Chapter Six

5.4K 228 36
                                    

“HELLO? Hello, Ralph? Hell—Sorry, hindi kita maintindihan. Choppy ang line…”

Hatinggabi na pero hindi pa rin natutulog si Jon. Alumpihit siya kanina sa higaan. Pagod siya at gusto nang matulog pero hindi niya magawa. Ang dami niya kasing iniisip. Gulong-gulo ang utak niya. Kaya naman kesa tumunganga siya at mamatay sa pagkainip ay naisipan niyang tawagan ang kakilalang si Ralph para makipagkwentuhan. Nasa terrace siya ng kaniyang kwarto habang pinagmamasdan ang bituin sa kalangitan.

Mahinang tumawa sa kabilang linya si Ralph. “Nasaang lupalop ka ba ng Pilipinas at ang hina yata ng signal diyan? Kung hindi ka pa nagtext kanina ay hindi ko malalaman na wala ka sa bahay mo. Pupunta pa naman sana kami ni Jay doon,” anito.

“Nandito sa bahay ng mama ko. May sakit siya, e. Kailangan naming umuwi na magkakapatid.”

“Wow. Reunion pala iyan. Dapat nagsabi ka agad para maipakilala mo na—”

“Ralph, stop.” Napapikit siya nang pigilan niya ang sana’y sasabihin nito. “H-hindi pa ako handa. Alam mo naman iyon. For sure, magagalit sa akin si mama at mga kapatid ko. This is not the right time.”

“E, kailan ba kasi ang right time? Jon, you are old enough. Nasa hustong edad ka na. May trabaho ka na at kaya mo nang mabuhay nang hindi humihingi ng tulong sa kanila. Kahit hindi nila tanggapin ang pagiging bakla mo, ayos lang.—”

“Shut up! Hindi ako bakla, okay?”

“Hanggang ngayon ba naman ay in denial ka pa rin sa sexuality mo? Kung hindi ka bakla, ano ka ba? Kung hindi ka bakla, bakit ako ang boyfriend mo? Jon, bago ka matanggap ng pamilya mo dapat ay tanggap mo ang sarili mo. I-accept mo na gay ka. Katulad ko. Ako, tanggap kong bakla ako at hindi 'yong kabawasan sa pagiging lalaki ko.”

Tumiim ang bagang ni Jon. “Madali mong sabihin iyan dahil alam ng pamilya mo kung ano ka. Magkaiba tayo ng sitwasyon.” Halos pabulong na ang pagsasalita niya dahil nangangamba siyang may makakinig sa kaniya.

“So, ano ba talaga ang plano mo sa relasyon natin? Three years na tayo pero hanggang ngayon hindi mo pa rin ako ipinapakilala sa pamilya mo. Jon, hindi ko pinangarap na habangbuhay na magpanggap na magkaibigan lang tayo kapag may ibang tao. Nagtiis ako, oo. Dahil mahal kita. Hindi ka ba nagsasawang nagtatago na lang tayo? Gusto mo bang ganito tayo forever. Please, nandiyan ka na rin naman, sabihin mo na sa kanila—”

“Tama na!” Pikit-mata niyang pigil sa pagsasalita ni Ralph. Naririndi na siya sa mga sinasabi nito. Kahit noon pa naman ay iyon na ang palagi nitong pinuputak sa kaniya. Gusto na nitong mag-out siya sa pamilya niya at sa mga kaibigan niya. Pero hindi pa talaga siya handa. Hindi pa niya alam kung makakaya ba niya ang mga sasabihin ng ibang tao. Takot siyang malait. Ayaw niya ng ganoon.

Nang tumuntong siya sa edad na dose ay doon niya naramdaman na may iba sa kaniya. Mas gusto niyang kasama ay mga kaklase niyang lalaki. Akala niya ay normal lang iyon hanggang sa makaramdam na siya ng paghanga sa isa niyang lalaking kaklase. Pinigilan niya ngunit mas nahirapan siya nang nasa kolehiyo na siya. Doon ay namulat siya sa mundo ng mga bakla na itinatago ang pagiging bakla. Palihim siyang sumama sa mga ganoong tao. Pumupunta sila sa mga gay bar at nanonood ng mga lalaking sumasayaw. Minsan pa nga ay nakikipagtalik siya sa mga ito kapag may natipuhan siya.

Muli, pinigilan niya ang kaniyang sarili. Inisip niya ang sasabihin ng pamilya niya lalo na ng ibang tao. Ayaw niyang makutya dahil bakla siya. Sinubukan niyang magkaroon ng nobya pero walang nagtatagal. Niloloko lang niya ang kaniyang sarili. Lalaki talaga ang gusto niya.

Hanggang sa makilala niya si Ralph noong nagtatrabaho na siya. Naramdaman nito na bakla siya kahit ipinilit niyang straight siya. Niligawan siya nito at siya rin ang bumigay sa huli. Natagpuan na lang niya ang sarili na minamahal na si Ralph. Naging sila na simula ng araw na iyon.

MamaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon