Chapter 1: Don't Touch Me, Anghel Ako!

77 4 2
                                    

Hi! Ako nga pala yung narrator ng kwento na ito. Oh bakit? Nagpapakilala lang naman ako ah! Masama ba? Lagi na lang bida yung nauunang magpakilala samantalang ako yung may pinakamaraming linya. Well anyway, ako yung narrator kaya malamang ako ang magsasalaysay ng mga kaganapan sa kwentong ito. Sisimulan natin ang kwento sa bahay, sasakay ng tricycle at bibiyahe papuntang eskwelahan. Sa school magsisimula ang kwento, sa madaling salita.

Tulad ng isang karaniwang classroom ang classroom ng 10-Maharlika. Hindi ibig sabihin na first section ito ay puro matitino ang mga nagca-classroom dito. Mayroong mga madadaldal, tamad, bully, nangungulangot sa tabi-tabi, mababait, pabibo, malilibs, ganito, ganyan, at iba pang mga katangian na nagpapasaya sa isang klase. Ay, nga pala, meron ding mga hindi gumagawa ng assignment. Tulad ngayon, may assignment sila sa Filipino at ni isa ay walang gumawa, maliban kay...

A classmate's POV
Oo nga pala ano? May assignment kami sa Filipino! Buti na lang sinabi nung narrator.

Welcome. Anytime.

A classmate's POV
Huh? Sumagot pa talaga ah. Hahahaha. At ngayong ipinaalala sa akin na may assignment daw kami sa Filipino ay nagpasya akong ikalat ito sa klase. "Guys! May assignment pala tayo sa Filipino!" Isinigaw ko ito nang malakas kaya napukaw ko agad ang atensyon ng buong klase. Nag-panic ang karamihan dahil first period sa umaga ang Filipino. Kailangan pa naming bumaba dahil may flag ceremony pa sa gym. Kanya-kanya kami ng hanap ng mapagkokopyahan kaso wala ni isa sa amin ang gumawa. Pero kailangan na namin itong magawa agad dahil masungit ang titser namin sa Filipino. Panget, mataba, at maarte pa. Kinakabahan ako sa mga pwedeng mangyari kapag hindi ko ito nagawa. Dapat pala hindi na lang ako nag-Brawl Stars nang buong gabi. 6:58am, dalawang minuto bago tumunog ang bell. Hindi namin alam kung kanino kami kokopya. Sa kaiikot ko sa room ay napansin ko ang isang bakanteng upuan. Iniisip ko kung sino itong taong ito hanggang sa pumasok sa isip ko na... "Si Glenda! Baka may nagawa si Glenda!" Napasigaw ako nang malakas. "Magseseven na wala pa rin siya!", sabi ng isa naming kaklase. Kilala ko si Glenda, mabait at masipag 'yun. At tanging si Glenda na lang ang pag-asa ng Maharlika para makagawa kami ng lintik na assignment na 'yan. Ang lahat ay nakaabang sa pagbukas ng pinto. Walang kumukurap. Halos pigil ang paghinga namin. Ang lahat ay ayaw bumagsak. Maya-maya'y bumukas ang pinto. Bumungad sa klase ang security guard ng eskwelahan. Pinabababa na kami ng epal na guard. "Susunod na po kami!", sabi ng president namin. Pagkaalis ng guard ay dumating na ang pinakahihintay ng lahat. Hindi pa man siya nakakaupo ay sabay-sabay kaming sumigaw ng "Glenda! Pakopya!" Saktong-sakto ang pagdating ni Glenda. In less than five minutes nakakopya na kaming lahat at nakababa na sa gym. Buti naman at pumayag siya, sabi ko na nga ba't mabait at maaasahan itong si Glenda.

Glenda's POV
Hindi ko akalaing ganito ang bubungad sa akin pagkapasok na pagkapasok ko sa room. Mga kaklaseng nagkakagulo dahil walang makopyahan ng assignment? Hahahaha. Nakakatuwa naman. Buti na lang at gumawa ako kagabi. Sanay na ang section namin sa ganitong kalakaran. Kopyahan ng assignment, pati sa quiz, at kung minsan, hanggang sa exam. Pero hindi naman namin ito pinapahalata. Hindi naman ibig sabihin na nagkokopyahan kami ay hindi na kami unabis nag-aaral. Nagsisikap pa rin naman kaming matuto at hindi umasa sa iba. Meron pa nga silang naimbentong tawag sa mga ganung tao eh. 'Yung hindi gumagawa ng assignment, nagdadala ng cellphone sa room, at iba pang mga kalokohan. DEMONYO. Demonyo ang tawag nila diyan. Hahaha. Astig. At siyempre ako, hindi naman sa pagmamayabang pero, may tawag din sa akin. ANGHEL. Isang anghel na hindi kailanman nadedemonyo.

