NAKIKITA kong nagsasalita si Gracia pero hindi ko siya naririnig. Nararamdaman ko ang palad niya kahit ang katawan ko ay namamanhid.
Hindi ako matigil sa pag-iyak. Nakapagbitbit nga ako ng ilang gamit ngunit hindi ko naman nailigtas ang kaisa-isang bagay na meron ako.
Natupok ng apoy ang bahay ko – ang nag-iisang kayamanan na naiwan sa akin nina Mama at Papa. Magkasunod na namatay ang aking mga magulang noong high school ako. Doon na nagsimula ang paghihirap ko. Nalugi ang negosyo namin, at maski ang nag-iisa kong kapatid na binabae, na si Kuya Maximus ay walang nagawa nang maubos ang ilan sa aming kabuhayan.
Tanging ang bahay na lang namin ang natira sa aming magkapatid. Ang bahay ay ipinagkatiwala na sa akin ni Kuya Maximus, dahil nga sa umalis na siya para makisama sa boyfriend niya. Ngayon ay akin na ang bahay. Akin na raw iyon bilang ako naman ang bunso.
Subalit sa isang iglap, naglaho iyon. Isang apoy ang nagnakaw ng nag-iisang kayamanan ko. Paano na ako nito kung wala na ang bahay ko? Paano ko ipapaalam kay Kuya na nasunog ang bahay namin?
"M-Martina..." untag sa akin ni Gracia. "Gusto mo sa amin ka na lang muna tumira?"
Umiling ako. Alam ko ang ugali ni Tita Beth na mama ni Gracia, ayaw non na may ibang tao sa kanila.
At inis sa amin iyon ni Kuya Maximus. Ang turing sa amin non ay hindi kadugo. Sinisisi niya kasi ang mama namin noon kung bakit namatay si Papa. Hindi man lang daw kasi ito nakagawa ng paraan para maisalba ang buhay ng asawa.
Mahabang istorya na ayaw ko nang balikan. Kaya hinahayaan ko na lang na magalit sa amin ni Kuya Maximus si Tita Beth, kahit pa hindi niya kami dapat sisihing magkapatid.
"Alam na ba ito ni Kuya Maximus?" mayamaya ay tanong ulit sa akin ni Gracia.
"S-saka ko na sasabihin..." Napatulala na lang ako. Nabuhayan lang ako nang makita ko ang isang pulis na papalapit sa amin. Kasalukuyan kasi kaming nandito sa police station.
"Martina Manalaglag?" tanong ng pulis paglapit sa akin. Nagpakilala siya bilang isang investigator ng kaso ko.
"Ako nga po." Napatayo ako.
Napatingin siya sa papel na hawak niya. "Ayon sa salaysay mo rito, sinasabi mo na may sumunog ng bahay mo."
"Opo. Meron po."
"Sino?"
"Hendrix Ybarra Montenegro o Rix Montenegro po."
Napaatras ang pulis.
Napakapit si Gracia sa braso ko. "'Insan..." Mahina niyang saway sa akin.
"Sigurado po ako, Sir. Si Rix Montengro ang sumunog ng bahay ko. Tiyak na kilala niyo iyon, sikat daw iyong gagong iyon, eh."
BINABASA MO ANG
The Wrong One (BOS: New World 2)
RomanceHendrix Ybarra is your college professor by day, your manager in your part-time job by night, and your gorgeous in-denial stalker 24/7! -------------------------- Hendrix Ybarra Montenegro BOS #2 Black Omega Society New World ©Jamille Fumah 2019