“MAMA, may pagkain na ba tayo? Nagugutom na po ako, e…”
Nabitawan ni Marites ang takip ng kaldero dahil sa napaso siya. Tumilapon ang takip sa may paanan niya. Mabuti na lang at hindi nito nabagsakan ang kaniyang paa kundi ay mas lalo siyang masasaktan. Isinubo niya ang napasong daliri at sinipsip upang kahit papaano ay maibsan ang sakit niyon. Sa pagkataranta niya dahil sa ingay ng nag-iiyakan niyang mga anak dahil sa gutom ay nawala na sa isip niya na gumamit ng sapin sa kamay nang buklatin niya ang takip ng kaldero. Kumukulo na kasi ang sinaing niya kaya kailangan niyang buksan ang kaldero.
Nagsasaing na siya para sa kanilang hapunan. Halos alas diyes na ng gabi pero ngayon pa lang siya nagluluto ng hapunan para sa kaniyang apat na mga anak. Ngayon lang din kasi siya nakadelihensiya ng pambili ng bigas at ulam. Mabuti na lang at pinautang siya ng kapitbahay nila ng singkwenta pesos. Nakabili siya ng kalahating kilong bigas at isang lata ng sardinas. Ayos na iyon na pantawid ng gutom nilang mag-iina kesa sa matulog silang gutom.
Sa kaniya naman ay kaya niyang magtiis ng gutom at itulog na lang iyon pero ayaw niyang mangyari iyon sa mga anak niya. Naaawa na siya sa mga ito. Labis na ang kapayatan at halatang kulang lahat sa sustansiya.
Ang panganay niya ay si Rachel. Dose anyos na ito pero nasa Grade 5 pa lang dahil madalas ay pinapatigil niya. Iyon ay dahil sa problema nila sa pinansiyal. Sa apat niyang anak ay ito lang ang nag-aaral. Isang anak lang kasi ang kaya niyang pag-aralin. Wala naman kasi siyang permanenteng trabaho. Minsan ay naglalabada siya kung minsan naman ay nangangalakal ng basura at ibinebenta niya iyon.
Sa ngayon ay nakatira sila sa barung-barong sa isang squatter’s area. Maliit lang ang bahay nila na yari sa pinagtagpi-tagping plywood, yero at kung anu-anong bagay na pwedeng ipangtapal para hindi magkaroon ng butas ang kanilang dingding. May kuryente naman sila dahil nakikisaksak sila sa kapitbahay nila. Nagbabayad na lang sila dito. Ang gusto lang naman niya ay may ilaw sila sa gabi para hindi mahirapan ang kaniyang mga anak. Ayaw naman niyang gumamit ng kandila o gasera dahil takot siya na pagmulan iyon ng sunog.
Ang sumunod kay Rachel ay si Dylan. Sampung taon pa lang ito. Madalas ay ito ang kasama niya kapag nangangalakal siya. Tumutulong ito sa pagbubuhat ng sako kung saan nila inilalagay ang mga nakakalakal nila.
Si Rebecca naman na walong taon ay ang pangatlo niya. Ito ang naiiwan sa bahay para mag-alaga ng bunso nilang si Jon na limang taong gulang pa lamang.
“Mama, gutom na gutom na ako! Ang sakit na ng tiyan ko!” tigam sa luha na iyak ni Rebecca. Nakikipagpaligsahan ng lakas ng iyak dito si Jon.
Si Dylan naman ay nasa isang tabi lang at nginangatngat ang kuko. Kahit hindi ito nagsasalita ay alam niyang nagugutom na rin ito. Hindi lang talaga pala-imik si Dylan. Sa lahat, ito ang pinaka matiisin. Ito rin ang pinaka sakitin. Si Rebecaa ay nasa tabi niya at nagsabi sa kaniya kanina na nagugutom na rin.
Lima ang anak ni Marites. Pero namatay ang mas bunso pa kay Jon dahil sa dengue. Hindi kasi nila ito agad nadala sa ospital kaya namatay ito. Ang akala kasi nila ay simpleng lagnat at rashes sa balat ang sakit nito. Nagkamali pala sila.
Gusto nang umiyak ni Marites sa senaryong kaniyang nakikita. Masakit para sa inang katulad niya na makita ang mga anak na nagugutom. At ang mas masakit pa ay wala naman siya agad maibigay na pagkain sa mga anak niya. Pakiramdam niya tuloy ay hindi siya isang mabuting ina sa mga ito. Pero kung may pagpipilian lang din naman siya, hindi ganitong buhay ang gusto niya sa apat niyang anak.
Mag-isa na lang niyang binubuhay ang mga anak niya. Halos tatlong taon na rin kasi ang nakakalipas simula nang pumanaw ang kaniyang asawa. Nabagsakan ito ng martilyo sa ulo sa construction site kung saan ito nagtatrabaho. Nasa ibaba ito habang naghahalo ng semento. Aksidenteng nabitawan ng katrabaho nito ang martilyo at eksaktong tumama iyon sa ulo ng asawa niya. Halos isang buwan din itong na-comatose bago tuluyang binawian ng buhay. Sa tagal nito sa ospital ay lumaki din ang kanilang babayaran. Hanggang ngayon nga ay may utang pa rin sa naturang ospital. Kahit paunti-unti ay nagbibigay pa rin siya. Kaya naman hindi talaga sila makakaahon nito dahil sa laki pa ng utang nila. Namatayan na nga siya ng asawa, iniwanan pa sila nito ng problema.
BINABASA MO ANG
Mama
Horror"Paano kung hindi na siya ang dating nanay na iyong kilala?" Kinailangang bumalik ng magkakapatid na sina Rachel, Dylan, Rebecca at Jon sa luma nilang bahay dahil sa pagkakasakit ng nanay nila na si Marites. Sa pagbabalik nila doon ay nagtataka sila...