IMBESTIGASYON

55 4 1
                                    

IMBESTIGASYON.

Hawak nina Detective Ryan Amante at Inspector Dheck Israel ang isa na namang kaso ng pagkamatay sa hindi malamang kadahilanan. Ang dalawa ay eksperto na sa larangan ng pag-reresulba ng mga kasong mahirap ipaliwanag. Mga kaso ng kababalaghan. Bagamat hindi sila mga psychic, napapagtagpi-tagpi naman nila ang mga dahilan at istorya kung bakit nagaganap ang mga kababalaghan sa isang kaso ng kababalaghan.

Nasa loob sila ngayon ng isang madilim na silid na ang tanging nagsisilbing liwanag ay ang nag-iisang dim bulb light at isang lampshade sa mesa. Nakaupo paharap doon si Detective Rye habang tutok na tutok sa hawak nitong dokumento. Nakatayo naman sa may gilid ng mesa si Inspector Dheck. Tipikal na pilipino si Dheck kaya hindi ito katangkaran hindi tulad ni Rye na pang-basketball player ang tangkad. Kapwa kayumanggi ang kulay ng balat pero kung sa papogian ang pag-uusapan di hamak na mas lamang si Rye.

“Bago ‘to ha. Nanigas na parang yelo kahit wala naman sa loob ng freezer?” Natatawa at naiiling na turan ni Dheck habang hawak ang dokumentong natanggap mula sa nakakataas. “Sa tingin mo ba may thrill ‘to?” tanong nito sa kapartner na sa kasalukuyan ay seryosong-seryosong pinag-aaralan ang mga datus.

“Siguro naman,” tipid na tugon nito na hindi inaalis ang tingin sa binabasa. Maya-maya’y hinarap nito si Dheck sa nag-iimbestigang anyo. “Pumapasok pa ba ang Emil na ‘to pagkatapos ng insidente?”

“Oo pre, pero morning shift na. Hindi na kinaya ang GY shift.”

“Hmmm...” sapo nito ang baba. “Sa loob ng apat na taon, apat ang namatay sa iisang team at ngayong ikalimang taon ay meron na naman. Kung susumahin, tatlo ang namatay mismo sa opisinang iyon at dalawa sa labas. Pawang mga babae pa ang biktima. Ang apat na insidente ay natukoy ang kamatayan at hindi pinaghinalaang gawa ng kababalaghan dahil sa normal naman ang pagkamatay maliban sa kasalukuyang insidente.” Habang sinisiwalat ang mga impormasyon ay matamang nakikinig si Dheck at panay ang tango bilang pag-sang-ayon sa mga tinuran ng kapartner. “May alam ka ba sa ugnayan ng bawat miyembro ng team?” Kibit balikat na sumagot si Dheck. Inilapag ni Ryan ang hawak na dokumento, hinarap si Dheck at matamang tumitig. “Kumuha ka ng impormasyon sa mga team members. Ako ang bahala sa may third eye.”

“Areglado!”

Dalawang linggo na ang nakakalipas mula nang maganap ang insidente. Kung tutuusin pwedeng-pwede na sana magresign o huwag na lang pumasok ni Emil ngunit mas nanaig sa kanya ang kagustuhang tuklasin ang kung ano ang lihim na nakatago sa kababalaghang naganap. Ngayon pang natuklasan niya na meron talaga siyang third eye. Nagsasariling imbestiga siya sapagkat alam niyang walang magagawa ang pulisya sa kasong ito.

Dalawang linggo nang walang imikan at tahimik sa pagitan ng team at sa loob ng panahong iyon ay ginawa niya ang panimulang hakbang. Ang panoorin, pagmasdan at pag-aralan ang mga kaluluwang tila normal pa ring nagtatrabaho sa kompanya. Sa katunayan, nakakahalubilo pa rin niya ang mga iyon ngunit dumistansiya na ang mga ito nang magsimula siyang mag-usisa. Ang mga ito na lang ang nag-uusap-usap. Nakikita niya rin ang kaluluwa ni Ce na pagala-gala pero ang pinagtatakhan niya ay hindi ito nakikisalamuha sa apat. Ang apat ay masayahin at parang feel na feel na buhay pa ang mga ito samantalang si Ce ay tahimik at may galit ang mga tingin. Nakasanayan na niyang nakikita ang mga ito at base sa naranasan at pagmamasid ay napatunayan niyang gabi lang talaga nagaganap ang kababalaghan.

Ang gusto niyang tuklasin sa kasalukuyan ay ang kwento sa likod ng kababalaghang nagaganap. Ang tila hindi pagtahimik ng kaluluwa ng mga namatay na empleyado. Maraming katanungan sa isip niya na hindi pa nasasagot dahil wala pa siyang nakakalap na impormasyon.

“Emil.” Boses ng babae ang pumukaw sa kamalayan niya. Paglinga niya ay nakita niya ang isang babaeng maganda, maputi at may katamtamang katawan.

“Boss Mari!” pagulat na tawag niya sa pangalan ng manager nila. May ngiti man sa labi nito banaag pa rin na may seryoso itong pakay at hula niya’y may kinalaman sa insidente.

“Sumunod ka sa’kin.” Utos nito.

Agad siyang tumayo. Ang lahat ng paningin ay ramdam niyang nakatingin sa kanila habang naglalakad sila palayo. Hindi na niya ninais pang tignan ang mga iyon dahil sigurado naman siyang pang-uusig lang ang masisilayan niya.

Sa isang maliit na silid-pulungan siya dinala ni Boss Mari. Kimi siyang naupo sa tapat ng kinauupuan nito habang nasa gitna nila ang hindi kahabaang mesa. Mababanaag sa mukha nito ang agam-agam bagamat seryoso.

“Naaalala mo ba noong sabihin ko sa ‘yo na kailangan ka ng kompanyang ito lalo na ng team?” Panimulang turan nito. Kimi siyang tumango. Halos ayaw niyang salubungin ang mga tingin nito. Hindi naman dapat siya nakokonsenya sa nangyari kay Ce pero pakiramdam niya siya ang responsable sa pagkamatay nito. Kung hindi niya pinairal ang karuwagan sana ay nailigtas niya pa ito. “Ayoko nang pahabain pa ang pag-uusap na ito.” Mataman itong tumitig sa kanya. “Tinanggap kita sa kadahilanang may third eye ka.” Gulantang siyang napatitig dito. Medyo iniwas nito ang paningin na tila nakokonsensiya pero saglit lang ay mataman na naman itong nakatingin sa kanya. “Kay Ruben ang unang interview mo ‘di ba? Kung naaalala mo pa pinabilang niya sa ‘yo kung ilang katao ang nakikita mo sa workstations ng team. Lumagpas sa apat ang sagot mo kaya niya natuklasang nakikita mo ang hindi matahimik na kaluluwa ng apat na empleyadong namatay.

Kuyom niya ang kamao sa mga oras na iyon. Hindi maitago ang disappointment na naramdaman sa ekspresyon ng mukha niya. Ang kaalamang hindi dahil sa mga qualifications niya kaya siya natanggap ang nagpapasikip sa dibdib niya. Pinigil niya ang sariling magsalita lalo nang makita niya ang nagsusumamong tingin ng kanilang boss.

“Emil, pakiusap. Tulungan mo kaming tuklasin ang dahilan ng mga kababalaghang ito upang matahimik na ang mga kaluluwang ligaw at makapamuhay na tayo ng normal.”

INDEsiXth SENSETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon