Pagtangis

61 0 0
                                    

PAGTANGIS

Mga bisig na may karit ng tadhana

Mukhang namutla sa tinding pangamba

Puso’y may luha at inggit sa kapwa

Pagkatao’y niyuraka’t tinapakang kay sama

Ang pagtahak sa mahabang halamanang matinik

Nagdulot sa binti ng sakit ng lagitik

Awit ng gubat parang malakas na paltik

Sa kaluluwa’y ang tingi’y gawa sa putik.

Usal ng damdami’y sigaw ng pagkamuhi

Sa sariling kaibahang akala’y kay buti

Galit sa kauri’y sa isipan ay ‘di mapawi

Parang pakong nakabaon sa punong nakatali.

Sa pag-ihip ng ‘yong hanging kay bango

Dulot sa mukha ay daig ang nalango

Ang pagsilay sa iyong kagandahang malago

Mabigat sa balikat ng katauhang nakatago.

Bigkas nitong mga matang pagod at luhaan

Ang pag-asang paglaya mula sa sariling kulungan

Na sana makauwi sa dakila mong kanlungan

Kung saan naroon ang isang magulong kapayapaan.

         

Ang pag-impit nitong sumasabog na damdamin

Lakas ng pag-ambong hindi kayang pigilin

Ang paghilang kay lupit pilit na ‘wag dinggin

Nitong nagmamatigas na batong sukat hatiin.

Pag-alpas mula sa kagubatang puno ng hapis

Ay pag-asang tuyo at sa puso’y napapanis

Ngunit ang sikat ng liwanag, kadilima’y inalis

Upang masulyapan lamang ang landas na paalis.

Mga Berso ng Aking PusoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon