Limang taon ang lumipas nang ika’y muling magbalik
At ako’y nagulat sa iyong bitbit
Maliban sa mga bagahe ay may batang nakakapit
Ako’y nagtaka, tinanong kung kapatid
Subalit ikaw ay umiling at sumagot ng hindi
“Anak ko,” wika mo ng nakangiti.
Tibok ng puso ko’y biglang tumigil
Ako ba’y matutuwa o madidismaya sa narinig
Tiningnan ng mabuti ang batang iyong kamukha
Ang pusong kaninang huminto ay lumukso na lang bigla
Ano itong nadarama at ako’y nagalak pa
Lalo na nang hawakan ang maliliit na kamay niya
Bahagya kang lumayo, sabi mo kayo’y mauuna na
Ihahatid na sana ngunit ika’y lumisan bigla
Dala ang batang sa akin ay nakatanaw pa
Ako’y nasaktan, ikaw ba’y galit pa?
Dahil sa kahapong ipaglaban ka’y hindi ko man lang nagawa
Kung hindi lang sana naging duwag, sana ay tayo pa.
Datapwat alam kong ako’y huli na
May anak ka na at hindi ako ang ama
Masakit mang alamin pero gusto kong kilalanin
Ang lalaking bumihag ng puso mong aking binitin
Gusto ko lang tingnan kung siya ba ay karapat-dapat
Sa babaeng mahal na mahal ngunit sinaktan ko lamang.
Ikaw ay pinuntahan sa dating tirahan
Pero puso’y kumirot, hindi ko napigilan
Ikaw ay may kausap, nakangiti at masaya
Siya ba ang ama ng batang iyong dala-dala?
Ako ay lumapit at ikaw ay nabigla
Ang nakatawang mukha ay naglaho ring parang bula
Tinanong mo ako subalit dila ko’y aking nalunok
Dahilan ng pagpunta’y bigla kong nalimot
Ano nga ba kasing karapatan ko pa sa iyo
Gayong ang pusong ipinagkaloob mo’y akin lamang dinurog
Ako’y tumalikod at naglakad palayo
Kasabay ng pagbigkas ng “Mamahalin na lamang kita ng patago”
Lumipas ang mga araw, tayo na nama’y nagtagpo
Sa opisinang ipinagpalit ko sa iyo
Walang kaalam-alam, nagulat tayo
Ikaw pala ang pinadala para maging aking arkitekto
Sa kompanyang sa paniniwala mo ay mas mahal ko
Ano ang iyong gagawin, ako ba’y kakausapin mo?
Tumalikod sandali ngunit ika’y humarap din
May ngiti sa labi, bumati ka ng “Sir, good morning”
Sinimulan mo ang trabaho at binalewala ako
Tinutusok ang puso ko, wala na ba talaga ako sa iyo?
Araw-araw ay ganoon ang nangyayari
Hanggang mapagtantong ang mawala ka’y hindi ko talaga maatim
Isang araw, pilit kitang kinausap
“Mahal pa rin kita,” sabi ko , sampal agad ang aking natanggap
“Leche ka,” sigaw mo, “mahalin mo sarili mo!”
Hindi kita masisisi dahil alam kong ako’y gago
Pero mas magagalit ako sa sarili kung ika’y pakakawalan ko
Sa sobrang pagmamahal, kahit mali’y magbubulag-bulagan ako
Araw-araw kang sinusuyo, araw-araw mo rin akong pinapaalis
Subalit ako’y hindi susuko hangga’t ika’y hindi akin
Isang araw, asawa mo’y aking natanong
Saan mo nakilala, siya ba’y mabuting tao?
Ikaw ay nagtaka, “Anong asawang pinagsasabi mo?”
Doon napagtantong pag-asa ko pala’y hindi pa naglalaho
Sumapit ang linggo, ikaw ay aking dinalaw
Doon nasaksihan eksenang hindi kagandahan
Ina ko’y nakaluhod, iyak ay hindi tumatahan
Agad nakaramdam ng poot kaya kayo’y aking nilapitan
Hindi man alam ang dahilan, ikaw ay aking pinagsisigaw-sigawan
Masasakit na salita ang sa iyo’y binitawan
Imbis na sumagot, mapait na ngiti ang iyong binigay
At sa muli mong pagtalikod, puso ko’y parang nilatay
Iniuwi si ina, tinanong kung ayos lang ba siya
Mga luha niya’y tumulo, noo ko’y hinagkan niya
“Anak patawad sa aking mga nagawa, ako ang dahilan ng iyong pagdurusa
Inilayo sa iyo ang babaeng gustong makasama, pati ang batang ikaw ang ama.”
Nang malaman ang lahat, sa opisina ay hinintay ka
Subalit ni anino mo ay hindi nagpakita
Maging sa iyong tirahan, kayo ng anak ko ay nawala
Agad kitang pinahanap sa mga kaibiga’t iba pang kakilala
Mabuti na lang mabait ang Diyos, ako’y pinagbigyan Niya
Tumawag ang kapatid mo at sinabing nasa may tabing-dagat ka
Ikaw ay naabutan nakatayo’t malayo ang tingin
Anong iniisip mo, gusto kong alamin
Dahan-dahan lumapit, sa iyo ako’y tumabi
Huminga ng malalim ang sabi ko, “Sorry.”
Tumulo ang iyong luha, tiningnan ako ng nakangiti
“Mahal kita,” wika ko at hinalikan ko ang iyong labi.
♕