MAKALIPAS ang dalawampung taon…
Agad na sumama ang timpla ng mukha ni Rachel nang pumasok siya sa kaniyang kwarto. Napasimangot siya sa kaniyang naamoy. Hindi niya gusto ang air freshener na nalalanghap niya. Hindi iyon ang scent at brand na gusto niya sa kaniyang kwarto. Isa pa naman sa ayaw niya ay ang may binabago sa kaniyang kwarto nang hindi ipinapaalam sa kaniya.
Kakagaling lang niya sa kaniyang kumpanyang pinapatakbo at pagod na pagod siya dahil sa dami ng kliyente na kailangan niyang kausapin. Nagsu-supply ng mga construction materials ang kumpanya niya at nang dahil sa kaniyang sipag at tiyaga ay napalago niya iyon. Iyon din ang naging daan para magawa niyang humiwalay sa kaniyang ina at ibang kapatid. Gusto niya kasing magpaka-independent. Iyong hindi na niya kailangang umasa sa iba. Na nakamit naman niya. Sa edad niyang thirty two ay nakakatayo na siya sa sarili niyang mga paa.
Sa kasalukuyan ay naninirahan siya sa isang pangmayamang subdivision sa Quezon City. Malaki ang bahay niya at meron siyang anim na kasambahay. Hindi na niya kailangang gumawa ng mga gawaing bahay dahil meron nang gumagawa niyon para sa kaniya. Meron siyang pitong sasakyan at isang personal driver.
Kung ikukumpara ang buhay niya ngayon sa buhay niya noong bata pa siya ay napakalayo ng pagkakaiba. Noon, maswerte na ang makakain siya ng isang beses sa isang araw, ngayon kahit anong oras na gustuhin niya ay pwede siyang kumain. Iyon nga lang, merong limitasyon. Ayaw naman niyang masira ang kaniyang figure lalo na at may boyfriend siya na may-ari ng isang gym. Si Warren. Tatlong taon na ang relasyon nilang dalawa. Nagkakilala sila nang minsan ay mag-gym siya sa gym nito. Akala niya ay trainor ito doon pero ganoon na lang ang gulat niya nang malaman niyang ito pala ang may-ari niyon.
Niligawan siya ni Warren. Halos isang taon din siya nitong niligawan bago niya ito sagutin.
Kung tutuusin, lahat ay na kay Rachel na. Maginhawang buhay, magandang negosyo at mapagmahal na nobyo. Isa na lang talaga ang nawala sa kaniya at iyon ay ang kaniyang pamilya.
Masaya naman sila noong naghihirap pa sila kahit na kapos sila sa karangyaan. Kahit maraming problemang dumarating, basta magkakasama silang magkakapatid at ang nanay nila ay masaya na sila. Pero lahat ay nagbago simula nang unti-unting umangat ang kanilang buhay.
Napapikit si Rachel at kahit ayaw niya ay bumalik sa kaniyang isip ang isang parte ng kaniyang buhay noon…
Hindi na malaman ni Rachel ang gagawin. Tila lantang gulay na nakahiga na lang sila ni Rebecca sa nilatag na higaan dahil hinang-hina na silang magkapatid. Gutom na gutom na sila. Halos mag-iisang linggo nang hindi umuuwi ang nanay nilang si Marites. Simula ng umalis ito para pumunta sa ospital ay hindi pa rin ito bumabalik hanggang ngayon.
Wala silang ideya ni Rebecca kung nasaan ba ito at kung ano na ang nangyari dito?
Bukod sa nanay nila ay nag-aalala rin sila sa dalawa nilang kapatid na nasa ospital—sina Jon at Dylan. Magaling na ba ang dalawa o ano? Hindi naman nila mapuntahan ang mga ito dahil bukod sa wala silang perang pamasahe ay hindi nila alam kung saang ospital ba dinala ang mga ito ng nanay nila.
Sandaling tumayo si Rachel upang kumuha ng tubig. Kumuha siya ng baso at nilagyan iyon ng tubig sa water jug. Nang maubos na ang bigas ay puro tubig na lang ang inilalaman nila sa kanilang tiyan. Sinubukan naman nilang manghingi ng pagkain sa mga kapitbahay nila pero hindi sila binigyan. Malaki pa daw ang utang ng nanay nila at huwag na raw nilang dagdagan.
Inubos ni Rachel ang isang baso ng tubig. Muli niya iyong nilagyan upang ibigay naman kay Rebecca. Pinuntahan niya ito at iniabot ang isang baso ng tubig.
“Rebecca, uminom ka muna,” aniya.
Umiiyak na tumingin sa kaniya ang kapatid. “A-ate, ang mama. Kailan siya uuwi?” Imbes na tanggapin ang tubig ay nagtanong ito.
BINABASA MO ANG
Mama
Horror"Paano kung hindi na siya ang dating nanay na iyong kilala?" Kinailangang bumalik ng magkakapatid na sina Rachel, Dylan, Rebecca at Jon sa luma nilang bahay dahil sa pagkakasakit ng nanay nila na si Marites. Sa pagbabalik nila doon ay nagtataka sila...