bati nito. Hindi nga ako nagkamali nang mapagsino ang nasa loob nang bumaba ang bintana nito.
"Ano na naman bang kalokohan itong unggoy ka?! Tingnan mo ang ginawa mo!"
Hindi man lang siya natinag sa lakas ng sigaw ko. Dumako ang tingin niya sa nagkalat na groceries sa semento at kunwaring nag-aalala sa mga ito.
"Oh no, my bad. Try to be careful next time, okay?" Parang sumurok ang dugo ko sa ulo lalo pa't hindi ko makita ang reaksyon ng kanyang mga mata dahil sa shades na suot. Bago ko pa siya mahampas ng pinulot kong malaking talong, pinaharurot na niya ang sasakyan palayo. Rinig ko pa ang malakas niyang tawa.
"Hoy! Bumalik ka ritong hayup ka!" Sigaw ko pa. Binato ko ang talong pero hindi na nito naabot ang kotse.
Napapadyak na lang ako sa sobrang poot. Ano pa nga ba ang aasahan ko sa hinayupak na 'yon? Wala talagang puso kahit kailan.
Wala na itong ginawa kung 'di guluhin ang buhay ko. Ewan ko ba at naging sikat na artista siya, eh ang sama-sama ng ugali niya. Never in my life na naging maayos ang pakikitungo niya sa akin. Sa tuwing nakikita niya ako ay walang palya ang pang-iinis niya. Siguro kung hindi lang sa utang na loob ng pamilya namin sa mga magulang niya'y matagal ko na siyang siniraan online.
Paano kaya kapag nalaman ng mga fans niya ang tunay niyang ugali? Nakita ko pa naman sa mga iilang interview niya kung gaano siya ka-thankful kuno sa suportang binibigay ng mga ito sa kanya. May papramis pa siyang pagbubutihin ang trabaho para mabigyan ng magandang resulta at kalidad na mga palabas para sa mga ito.
Napaikot na lang ako ng mga mata habang nagsasalita siya. Akala mo naman mayroong sinseridad. Kaya lang naman siya sumikat dahil may lahi siyang banyaga. Siguradong sisikat talaga siya sa mga tao lalo na dito sa Pinas.
Maputi, matangkad at may magandang posture ng katawan din kasi ang hunghang. Not gonna lie about that. Sino ba naman kasi ang hindi siya magugustuhan? Well, except for me dahil inusumpa ko siya buong buhay ko!
Lahat na ata ng kamalasang pwede niyang makuha ay binibigkas ko habang pinagpupulot ang mga nagkalat na groceries sa semento. Halos lahat ay okay pa naman maliban lang talaga sa mga itlog ko.
Napabuntong-hininga na lang ako. Sobrang sama ng loob ko dahil naka-budget na ito mula sa kakarampot kong sweldo bilang office staff. Ito na nga lang ang naiimbag ko sa bahay, nasayang pa. Iniisip ko na ang lahat ng mga sasabihin kapag nagkita kami ulit ng lalaking 'yon. Humanda talaga siya.
Ang inis na nararamdaman pagkauwi ng bahay ay napalis nang sinalubong ako ng kyut kong pamangkin. Nilapag ko muna ang groceries sa mesa bago ito binuhat at pinupog ng halik sa pisngi. Napahagikhik naman ito.
"Ice cream, Tito." Anito nang ibaba ko ito sa upuan. Kinuha ko ang ice cream na binili ko para sa kanya. Mabuti na lang kahit papaano ay hindi ito nasira kanina.
"Quiet lang ka lang baby. Magagalit si Mommy mo." Sabi ko sa kanya habang tiningnan ang paligid. Baka nandiyan lang ang ina nito't umaaligid-aligid. Nagagalit iyon kapag inii-spoil ko ang bata. Napabungisngis lang si Kie at tinakpan pa ang bibig.
BINABASA MO ANG
Irresistible Attraction
RomanceToby cannot deny the irresistible attraction he felt for Augustre. Kahit pa sobrang naiinis siya sa lalake dahil wala na itong ibang ginawa kung 'di ang biruin siya. Kahit nagagalit, hindi naman niya mapigilan ang sariling makaramdam ng kakaiba sa t...