"Kumusta na si Zack?" tanong ni Eva kay Acky nang iabot ni Eva ang gown na susuotin ni Acky. Nasa bahay sila ng fiancée ng kapatid niya na si Ate Elise. Hindi malayo ang agwat ng edad nila pero tinatawag niya itong "Ate."
Sinukatan sila ni Ate Elise para sa gown na susuotin nila para sa kasal nito. Nakatuwaan din ni Pheony na magkaroon ng photo shoot at si Acky ang kinuha nitong modelo.
"Ayos lang," kaswal na sagot ni Acky kahit na ang totoo ay ilang linggo na siyang walang balita kay Zack.
Nakokonsiyensiya man si Acky na iniwan niya sa ganoong sitwasyon si Zack ay pinili na lang niya na huwag kausapin ito. Wala na siyang magagawa pa sa sitwasyon. May sarili na rin siyang mga problema na kailangan niyang harapin. Tinapos lang ni Acky ang pagtulong niya kay Zack dahil na rin sa pakiusap ng ama nito. She loved the Welsh family but there was a limit to when she would babysit Zack.
"Kumusta na si Danny?" tanong ni Acky kay Eva para may mapag-usapan sila.
"Ayos lang."
Nagtaka si Acky sa isinagot nito. Karaniwan na masaya si Eva at nagkukuwento agad sa kanya ng kung ano-ano tungkol sa trabaho nito, pero sa pagkakataong iyon ay naramdaman ni Acky na pareho silang tila may inililihim sa isa't isa.
Playing Cupid wasn't really her thing. Nahihirapan tuloy si Acky kung paano sisimulang sabihin sa pinsan niya ang pabor na hihilingin niya rito. Nang makilala niya si Eva at makitang ibang-iba ang buhay nito kaysa sa kanya ay hindi niya maiwasang mainggit dito. Mas malaya nitong nagagawa kung ano ang nais nito kaysa sa kanya dahil hindi nito kailangang maranasan ang mga bagay na naranasan niya.
Tuwing bibisita si Evangeline sa mansiyon nila ay hindi lang ang pamilya niya ang kinukumusta ni Eva kundi pati mga kasambahay nila roon. Minsan lang itong pumunta sa mansiyon ng mga Ross. Naiilang kasi si Eva na magpakita sa pamilya Ross dahil sa ginawa ng ama nito noon.
Nang mamatay ang panganay na kapatid ng kanyang ama na si Tito Flint ay noon lang nalaman ni Acky na may pinsan pala siya. Just like her father, Tito Flint also fell for a Filipina. Inilihim ng Tito Flint niya ang pagpapakasal sa sekretarya nito dahil alam ni Tito Flint na tututol ang mga magulang nito.
Pero mas mabait si Eva kaysa kay Acky. Mas kaya rin nitong makipag-usap kung kani-kanino. Kaya nawiwindang si Acky sa mga ikinukuwento ni Eva sa kanya kung minsan.
Kahit hindi kasalanan ni Evangeline ay ito pa rin ang mauunang humingi ng tawad. Kung si Acky ay kayang mambara at sabihin sa mga manliligaw niya na walang pag-asa ang mga ito sa kanya, si Eva naman ay mangiyak-ngiyak kapag humihingi ng paumanhin sa mga lalaking tinatanggihan nito.
Nang matapos si Acky sa pag-aayos ng sarili ay humarap siya kina Elise at Pheony. They said she looked like a fairy rather than a bride. Noong gown pa lang ang suot ni Acky at wala pa ang props ay mukha siyang bored na bride.
Hindi komportable si Acky sa mga dahon-dahong nakapalibot sa ulo niya at nangangati na rin siya sa wedding gown na ipinasuot sa kanya ni Ate Elise. Ngunit tiniis ni Acky ang mga iyon. Ang tema ni Pheony sa kasal na nais nitong kuhanan ng larawan ay iyong may mga earth color at iba sa karaniwang nakikita sa nasabing okasyon.
Nanatiling tahimik si Acky kahit pinupuri na siya ng mga ito. Sanay na kasi si Acky sa ganoong reaksiyon. Maraming tao ang napapatingin kay Acky kapag nakikita siya ng ibang tao. Palaging nangyayari iyon lalo na kung kasama niya ang kapatid niya o si Zack.
Pero hindi na siya tulad ng dati na ignorante sa kalakaran ng buhay maging sa mga simpleng bagay. Kung hindi pa sa pagsama-sama niya kay Eva ay hindi pa siya matututong mag-commute man lang.
Nang unang beses na subukan iyon ni Acky ay natakot talaga siyang maligaw. Pero tinulungan siya ni Eva. Binigyan siya ni Eva ng mga direksiyon at kompletong impormasyon kung saan at anong sasakyan ang dapat niyang sakyan. Maging kung magkano ang pamasahe ay nakalagay sa papel na ibinigay ni Eva kaya hindi nakalusot noon ang driver na kulang ang isinukli kay Acky.
BINABASA MO ANG
Cupid's Arrow
RomanceZack was Acky's childhood friend. Madalas silang mapagkamalang magkapatid. Madalas pareho rin ang mga nakakahiligan nilang gawin at parehong marami ang nagkakagusto sa kanilang dalawa. The only difference they had was their belief on love. Zack was...