Marami na akong ginawang katha
Mga maiikling kuwento, maging tula
Awit na di na nagawang lapatan ng nota
O mga pinta na nalipasan ng panahon,
at di na natapos pa.
Habang nakatanaw ako
sa bintana ng aking kuwarto
Nag-uunahan ang mga salita
Gumagawa, bumubuo
Pinipilit akong muling balikan
Ang sining na tila aking napag-iwanan.
At ano nga ba ang nagtutulak sa akin
Na ang pagsusulat ay muling balingan ng pansin?
Sabi nga nila diba
Ang sining ay nagmumula sa damdamin
Naglalagablab, nag-aapoy
Na ang tanging lunas ay tuluyang bigkasin.
Ikaw lang naman ang tanging dahilan
Kaya ito ay muling naisipan
Dahil wala na akong ibang maisip na paraan
Upang ipaalam sa iyo ang aking nararamdaman.
Oo, ako'y duwag
Hindi masabi ang damdamin
Dahil hindi ko mahagilap
Ang tamang salitang sa iyo'y bibigkasin
Oo, walang salitang sa iyo ay papantay
Ni walang pintang sa iyo ay hahanay
Walang kanta, walang katha
Na kayang bigkasin ang iyong angking ganda
Nawa'y sa simpleng akto
Nang pagsusulat ko para sa'yo
Iyong maramdaman at mapagtanto
Ang nais kong iparating sa'yo -
Wala kang katulad, wala kang kaparis
Pagkat ang puso ko'y inangkin mo na nang labis.
BINABASA MO ANG
Mga Tula ng Pag-ibig
PoetryMga tinipong tula ng buhay at pag-ibig, Iba-iba ang naging inspirasyon. Iba-iba ang dahilan kung bakit naisulat.