Nilalapitan Ka lang kapag may kailangan
Minsan pa nga’y sinisisi sa mga problemang nararanasan
Akala kasi nila’y Ika’y natutulog lang
Ngunit ang totoo naman ay sila ang nagkulang
Bakit ganoon ang tao, sa pananampalataya’y salat
Kahit sa simpleng mga bagay hindi marunong magpasalamat
Gayong Ikaw naman ang dahilan sa mga biyayang nagkalat
Tanggap lang ng tanggap sa mga bigay Mong sobra-sobra pa sa sapat
Nakakatawa pa ang ibang tao sa simbahan
Magdududa ka kung misa ba ang pinunta o daldalan
Akala nama’y kaytagal nilang hindi nagkakitaan
Ngunit ang totoo’y halos magkatabi lang ang mga tahanan
Idagdag pa pagtapos ng simba
Aba iho’t iha, ang lutong niyo magmura
Hindi man lang nahiya at nilakasan pa
Binalewalang kalalabas lang sa bahay Niya
Bakit ganoon ang tao, sa pagiging bastos ay dalubhasa
Hindi na iginalang ang mga utos Mong nasa bibliya
Nandoon si ate’t kuya, sinisigawan ang mga magulang na nag-aruga
Walang hiya kahit may ibang taong nakakakita
Sige pa, sige, linlangin mo ang ibang tao
Hindi mo ba alam na Siya rin ang niloloko mo
Akala mo ikaw ang nagpakain kung ika’y makaduro
Kung tutuusin nga’y pareho lang naman kayo
Kung makaasta talaga, akala’y perpekto
Gayong sa mata ng Diyos, pantay-pantay lahat ng tao
Kung manghusga parang walang ginawang mabuti ang mga ito
Habang tumatagal, wala na ring sinisino
Bakit ganoon ang tao, mas lumalala imbis na magbago
Marunong lang magdasal kung may gusto
Subalit ang paghingi ng tawad, hindi kayang ibigay Sa’yo
Gayong binigay Mo ang lahat dahil sila ay mahal Mo
Ay oo nga pala, kabilang ako sa kanila
Sa mga taong makasalanan at akala’y perpekto sila
Sa kanila na hindi nagbibigay sa Kanya ng importansya
Eh ikaw, katulad ka rin ba naming nakakaawa?
♕