Sa panahon ngayon, "demonyo" na ang tawag sa mga estudyanteng madaling matukso na gumawa ng mali. Ang buong akala ng karamihan ay pangkaraniwan lamang sa isang tao ang maging demonyo, ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay may halong kababalaghan at hiwaga pala ang usaping ito. Paano? Hah! Manigas ka! Next chapter mo pa malalaman.

Glenda's POV
May free time kami ngayong araw na ito after ng Filipino time. Balak ng aming president na magkaroon kami ng praktis ng variety show sa may gym. Pinababa na kami ng aming president. Kaagad naman kaming sumunod at bumaba. Isa ako sa mga huling bumaba. Oh, alam ko 'yang iniisip mo. Syempre bababa ako! Hindi naman ako tatakas eh. Kinuha ko ang wallet ko sa bag atsaka naglakad palabas ng room nang mapansin kong nagtatawanan pa sa sulok ang tatlo kong kaklaseng lalaki. Hindi ko alam kung sisitahin ko sila o hahayaan na lang, ngunit dahil sa ka-anghelan ko ay nilapitan ko sila at kinausap. "Hindi pa ba kayo bababa?", tanong ko. "Hindi kami bababa. Sige bumaba ka na, iwan mo na kami dito.", tugon ng isa. "May importante pa kaming gagawin dito eh.", sabi naman ng isa. Napansin kong nagngitian sila sa isa't isa na animo'y may binabalak na something. Hinayaan ko na lang sila at nagpasyang bumaba na. Ngunit pumintig ang aking tenga sa mga sumunod kong narinig. "Ano pre, ilabas mo na at nang makapagsimula na tayo!", sabi ng isang lalaki sa loob. Lumingon ako sa kinaroroonan nila at nabigla sa aking nakita. Nagbabalasa ng baraha ang kaklase kong lalaki at ang dalawa'y naglalabas ng baryang pantaya. Aba'y ginawang casino ang room namin, sa loob-loob ko. Kaya napilitan akong bumalik sa loob upang bawalin sila at pababain. Ngunit palapit pa lamang ako sa lugar nila nang mapansin kong napalilibutan sila ng itim na usok. Ang kanilang tawa'y nag-iba. Malalim at nakakatakot pakinggan. Natigilan ako sa aking kinaroroonan at natulala. Tinubuan sila ng buntot at pakpak. Hanggang sa pati sungay ay tumubo na rin sa kanilang ulunan. Sa pag-aakalang gutom lang ang lahat ng ito ay nilapitan ko pa rin sila at sabay sigaw ng "Hoy! Mga demonyo kayo!" Natigilan sila sa kanilang ginagawa. Unti-unti nila akong nilingon at tumambad sa akin ang kanilang mapupulang mata at hitsurang demonyo. Hinawakan ako sa kamay ng isa at sabay sabing "'Wag ka nang bumaba! Dito ka na lang at samahan mo kaming magtong its." Kaagad akong pumalag at hinampas ko siya sa kanyang braso. Ikinagalit ito ng demonyo. Itinulak ako nito nang malakas. Bumangga ako sa pader ng room namin. Bumagsak ako at hirap nang makabangon. Sumigaw ako at humingi ng saklolo. Saktong may nakita akong paparating na matandang babae.

Manang Cara's POV
Tapos na ang duty ko sa canteen kaya naglakad-lakad muna ako upang mag-unwind. Grabe, mamimiss ko ang eskwelahang ito, ilang araw na lamang at magreretire na ako. Lingid sa kaalaman ng lahat ng nagtatrabaho dito ay hindi lang pagtitinda sa canteen ang trabaho ko rito. At habang naglalakad ako ay napadaan ako sa room ng 10-Maharlika. May narinig akong tumatawag ng saklolo. Muli na naman yata akong tinatawag ng aking lihim na tungkulin. Naabutan ko sa loob ng silid ang isang babaeng inaatake ng tatlong demonyo. Kaagad akong lumapit upang pumagitna sa kanila. "Lubayan ninyo siya!", ang sabi ko. "Lumayo ka tanda! Ayaw namin sa mga masusungit na kagaya mo!", sabi ng lalaking sinasapian ng demonyo. Letseng bata to ah! Hindi lahat ng canteneer dito sa school ay masusungit. 'Yung iba lang. Kaagad kong binulungan ang babae at binilinan kong huwag magpapademonyo anuman ang sabihin nila. Sinabi ko rin na kumbinsihin din niya ang mga ito na bumaba. Kaagad kong hinanap ang bagay na nagpapademonyo sa kanila. Napansin ko ang baraha at mga perang nakalapag sa sahig. Kaagad ko itong pinuntahan at inorasyunan habang abala ang mga demonyo sa pakikipagtunggali sa babaeng iyon. Matapos ko itong dasalan ay nanghina at biglang bumulagta ang tatlo. Bumalik din sila sa dati nilang anyo. Nang mahimasmasan ay pinababa ko din agad ang mga ito. Naiwan kami sa room ng babaeng gulat na gulat at halos maiyak na. Nakakakita pala ng mga demonyo ang babaeng ito?

Glenda Anghel: Kapatid, Mali 'YanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon