Chapter Seven

5.1K 234 32
                                    

PINAKATITIGAN ng maigi ni Rachel ang malalalim na peklat sa kamay ni Marites. Kinuha niya ang isa pa nitong kamay para tingnan kung meron din iyon. Meron ding peklat ang kabilang kamay nito. Nakakapagtaka kung bakit merong ganoon ang ina nila. Saan naman kaya nito nakuha ang naturang peklat? Naaksidente ba ito? Bakit hindi man lang nila nabalitaan kung iyon ang dahilan? O baka naman sinadya nito. Ngunit bakit naman sasaktan ng nanay nila ang sarili?

Bahagya siyang napapitlag nang may humawak sa kaniyang braso. “Ate, okay ka lang? Kanina ka pa kasi diyang nakatitig sa kamay ni mama. Kung gusto mo, ako na lang ang magpupunas sa kaniya,” untag ni Rebecca.

“Hindi na. Ako na,” aniya. Tumingin siya kay Manang Rose. “Manang, bakit may ganito si mama sa mga kamay niya?” Ito lang naman ang pwede niyang pagtanungan dahil ito ang palaging kasama ng kanilang ina.

Umusog ang kasambahay palapit sa kaniya at tiningnan nito ang palad ni Marites. Nakita niya ang reaksiyon ng mukha nito na para bang wala itong alam. “H-hindi ko alam.” Nagtatakang tumingin din ito sa kaniya. “Ngayon ko lang iyan nakita, sa totoo lang.”

Lumapit na rin sina Dylan at Jon para tingnan ang tinutukoy niyang peklat.

“Really, manang? Ikaw ang kasama dito ni mama tapos hindi mo alam? Imposible naman na hindi mo iyan nakikita kapag pinapaliguan mo siya or pinupunasan,” turan ni Dylan.

“Nagsasabi ako ng totoo, Dylan. Hindi ko talaga alam.”

“Tama na iyan. Hindi na rin naman masasagot ang tanong ninyo dahil patay na si mama.” Hindi pa rin maawat ang luha ni Rebecca. “Tapusin na natin ang paglilinis sa kaniya para mailibing na natin siya, please. Hindi ko na kayang makita pa si mama na hindi na humihinga!” Bigla itong tumayo at humahagulhol na lumabas ng silid.

“Anong nangyari do’n?” tanong ni Dylan. “Lalabas lang ako. Magyo-yosi lang.” Lumabas na rin ito ng silid ng kanilang mama kaya tatlo na lang silang naiwan doon.

“Jon, kunin mo na lang iyong damit na susuotin ni mama. Nandoon sa aparador. Iyong kulay white na blouse at saya,” utos niya sa bunso nila na agad naman nitong sinunod.

Matapos niyang mapunasan at masigurong malinis na ang katawan ni Marites at isinuot na niya dito ang damit na kinuha ni Jon. Tinulungan siya ni Manang Rose na gawin iyon. Ayon kasi dito ay isa din iyon sa habilin ng nanay nila na dapat ay purong puti ang isusuot nito kapag ililibing na ito.

Malungkot na pinagmasdan ni Rachel ang mukha ng kanilang ina. Sa unang tingin ay aakalain mong natutulog lamang ito. Sayang, mama. Hindi man lang tayo nagkaayos bago kayo mawala. Kung pwede lang sanang humiling ng isa pang pagkakataon para maiayos ko ang lahat ay gagawin ko. Kaya lang, huli na ang lahat… aniya sa sarili habang pinipigilan ang pag-iyak.


-----ooo-----


LUMABAS ng silid si Dylan at dinahilan niyang maninigarilyo lang siya. Pero ang totoo ay kanina pa nagva-vibrate ang cellphone niya. Panay ang tawag ni Mr. Enriquez. Hindi nga lang niya masagot dahil kasama niya ang mga kapatid. Kaya kinailangan niyang gumawa ng dahilan para lumabas. Ayaw pa naman ni Mr. Enriquez na hindi sinasagot kapag ito ay tumatawag.

Nagtungo siya sa labas ng bahay at doon niya sinagot ang tawag ni Mr. Enriquez.

“Hello—”

“Mabuti naman at sumagot ka pa, Dylan! Akala ko ay tinakbuhan mo na ang atraso mo sa akin. Tatawagan ko na sana ang mga tauhan ko para itumba ka!” May himig pananakot ang tono ng pagsasalita ni Mr. Enriquez.

Pinagpawisan ng malapot si Dylan sa sinabing iyon ng kausap kahit hindi naman mainit sa kinaroroonan niya. Alam niya kasi na hindi it nagbibiro at posible nitong gawin iyon.

MamaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon