1. My Story

3.6K 127 88
                                    

Sasha

Hindi pala biro ang maghanap ng publisher. Lalo pa't estudyante pa lang naman ako na wala pang masasabing connection sa real world. Wala namang naging writers sa pamilya namin. Kahit malayong pinsan, wala akong maisip. Wala rin naman sigurong kakilala si mama na nagtatrabaho sa isang publishing company kasi wala naman siyang nakukuwento sa akin. At higit sa lahat wala pa talaga akong ideya kung paano ba nagiging kalathalathala ang isang libro. Paano ba ako magsisimula sa paghahanap? 

Galing akong school dahil sa isang event na org namin ang nag-facilitate. Ngayon ay binabagtas ko ang kahabaan ng Cuneta Avenue nang mag-isa. Nagbabakasakaling may madadaanan akong isang publishing house na sasalubungin ako ng ngiti pagbukas ko ng pintuan ng opisina nila. Isang publishing house na babasahin ang dala-dala kong manuscript at sasabihan akong "approved". Nai-imagine ko na ang magiging reply ko sa kanila. "Naku, maraming thank you po. Hindi po kayo nagkamaling i-approved ang story ko. Asahan n'yo pong magsusulat pa ako ng maraming magagandang story." Gano'ng kabilis. Nai-imagine ko na rin ang abot-taingang ngiti na nakapinta sa mukha ko.

Pero wala akong nakita. Kahit anino ng isang publishing house, wala. Hanggang doon na lamang ang mga imahinasyon ko. Nagpagod lang akong maglakad.

Mabuti na lamang at hindi ako mabilis sumuko. Napatitig ako sa hawak kong phone hindi para itsek kung may new message ako kundi para malaman kung anong oras na. May nasagap akong WiFi connection, at saka ko pa lang naisip na, una, gutom na ako at, pangalawa, dapat pala sa internet na lang muna ako nag-search ng mga publisher dito sa bansa. Pumasok ako sa isang café doon na may mabilis na WiFi, at kung saan ako nabusog ng lunch kong mocha frappe at blueberry cookies. Pero puro textbook publishers lang ang lumalabas sa mga search ko. Ang iba naman ay international publishers na imposibleng maglathala ng Tagalog na libro. Bakit walang local publishers? Mali lang ba ang ginamit kong keywords? O sadyang ayaw lang nilang magpakita sa akin?

Napasulyap ako sa mga magazine na nakapatong sa may counter ng café. Napatitig ako sa malaking logo sa spine ng magazine na 'yon. Kaya naman naisip ko bigla na itsek na lamang ang publisher ng paborito kong mga libro sa bahay. Dati kasi 'di ko na pinapasin 'yung mga gano'ng bagay 'pag bumibili o nagbabasa ako ng isang libro. Basta gusto ko ang title at author nito, bibilihin ko na.

O dumaan na lang kaya ako sa Kismet Bookshop? Doon tiyak mas maraming libro at publishers akong malalaman.

Pagdating ko sa pinakapaborito kong bookstore, dali-dali kong inisa-isa ang mga istante ng libro roon. Nagtungo agad ako sa literary, romance at teen fiction sections. Inisa-isa ko ang gulugod ng mga librong nakahilera sa mga istante roon, para ilista ang publishing houses nila.

Kaya nga ayokong magawi sa mga bookstore e, parang ayoko nang umuwi. Tulad ngayon, marami na naman akong gustong iuwi.

May mga bakanteng espasyo sa ibang pitak ng teen-fiction bookshelf dahilan para ma-imagine ko na naman ang libro kong naka-display doon. Tinuloy-tuloy ko na lang ang paglilista ng bawat publishing house na makikita ko sa mga librong nakapatas doon hanggang sa bumulaga sa akin ang bagong libro ni J.B. Tomlinson. At ang mas nakakamangha, mayroon na agad itong hardbound at softbound na kopya. Teka, may bago na namang libro si J.B. Tomlinson?

Sa mga 'di nakakaalam, isa lang naman si J.B. Tomlinson sa pinakasikat na coming-of-age writers dito sa bansa ngayon. H'wag n'yo na ring itanong sa akin kung bakit karamihan sa fans at followers niya ay puro kababaihan. Sige na nga, aaminin ko na, guwapo siya kung ibabase sa picture at sa mga poster na nakikita ko. Mukha siyang Hollywood actor na may Korean features. Bata pa siya. Tingin ko mga twenty-something lang siya.

Ang suwerte naman niya kasi marami na agad siyang librong nalathala. Pero magaling din naman kasi talaga siyang magsulat. May ilan na rin siyang literary awards. From high school students to yuppies, naaliw sa wit at humurous niyang way ng pagsusulat ng love stories. Kaya nga siguro 'di niya ako masyadong fan kasi mahilig siya sa mga istoryang happy ang ending.

One Day He Wrote My Story (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon