Walang Pamagat

7.1K 24 9
                                    

Kapag natanggap mo itong sulat ko

Maaari bang doon mo ito basahin

Sa parang?

Ilatag mo sa lupa at hayaan mong mag-usisa

Ang langit sa iyong likuran.

Habang binabasa mo ito

Marahil ay kay layo na rin

Ng aking narating.

Malayo sa mga lugar na

Pinagsamahan natin,

Ngunit nanatiling sa'yo ang damdamin.

Ang mga lukot sa papel

Ay mga lubak at lungkot

Na hatid ng tinatawid

Kong mga lambak at bundok.

Ang mga mansa at dumi

Ay kimpal ng putik sa aking paa at pandama.

Ang mga punit sa gilid

Ay hiwa sa gunita, galos sa balat sa

Pagkakasabit sa sanga

Sa mga umbok at linyang nagsasalabat

Gagapin mong muli ang

Nangangapal kong palad.

Samantala'y hindi ako nag-aalala

Naririto ka sa bawat araw

Ipinadarama ng kalikasan

Tuwing umaga, hinahaplos ko ang iyong buhok

Sa hibla ng gintong liwanag

Sa siwang ng mga sanga at dahon

Sa pagsibol ng bulaklak

Nasisilayan ko ang masaya mong larawan.
kung paano mong

Ibinubuka ang iyong bibig

Bago mo ito marahang isilid sa ngiti

Matapos mong tumawa.

Sa tanghali,

Kapag kami'y bumabaybay

Nadarama ko sa lupa

Ang init ng kalsada at lansangan ng lungsod

Ang tangan mong bandilang

Kumakaway sa hangin

At kamaong nakasuntok sa langit

Ang tapang ng iyong pagsigaw

At ang naipon nating galit.

Sa gabi,

Pagmamasdan ko

Ang kislap ng iyong mga mata

Sa pinakamatingkad na bituin

At muli't muli kong aawitin

Ang mga paborito nating kanta

Habang inaalala ang ningning ng iyong ganda

At ang kinang ng iyong pisngi.

Marahil ay masasanay din ako

Gayunma'y hindi pa rin magbabago

Ikaw ang lakas at kublihan

Sa bawat engkwentro

At kung hindi mo mapigilan

Ang pagtahak ng luha sa iyong pisngi

At pagpatak nito sa papel

Mas hihigpit ang yakap

Ng liham sa bukid

Upang iluwal ng mas malinaw

Ang titik ng pagsibol

Ng aking pag-ibig.

Mga Tula ng Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon