Pintig

112 8 0
                                    

PiNTiG

— Ivan —

Habang nagda-drive papalabas ng sementeryo mula sa pagdalaw sa puntod ng mga magulang ko ay nahagip ng aking paningin ang babaeng nasa tapat ng isang puntod na umiiyak. Nahinto ako sa pagda-drive at tinanaw ang babae mula rito sa puwesto ko.

Namumula na ang ilong ng babae dahil sa kakaiyak. Marahil ay hindi niya matanggap ang pagkamatay ng taong iniiyakan at bakas din ang pagsisisi sa kanyang namumugtong mga mata. Tumayo ang babae at tumakbo papalayo. Hindi ko alam kung anong nagtulak sa akin na bumaba ng sasakyan para tignan ang lapida ng iniiyakan niya. Base sa pangalang nakaukit ay babae ito. Kapatid niya siguro?

Nakita ko rin ang petsang nakaukit at unang taon ngayon ng kamatayan ng iniiyakan niya.

Bumalik ako sa sasakyan at nagpatuloy mag-drive. Gusto kong makilala ang babaeng nakita ko kanina. May kakaiba akong nadama sa kanya na hindi ko maipaliwanag dahil ngayon ko lang ito naramdaman. Ito yata ang tinatawag nilang love at first sight.

Ngayon lang pumintig ang puso ko nang ganito. At ang naiisip kong paraan para muli siyang makita ay ang bumalik dito next year dahil siguradong dadalawin niya kung sinuman ang dinalaw niya kanina. Handa akong maghintay ng isang taon para muli siyang makita.

Hanggang sa lumipas ang mga oras, araw, linggo, buwan at isang taon. Walang araw ang lumipas na hindi ko siya inisip. Umaga tanghali, hapon at gabi. Hanggang sa pagtulog ay nakikita ko siya. Sobra akong nananabik na sumapit ang araw na ito. Maaga pa lang ay nasa sementeryo na ako para hintayin ang babaeng isang taong gumulo sa isip ko. Oras na makita ko siya, hindi ko palalagpasin ang pagkakataon na magpakilala.

Tulad noong isang taon, hapon ko siya nakita. Nagtungo siya sa tapat ng puntod at doon ay nakatayo lang siya. Inipon ko ang lahat ng lakas ng loob na mayro’n ako at bumaba na ng sasakyan dala ang isang pirasong white rose. Dahan-dahan akong naglakad palapit sa kanya para hindi siya magulat. Nang makalapit ako ay narinig ko ang kanyang paghikbi.

I get my hanky from my pocket at walang salitang iniabot sa kanya. Nag-angat siya ng tingin at nilingon ako. Tulad noon, bakas ang pagsisisi sa kanyang mga mata. Tinitigan niya lang ang inaalok ko. Nang ilang sadali pa ang lumipas pero hindi pa rin niya tinatanggap ang panyo ay binawi ko na ito.

"I-I'm sorry, nabigla ba kita?" tanong ko at nalilito niya akong tinignan. "Mukhang nabigla nga kita. Magpapakilala muna siguro ako... I'm Ivan." Naglahad ako ng kamay at umaasang this time ay tatanggapin na niya. Nabuhayan ako ng loob nang ngumiti siya.

"Daphne," pakilala niya at napalingon ako sa lapida nang maalala ang pangalang nakaukit doon.

"D-Daphne?" ulit ko dahil baka nagkamali lang ako ng dinig.

"Ako si Daphne Legazpi." Tinanggap niya ang pakikipagkamay ko at bahagya akong napaatras nang hindi naglapat ang aming mga palad. Tumagos lang ang kamay niya sa kamay ko. Napansin ko ang ilang hiwa sa kanyang palapulsuhan. Did she...

Nagbaba ako ng tingin at napatitig sa kamay kong nanginginig. Hindi dahil sa takot, kundi dahil kahit tagusan ang aming mga kamay ay parang naramdaman ko siya kahit papaano. Naging sulit ang isang taong paghihintay ko.

Nang mag-angat ako ng tingin para muli siyang tignan ay wala na siya roon. Nagpalinga-linga ako sa paligid ngunit wala akong ibang kasama kundi ang malakas na hangin. Tinignan ko ang isang pirasong white rose na ibibigay ko sana sa babaeng nagbigay ng kakaibang pintig sa aking puso. Kakaibang pintig para sa babaeng ang puso’y wala na palang pintig.

“You cut yourself two years ago. At alam kong nagsisisi ka sa ginawa mo. Kung mas maaga lang sana kitang nakilala... May you rest in peace.”

End.

One-shot CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon