Chapter Four

6.6K 183 7
                                    


NAALIMPUNGATAN si Athena dahil sa magkasunod na katok sa pinto kasunod ng tinig ni Glenn.

"Athena! Ano ba? Tangahali na! Hahanapin pa natin ang target!" sabi ni Glenn.

Tinatamad siyang bumangon. Masakit ang buong katawan niya.

"Athena!" tawag na naman ni Glenn.

"Oo na!" sagot niya.

Napilitan siyang bumangon. Lumabas siya at nagtungo sa banyo. Nahimasmasan siya nang nabasa ng malamig na tubig ang katawan niya. Mag-uumaga na siyang nakatulog kaya siya parang lantang gulay. Binulabog ni David ang isip niya kaya siya inatake ng insomnia.

"Nagtatrabaho sa isang restaurant sa La Presa ang target. Umaga ang duty niya roon bilang chef. Wala siyang service kaya hindi siya mahirap hulihin. Walking distance lang ang bahay niya mula sa restaurant," sabi ni Glenn tungkol sa bago nilang target.

Wala siya sa mood makinig pero nakuha niya ang impormasyon. "Copy. Umalis na tayo para maaga tayong makauwi," sabi lang niya.

Nasa biyahe sila ni Glenn papuntang La Presa. Ito ang nagmamaneho dahil nagreklamo siya na masakit ang sugat niya sa kaliwang braso. Tahimik lang siyang nakaupo sa tabi nito. Sa kabila ng kanyang pananahimik ay umiikot lang ang isip niya sa mga impormasyong nakuha niya mula kay David. Ang kuwento nito ay nag-match doon sa kuwento ni Don Victor tungkol sa hybrid wolf na hinahanap nila. Wala pa rin siyang ideya kung ano ba talaga ang ugat ng pinagmulan ng hybrid wolf na iyon. Ang alam lang niya, anak iyon ng lobo sa isang tao at iyon ang nakatakdang wawasak sa sangkatauhan at magpapalakas lalo sa puwersa ng mga lobo.

Sa La Sola restaurant na sila naabutan ng meryenda. Doon sa restaurant kung saan nagtatrabaho ang bago nilang target. Ngayon lang siya nawalan ng gana sa misyon nila. Nakatutok kasi siya kay David.

Pagkatapos ng meryenda ay nakatambay lang sila sa tapat ng restaurant hanggang sa kumagat ang dilim. Inaantabayanan nila ang paglabas ng target.

"Nariyan na siya," sabi ni Glenn.

Nang makita niyang lumabas na ang target ay bumaba na siya ng sasakyan. Inihanda na niya ang syringe. Sinundan niya ang target hanggang sa makarating sa madilim na bahagi ng kalye. Sinabayan niya ito sa paglalakad. Nang wala na silang kasalubong sa paglalakad ay bigla niyang ikinawit ang kaliwang braso niya sa leeg nito saka ito kinaladkad patago sa malaking punong kahoy.

"Huwag kang papalag! Hindi ka masasaktan!" aniya.

Masunurin naman ang lalaki. Mabilis niyang itinurok ang syringe sa kaliwang braso nito.

"Agh!" daing nito.

Nang makakuha ng sapat na dugo ay dagli niya itong pinakawalan at iniwan. Pagdating niya sa kotse ay kaagad nagmaniobra si Glenn.

"Ang bilis, ah. Para ka lang namitas ng dahon ng damo roon," ani Glenn.

"Deretso na tayo sa headquarter," sabi lang niya.

"Okay."

NEGATIVE pa rin ang resulta ng dugong nakuha nila. Inaasahan na iyon ni Athena. Nanatili sila ni Glenn sa headquarter habang naghihintay ng bagong misyon. Hirap siyang makatulog kaya nangabayo muna siya. Gusto niyang ma-refresh muna ang utak niya na tila na-stock sa isang sitwasyon.

Naunahan siya ng mga lobo sa pagkuha ng dugo ni David. Doon tumibay ang hinala niya na maaring si David ang hybrid wolf. Kapag naging positibo iyon sa mga lobo, natitiyak niya na huhulihin ng mga lobo si David. Kailangan maunahan niya ang mga ito.

Pinalipas muna niya ang ilang araw bago siya bumalik sa siyudad. Lihim pa rin niyang sinusundan si David. Kinulot niya ang buhok niya sa dulo at kinulayan ng light brown. Nagsuot siya ng contact lenses at nag-apply ng manipis na lipstick sa labi at kaunting face powder para medyo mag-iba naman ang hitsura niya. Paniguradong nai-report siya ni David sa mga pulis. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya puwedeng alisan ng tingin si David dahil posibleng may mga lobo na ring umaaligid dito.

Wild Desire (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon