Pangalawang GY shift

69 4 2
                                    

Pangalawang araw ng graveyard shift.

Bagamat sariwa pa sa alaala ang kababalaghang nasaksihan ay pinilit pa rin niyang pumasok na tila walang nangyari. Isa pa, naging maayos naman ang lahat pagkaalis ni Ate Mari hanggang sa matapos ang shift niya. Dalawang linggo bago nagpapalit ang schedule nila kaya naman dalawang linggo pa siya magtitiis sa antok at boredom. Pag ganitong oras kasi ay mangilan-ngilan na lang ang pinaprocess nila. Hindi siya nakatulog ng maayos dahil naaalala niya ang nakakatakot na hitsura ni Ate Mari na halos maligo sa sarili nitong dugo. Mabuti na lang nakipagpalit ito kay Sham. Tulad ni Ate Mari isa rin itong tipikal na pilipina. Morena, maliit, chubby at mejo umaalon na ang rebonded nitong buhok. Mabuti na lang kahit papaano ay nakakausap niya ito tulad na lang ngayon halos magkatabi lang ang workstation nila.

“Balita ko napahiyaw ka daw ng bongga ha,” anito na may halong tawa ng bahagya.

Napakamot siya sa ulo. Buong akala niya ay walang pinagsabihan si Ate Mari kasi wala namang komento ang iba tungkol sa nangyari. “May nangyari lang kagabi pero huwag na natin pag-usapan,” sagot niyang nakatutok pa rin ang tingin sa monitor.

“Okay. Mag-sounds na lang ako.” Rinig niyang anito. Maya-maya’y namayani ang katahimikan. Panaka-nakang humahalo ang pagha-hum ni Sham. Ganoon talaga pag nakasalpak ang earphone sa tenga nito hindi mapigilang sumabay sa music hindi nga lang pakanta kundi pa-hum. Panaka-naka rin ang lihim na pagtawa niya sa tuwing pumipiyok o damang-dama nito ang paghahum. Okay naman kahit papaano may nakakaaliw sa paligid.

Maya-maya’y tila malungkot ang tono ng hina-hum nito. Hindi pamilyar sa kanya ang tono at hindi magandang pakinggan. Parang ungol ng nagpipighating damdamin. Kaya naman kinausap niya ito.

“Wala ka bang lively na kanta diyan. Iyon na lang i-hum mo,” masiglang aniya ngunit tila wala itong narinig na pinagpatuloy ang nakakatakot na pagha-hum. “Hoy!” Uga niya sa kinauupuan nito. Lumingon naman ito sabay tanggal sa magkabilang earphone.

“May problema?” anitong nakatitig ng mataman.

“A eh sabi ko iyong lively naman ang i-hum mo para magising tayo. Ano’ng oras na oh.” Wala sa sariling napatingin siya sa oras na nasa computer. Mag-a-alas tres na pala. Hindi niya napigilang maalala ang nangyari nang nagdaang madaling araw. Pinilig niya ang ulo at pilit na winaglit sa isipan ang naganap. Pinahinahon niya ang sarili at naisipan niyang ayain si Sham na kumain sa pantry.

Parehong cup noodles at tinapay ang naisipan nilang kainin. Habang kumakain ay nagkukwentuhan sila. Mababaw si Sham kaya madaling patawanin. Nagkukwento siya ng nakakatawa at panay naman ang halakhak nito. Mabuti na lang sila lang ang nasa pantry. Masaya na sana ang lahat nang bigla na lang itong tumigil sa pagtawa at dumaing sa kung ano.

“Aray!” daing nito.

“Bakit?” kunot-noong tanong niya. Saka niya napansing suot pa rin pala nito ang earphone.

“Aw!...” muling daing nito. Tila sa earphone nagmumula ang dahilan ng pagdaing nito. Hanggang sa bigla na lang itong napaahon na tila hindi alam ang gagawin. “Aw! Awwwwwwwwwwwch!” mahabang daing at tili nito. Sapo nito ang magkabilang tenga habang sige sa pagdaing ng pananakit. “Masakit…Itigil ninyo! Itigil ninyo!!!”

Napaahon na rin siya sa kinauupuan para daluhan ito. Sinubukan niyang tanggalin ang earphone sa tenga nito ngunit hindi niya nagawa sapagkat sapo nito ang magkabilang tenga. Ang hindi niya maunawaan ay kung bakit tila hindi nito magawang alisin ang sarling mga palad doon. Hinanap niya kung saan nakakonekta ang earphone at gayoon na lamang ang hilakbot na naramdaman niya nang malamang wala itong kinokonektahan. Napaurong siya. Nanlaki ang mata niya nang makitang panay ang pag-agos ng dugo sa magkabilang tenga ni Sham. Matinding takot ang rumehistro sa muka niya lalo nang magsisigaw ito at tumakbo palabas ng pantry na sapo pa rin ang magkabilang tenga. Dinig na dinig niya ang paghiyaw at pagdaing nito na tila nahihirapan ng sobra.

Lakas loob niya itong sinundan. Sige ang pagtawag niya sa pangalan nito ngunit tuluy-tuloy itong pumasok sa CR ng mga babae na sige pa rin sa pagtili. Mula sa pinto ay panay ang tawag niya sa pangalan nito. Rinig pa rin niya ang impit na hiyaw at daing ng pamimilipit sa sakit. Biglang nagbukas ang pinto at iniluwa niyon si Jemay ng Manifest Team na kalapit workstation nila.

“Ikaw Emil ha kahapon ka pa. Tabi nga,” anito sapagkat nakaharang siya sa pinto. “CR to ng mga babae ha,” sita nito bago tuluyang naglakad palayo.

“P-Pero si ---” Natigil siya sapagkat muling nagbukas ang pinto at iniluwa niyon si Sham sa maayos na anyo. Malayo sa nasaksihan niya kanina.

“Emil,” masayang bati nito.

“Tabi nga!” iritang taboy ng isang babae mula sa likuran niya. “Kalalaking tao nasa tapat ng CR ng babae, hmp!” Tapos ay tuluy-tuloy itong pumasok sa loob.

Buntong-hininga lang ang nagawa niya. Habang naglalakad pabalik sa sariling workstation katabi si Sham ay nasapo niya ang ulo. Ano ba tong nangyayari sa’kin? Muli ay napabuntong-hininga siya. Panay ang sulyap niya dito habang tila wala lang dito ang naganap kanina. Mukhang katulad ni Ate Mari ay wala rin itong kamalay-malay sa kababalaghang nangyari rito.

“Uuwi na ko. Salamat sa mga kuwento mong nakakatawa,” nakangiting anito tapos ay sinukbit ang bag sa balikat at dire-diretso nang naglakad palayo.

Pinilit niyang mag-focus sa trabaho ngunit hindi niya maiwasang isiping nababaliw na ata siya. Ano ba itong nangyayari sa kanya? At iyong mga nakita niya, premonition kaya iyon? Posible kayang...Hindi! Kalokohan! Pinilig niya ang ulo para iwasang mag-isip ng kung anu-ano. Muli niyang itinuon ang sarili sa pagtatrabaho.

INDEsiXth SENSETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon