Chapter Nine

5.1K 210 18
                                    

MASUYONG sinusuklayan ni Rachel ang buhok ni Marites habang nakaharap silang dalawa sa malaking salamin sa kwarto ng huli. Hindi mapalis ang ngiti sa labi ni Rachel dahil sa wakas ay may pagkakataon pa siya para maitama ang kaniyang pagkakamali. Ngayong buhay naman pala ang nanay niya ay aalisin na niya ang galit sa puso niya. Hindi na bumabata ang mama niya, patanda na ito at mas lalong hihina sa pagtagal ng panahon. Ayaw na niyang makaramdam ng pagsisisi.

“Mama, ang lambot pa rin pala ng buhok mo. Ang sarap pa ring suklayin,” aniya dito. Nagkatinginan sila sa salamin at nginitian siya nito.

“Katulad ng buhok mo. Ikaw ang nagmana ng buhok ko, anak. Parehas tayo.”

Sandali siyang natahimik. Ito na ang tamang oras para sabihin niya sa mama niya ang kaniyang nararamdaman at kung ano ang nasa loob niya. “'Ma, gusto kong mag-sorry sa iyo lalo na sa mga nasasabi at naging pakikitungo ko sa inyo. Sorry kung nagalit ako sa inyo nang mahabang panahon.” Patuloy siya sa pagsusuklay sa buhok nito habang nag-iinit na ang gilid ng mata niya. “Wala akong ibang inisip noon kundi ang sarili ko lang, ang sarili kong paghihirap nang bigla na lang kayong mawala noon. Hindi ko man lang naisip kung okay ba kayo, kung nasa mabuti ba kayong kalagayan o kung kumakain pa ba kayo. Mama, sorry. Patawarin niyo ako, 'ma…”

Mula sa likuran ni Marites ay niyakap ito ni Rachel. Isinubsob niya ang mukha sa likod ni Marites at doon niya ibinuhos ang luha.

“Gusto ko pong mag-umpisa ulit tayong dalawa, 'ma. Iyong wala nang galit sa puso ko kundi puro pagmamahal na lang…” May naramdaman siyang ginahawa sa mga sinabi niya. Tila may isang malaking tinik na nabunot sa kaniyang dibdib.

Tinapik ng mama niya ang kaniyang kamay. “Inaantok ako, anak. Lumabas ka muna at gusto kong matulog,” turan nito.

May pagtatakang kumalas si Rachel ng yakap dito. Hindi kasi ganoon ang inaasahan niyang isasagot nito sa mga sinabi niya. Tumayo ang nanay niya at walang imik na humiga ng patagilid sa kama. Baka pagod lang ito o hindi pa nito alam ang sasabihin. Marahil ay kailangan pa niya itong bigyan ng sapat na oras para makapag-isip.

“S-sige po, mama. Magpahinga na muna kayo. Lalabas na ako.” Ginawaran muna niya ng isang halik sa pisngi ang mama niya.

Palabas na siya ng kwartong iyon nang may marinig siyang tumawag sa pangalan niya kaya napalingon ulit siya. Tulog na ang nanay niya kaya imposibleng ito ang tumawag sa kaniya. Ipinag-kibit balikat na lang niya iyon at tuluyan na siyang lumabas.


-----ooo-----


NANDIDIRING binitawan ni Jon si Patani. “Nakakadiri ka talaga! Lumabas ka na nga dito!” Galit at malakas niyang sigaw sa P.A. ng kaniyang kapatid. Itinuro pa niya ang pinto. Pinakita niya talaga kay Patani na hindi na siya natutuwa dahil baka iniisip nito na nagbibiro lang siya. “Seryoso na ako, Patani! Get out o hihilahin na talaga kita palabas!”

Umismid si Patani at umaktong nasasaktan sabay hawak sa tapat ng puso. “Ang sakit mo naman magsalita, Jon. Ang gusto ko lang naman ay mapansin mo ako!” Inayos nito ang sarili. “Oo na. Aalis man na ako dito sa kwarto mo. Bye!” At padabog itong naglakad papunta sa pinto.

Sumunod siya dito para kung sakaling binibiro lang siya nito at babalik ulit ito ay mapipigilan niya agad. Medyo maloko rin kasi itong si Patani kaya baka gawin nito ang iniisip niya.

Hinawakan na ni Patani ang door knob pero hindi nito iyon pinihit. Huminto ito. Naghintay siya ng halos sampung segundo pero hindi pa rin ito gumagalaw. Doon ay nainis na siya lalo. Mukhang pinaglalaruan lang siya nito.

Nameywang siya at sinita ito. “Hoy, Patani! Hindi na talaga ako natutuwa sa iyo, ha. Buksan mo na 'yang pinto dahil kung hindi ako na ang magbubukas niyan at itutulak talaga kita palabas!” May halong pagbabantang sambit ni Jon.

MamaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon