"Ba't 'di pa sabihin
Ang hindi mo maamin
Ipa-uubaya na lang ba 'to sa hangin
huwag mong ikatakot
Ang bulong ng damdamin mo
Naririto ako at nakikinig saýo"Daine
Kanina pa paulit ulit sa isip ko yang bahaging yan ng Tadhana ng Up Dharma Down. Pero dahil nasa company ako hindi ko din naman siya makanta. Kaya hinahayaan ko lang na bulabugin ang isip ko ng kantang yan kesa isipin ko yung sinabi ni John kanina. Hindi ko nga alam. Kung dahil ba sa sinabi niya kaya biglang nakaisip ng kanta ang utak ko o pinipilit ko lang talagang libangin ang sarili ko para hindi maisip yun?
"Daine breaktime mo na. Kain ka na."
Kung dati dati excited ako sa oras na ito. Ngayon parang gustong gusto ko pa talagang magtrabaho. Seryoso nga kaya siya sa sinabi niya? Oo wala yung dalawang kasabay ko lagi sa breaktime pero hindi yun rason para sadyain niya ako kanina after meeting na sabay daw kaming kumain ngayon? Bakit? May iba pa naman ako na pwedeng sabayan. Sabi na nga ba yung epekto ng cake na yun. Nailabas ko na at lahat hanggang ngayon ginagambala pa din ako. Kasalanan ko ba na nagpadala siya sa kantyaw na subuan ako ng cake nung Christmas Party namin? Oo medyo tipsy kami parehas. Ok lang naman sana nga. Kaso may nakakita na iba. Ayun kumalat at simula nung araw na yun naging tampulan ng kantyawan. At si gwapo este si gago este si John ang lakas ng trip sa buhay at pangiti ngiti lang.
Binilisan ko ang kilos ko para kung wala siya paglabas ko. Iiwan ko na lang siya. Para pwede kong sabihin na nakalimutan ko ang sinabi niya kaya hindi ko siya nahintay. Kesa bagalan ko ang pagkilos ko at hindi ko naman siya makikita paglabas ko. Ang totoo Daine? Umaasa ka ba na andyan siya paglabas mo?
Nasa ganun akong pag iisip ng may biglang kumulbit sa akin. Kaya medyo nagulat ako at napalingon ako. At yung gwapong mukha niya ang bumungad sa akin.
"Tara na kumain."
At yung nakakaloko niyang ngiti. Nakakaloko kasi bigla na lang bumibilis ang tibok ng puso ko. May kung ano yung ngiti na yun na kahit gusto kong iiwas ang tingin ko sa kanya may kung anong pwersa na hindi ko mapigilan na lalong pagmasdan ang mukha niya. Nakakaloko di ba? Gaya ng kung sa saan nagsimula ang lahat ng ito. Puro sa lokohan lang.
"Alam mo John wala naman yung dalawa, kaya hindi mo kailangang magpanggap na parang totoo yung loveteam na binubuo nila para sa ating dalawa."
At ngumiti lang siya. At talo na naman ako. Bakit kasi sa simpleng bagay ang bilis ko lang mahulog? Una dun sa subuan ng cake na naganap. Pangalawa sa ngiti niya na palaging automatic pag haharap siya sa akin.
"Kaya nga. Wala yung dalawa kaya pwede kitang isabay kumain. At hindi din naman ibig sabihin na pag andito lang yung dalawa saka merong tayo."
"Anong Tayo ka diyan?"
Pero umuna lang siya sa paglalakad. Kaya wala akong choice kundi medyo bilisan ang lakad para abutan siya.
"Anong tayo?"
"Tayo. Tayo ang magkasabay ngayon di ba?"
Kung iwanan ko kaya siya para walang "Tayo" na sinasabi niya. Kaasar. Hindi lang pala siya magaling magpahulog. Magaling din pala siyang magpaasa.
Hindi na ako umimik nung makapasok kami sa canteen sa company. Kasi baka kung ano pa ang sabihin niya na medyo masakit sa puso. Kahit parang naging sunod sunuran lang ako everytime na tinatanong niya ako if ano ang kakainin ko. Tinuturo ko lang. Hindi na din ako nakatutol pa nung siya na ang nagbayad nung pagkain ko.