Tayong dalawa ang mga kamay ng orasan
Nag-uunahan sa paghakbang
Nagkakasalisihan sa bawat yugto
Ng panahong pareho tayong ikinukulong
Ang mga hagod at haplos
Na matagal nang gustong ibuhos
Dahil kapos sa pagkakataong ipakita ang tunay na nadarama
Ngunit patuloy parin kitang nakakasama
Salamat na lamang sa aking mga mata
Na maiigi kang minamatyagan
Sa tuwing nagbabanggaan ang ating mga braso at siko
Sa martsang nilalahokan
Ng mga tulad nating gustong wakasan itong pag-uuri
Pag-uuring tumatanikala sa damdamin nating
Kailan ma’y pilit hinuhusgahan ng sistema
Tinuring ang pag-ibig na isang pagsusulit
Na paulit-ulit man nating sagutin
Tila ba bitin parin tayo sa kaalaman
Sa lahat ng ating awitin, sa lahat ng mga umaawit
Sa dinamirami ng mga boses na pumapasok sa aking tenga
Sa mga ingay, palakpak, sigaw at pagsabog
Nilimot kong lahat ng mga tunog
At pilit hinanap ang boses na nanggagaling sa’yo
Ngunit sabik padin ako
Sa panahong pribadong pagmamay-ari na nating dalawa
Na baka ikamatay ko sa pagkalunod
Sa magkahalong saya at lungkot
Sa pagkakataong madinig ang musika ng iyong mga salita
Nagpapakalma sa damdamin kong
Babad sa sikat ng araw
Kalyado sa matagal na paglakad
Uhaw sa maghapong pagsigaw
Puyat sa magdamag na pagdilat
Sa mata, tenga, balat ko man mo iniwan
Ang mga alaalang pinagsaluhan natin saanman
Balang araw, pagkatapos ng digmaan
Sa’yo ko hahanapin ang aking katahimikan
BINABASA MO ANG
Mga Tula ng Pag-ibig
PoetryMga tinipong tula ng buhay at pag-ibig, Iba-iba ang naging inspirasyon. Iba-iba ang dahilan kung bakit naisulat.