Kaharian ng Nagila

16 1 0
                                    

Isinulat noong Mayo 10, 2015
—-
Kaharian ng Nagila
Ni: grootygroot (former username FaiqaLalaReys)

Taon na rin ang lumipas nang lumipat ang magkapatid na Ram at Cassy sa bayan ng Aligan. Wala naman naging problema sa paninirahan nila roon. Sa katunayan pa nga ay mababait at kasundo nila ang mga tao roon.

Dahil sa angking kagandahan at kabaitan ay marami ang humahanga sa kanila. Maski ang mga bata ay malapit ang loob sa kanila.

"Ate Ram, kuwentuhan niyo na po kami." Hindi na siya nagulat ng may tatlong bata ang dumating sa bahay nila. Inaasahan na niya ang pagdating ng mga ito lalo na at nakasanayan na niya ang ganoon. Gabi-gabi siya nagbabahagi ng kuwento sa mga bata.

Humarap siya sa mga bata at saka ngumiti. Nagsimula na maglakad si Ram papunta sa sala kung saan siya madalas magbahagi ng kuwento. Walang alinlangan din naman na sumunod ang mga bata. Nang makitang handang-handa na makinig ang mga bata ay sinimulan na rin niya ang magkuwento.

"Sa Kaharian ng Nagila ay mayroong iba't ibang kagubatan kung saan naninirahan ang mga Diwata. May tatlong anak na Dyosa si Reyna Zainab. Iyon ay sina Casana, Samsina at Rahmana," nakangiting sabi ni Ram. Naputol ang sasabihin niya ng magsalita si Angela.

"Ibig sabihin po lahat sila ay mga Diwata?" tanong ni Angela. Natatawa namang tumango si Ram.

"Napakasaya sa Nagila. Halos gabi-gabi ay mayroong kasiyahan. Nainggit ang ibang mga nilalang kaya naman marami ang gustong sakupin ang Nagila. Dahil sa pangamba ng Reyna ng mga Diwata na gawing bihag ang mga Dyosa ay gumawa ng paraan ang Reyna. Dinala niya ang magkakapatid sa bayan kung saan malayo sa mga katulad nila. Sa lugar ng mga tao," sabi ni Ram na tila dinadala siya sa kinukuwento niya. Huminto saglit si Ram para isipin ang kasunod.

"Ibig sabihin po ba Ate, nandito sila sa mundo natin?" tanong ng batang nakaupo sa kanyang harapan.

Napangiti muli si Ram. Ginulo niya ang buhok ni Lalay. "Oo, nandito sila ayon sa kuwento, Lalay."

Sabay-sabay nagsitanguhan ang tatlong bata. Makikita sa kanilang mata ang pagkainteresado nila sa kinukuwento ni Ram.

"Ilang buwan ang nakalipas mula ng umalis ang tatlong Dyosa sa Naliga. Hindi maiaalis ng magkakapatid na Dyosa ang kaba at pag-aalala nila sa kanilang Inang Reyna. Isang umaga, nakatanggap ng mensahe ang magkakapatid mula kay Reyna Zainab."

Huwag kayong mag-alala sa amin. Ako na ang bahala rito. Muli ko kayong padadalahan ng mensahe sa susunod na linggo. Magiingat kayo. Huwag na rin kayong mag-atubili pa na pumunta rito, nasisiguro ko na maaayos din ang lahat.

"Katulad nga ng sinabi ng Reyna, nagpadala ulit ito ng sulat sumunod na linggo. Ngunit hindi na ito nasundan pa ulit kaya nagpasya si Casana na bumalik sa Nagila para alamin ang kalagayan ng Inang Reyna pati na rin ang nasasakupan nito. Ilang buwan na ang lumipas ng umalis si Casana at hanggang ngayon ay wala pa rin balita-," nahinto si Ram sa pagsasalita dahil napansin niya na hindi na gumagalaw at tila nanigas sa kinauupuan ang mga bata. Nagpalinga-linga si Ram, hinahanap ang posibleng may kagagawan n'on.

Ipinikit ni Ram ang mga mata. Sinusubukan pakiramdaman ang presensya ng hinahanap.

"Rahmana..."

Napadilat siya at napaangat ng tingin dahil sa malambing na tinig na iyon. Tama ang kanyang hinala. Nginitian ni Ram ang babaeng tumawag sa kanya.

"Kumusta ka... Casana, mahal kong kapatid."

Halo-haloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon