Chapter VII

2.4K 53 4
                                    

"Nasaan po pala si Chuck?" simulang tanong niya. Gagamitin niya ang opportunidad na ito para makilala ang lalaki. Gusto niyang malaman ang lahat-lahat dito. Gusto niyang malaman kung dapat ba niya itong pagkatiwalaan. Who knows? Baka makatulong din ito sa problema niya.

"Ah! 'yong batang 'yon! Ayon! Hindi pa umuuwi. Siguro marami nanamang inaasikaso." Naiinis subalit may himig ng pag-aalala sa tono nito. "Ilang beses ko na iyang sinasabihan na 'wag masyado intindihin ang trabaho. Pero napakatigas pa rin ng ulo." 

Hindi niya naiwasang mapangiti. Talaga ngang ito ang taong nagpalaki sa lalaki. Kung makapag-alala kasi ito ay animo'y ito ang tunay na ina. Parang ito pa ang nai-stress para sa kapakanan ng lalaki. 

"Ano po bang trabaho ni Chuck?" tanong niya muli na humigop ng kapeng itinimpla nito. Ngayon niya malalaman kung ano ba talaga ang estado ng lalaki sa buhay.

"Vice president siya ng Aldama Corporation," sagot nito. "Hindi na rin ako magtataka kung maging hands-on siya sa kompanya. Siya kasi ang nakahalili bilang CEO."

Halos maibuga niya ang kapeng hinihigop sa narinig. Nanlaki ang mga mata niya. Kilala niya ang kompanya na iyon! Isa ito sa business partner ng kompanya nila! Naririnig niya lang ito pero hindi niya talaga kilala ang mga namumuno rito.

"Vice president? CEO?" ulit niya. Nagulat man, lumubkob ang pangamba sa puso ni Aeon. Napakaliit naman ng mundo para ang lalaking may koneksyon sa pamilya niya ang makatagpo sa kanya. "I-isa siyang Aldama?"

Tumango ang matanda.

Dapat na ba niyang paghandaan ang pag-alis? Impossibleng hindi rin nito alamin ang pinagmulan niya gayong mayaman pala ito. Hindi lang mayaman ... kung hindi singyaman ng pamilya niya! Sunod-sunod na paglunok ang ginawa niya. Pakiwari niya na kahit malamig ay pinagpapawisan siya.

Isa ang Aldama Corporation sa unang nagpasimula ng bottled tea sa Pilipinas na ine-export pa sa ibang bansa. Sa lawak at laki ng negosyo nito ay tila mas mayaman pa yata ito kaysa sa pamilya niya.

May mga tanong na umiikot sa isipan niya, bakit nag-abala pa si Chuck na tulungan siya? Kilala kaya siya nito? Nagpapanggap lang kaya itong tumutulong sa kanya? Kinukuha lang kaya nito ang loob niya para isuplong siya?

Sa tingin niya, kung nais man siya nitong isuplong ay baka ginawa na nito noong unang araw o mga nakaraang araw na pamamalagi niya rito.

So, anong agenda nito? Naguguluhan siya. Hindi pa siya handa sa panibagong problema!

"Malihim po ba siyang tao?" pag-iiba niya na lang ng paksa. Sana lang ay hindi nahalata ng matanda ang kaba na bumabalot ngayon sa kanya.

"Sobra," anito. "Hindi ko siya masisisi. Nasaksihan ko ang paglaki ng batang iyan at kung paano siya namulat sa murang edad sa negosyo nila. Nakaka-awa lang na hindi man lang niya nagawang ma-enjoy ang pagkabata niya." Bumakas ang lalong lungkot sa mukha nito.

Biglang sumagi sa isipan niya ang kapatid na si Ryulah na gaya ni Chuck ay 'di na nagkaroon ng oportunidad para makapaglaro gaya ng mga normal na bata.

Ganito ba talaga kapag ang isang tao ay nakaplano na ang tadhana? Wala sa opsiyon ang maging masaya? Ang akala ng iba, kapag maraming pera ay perpekto na ang buhay. Hindi pala. Dahil habang abala sa pagpapalago ng pera ang mga tao, kasabay din nito ang pagtaas ng kalidad ng pamumuhay nito. One will keep chasing things for the never-ending thirst for satisfaction. Napatunayan niya ito sa ama na hindi makuntento sa pagpaparami pa ng kayamanan nito.

Kung sasabihin niya kaya ang sitwasyon kay Chuck, maiintindihan kaya siya nito? Tutulungan kaya siya nito? 'Di niya malalaman kung 'di niya susubukan - subalit sa kabilang banda, paano kung isuplong na lang siya nito kaysa tulungan?

Vows with LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon