Malaki ang posibilidad na umulan sa siyudad ng Makati dahil makulimlim ang kalangitan. Malamig na hangin ang ibinubuga ng mga ulap kaya mapapansin na halos lahat ng taong nasa kalsada ay balot na balot. Ngunit mangilan-ngilan lang ang mga taong nasa labas dahil karamihan ay nasa kani-kanilang tahanan at kasama ang kani-kanilang pamilya. Iyong iba ay natutulog, kumakain, nakatutok sa kanilang cellphone, o 'di kaya nagta-type sa laptop.
Ngunit mayroong isang nilalang, Rayne ang kaniyang pangalan, na siyang nakaupo sa tuktok ng isang gusali, pinaglalaruan niya 'yong hawak niyang gintong gunting.
Kanina pa siya naglilibot sa siyudad upang gampanan niya ang kaniyang tungkulin, ngunit hindi niya ito magagawa kung wala gaanong tao sa mga pinupuntahan niya. Kaya napagdesisyunan niya na magpapahinga nalang siya.
Pinaikot-ikot niya ang gintong gunting sa kaniyang hintuturo para malibang siya kahit papaano. Patuloy lang niya itong ginagawa hanggang sa biglang nagpakita ang kidlat at kumulog ang kalangitan dahilan para mahulog ang gintong gunting. Nanlaki ang singkit niyang mga mata, napahawak siya sa kaniyang dibdib, at humihinga ng malalim dahil sa sobrang pagkagulat.
Maya-maya pa ay tumalon na siya mula sa kaniyang kinaroroonan at nilabas niya ang puti niyang pakpak. Napangisi siya dahil natunton niya agad ang gintong gunting, ngunit mas lalong lumawak ang kaniyang ngisi nang makakita ng string na nakakabit sa kanang palasingsingan ng dalawang tao. May bahid ng puti sa lalaki at purong pink naman ang sa babae.
Pagkakuha niya sa gintong gunting, agad niyang nilapitan ang mga ito, "Gan'on na lang ba kadali sa'yong bitawan ang relasyon natin? Ibinigay ko ang lahat, binigay ko ang sarili ko sa'yo, at maging ang puso ko. Ano pa bang kulang?! Hindi pa rin ba ako sapat ?!" Mangiyak-ngiyak na isinumbat ng babae sa lalaki.
Napabuntong-hininga na lamang si Rayne sa naririnig. Unti-unting nilalamon ng kulay puti ang dating kulay pink na string na nakakabit sa kanang palasingsingan ng lalaki. Habang nanatiling kulay pink ang string na nakakabit sa babae.
Agad naman na pumuwesto si Rayne sa bahagi na kung saan nagtagpo ang dalawang kulay, "Oo! Kahit na kailan man ay hindi ka magiging sapat. Hindi na kita kailangan, tapos na tayo. Ayoko na sa'yo!" At ipinutol na ni Rayne ang string.
Kasabay nito'y ang pag-iwan ng lalaki. Napaupo na lamang ang babae, tiningnan ang lalaki bago humagugol. Nakaramdam si Rayne ng awa pero tinalikuran nalang niya 'yong babae.
Gaano kaya kasakit ang nararamdaman ng mga taong iniwan? Bakit kaya sila umiiyak sa tuwing nasasaktan sila? Ano kaya ang pakiramdam ng may minamahal ka? At ano kaya ang pakiramdam ng ikaw lang ang nagmamahal sa inyong dalawa?
Ito ang mga katanungang bumabagabag sa aking isipan.
Napabuntong hininga na lang si Rayne. Sabagay, hindi niya talaga ito maiintindihan sapagkat ipinagbabawal na magmahal ang isang Anghel.
Siya'y isang anghel na naatasang magputol ng mga string na nakakabit sa kanang palasingsingan ng dalawang tao. Nagkakaroon lamang nito kapag nagtagpo at nagmamahalan ang dalawang taong hindi nakatadhana sa isa't isa. Kung nakatakda man sila, nasa kaliwang palasingsingan nakakabit ang string at kulay pula ang kulay nito at hindi pink.
Napatigil si Rayne, deretso ang kaniyang tingin. May dalawang tao na kakababa lang ng taxi, dalawang taong hindi para sa isa't isa. Pumasok ang dalawa sa isang motel na magkahawak ang kamay at pareho silang nakangiti.
"Alam na." Saad ni Rayne at umiling ito bago pumasok sa motel.
YOU ARE READING
One Shot Stories
RomanceCompilation of Random One shot Stories *** This collection of one shots is partially a work of fiction. Names, characters and some places and incidents are products of the author's imagination and are used fictitiously. Any resemblance to actual...
