Naisip ni Aling Mellisa na may epekto ang kuwintas na ibinigay sa kanya kaya't inilabas niya ito para malaman ang kayang gawin nito. Pero bago pa man mangyari iyon, nakita ni Aling Mellisa ang mga taong nilalaklakan ng mga aswang.
"Diyos ko! Mukhang huli na ang lahat. Ano pa ang magagawa ko? Paano po namin sila mapipigilan?" umiiyak na dasal ni Aling Mellisa.
Napatigil sa pag-iyak si Aling Mellisa ng may biglang humawak sa kanyang kamay at pilit siyang itinatayo.
"Mang Pedring?" at agad nitong niyakap ang matanda.
"Wala tayong magagawa Mellisa kundi ang lumaban," wika ng matanda.
"Pero siguradong marami pa po ang mamamatay. Ano ba ang dapat kong gawin?" paiyak na tanong ni Aling Mellisa.
"Wala bang sinabi sa iyo 'yung binatang pinapasok mo sa bahay niyo?" agad nitong tanong.
"Bakit niyo po natanong 'yan? May alam po ba kayo?" balik na tanong ni Aling Mellisa.
"Sa totoo niyan, narinig ko kayong nag-uusap at nalaman ko ang lahat ng tungkol sa kanya at pati na rin ang mga plano ninyo. Pero sa tingin ko, ang kuwintas ang susi para matapos at mapigilan sila," salaysay nito.
Napatitig sandali si Aling Mellisa at agad nitong kinuha ang kuwintas na bato at tinitigan 'yong mabuti.
"Sa tingin niyo po? Paano ito magagamit?" tanong ni Aling Mellisa.
Tinitigan ng matanda ang kuwintas ng maigi at bigla itong napangiti.
"Ang kuwintas na ito! Ito ang isa sa pinaniniwalaang pagmamay-ari ng hari ng lahat ng kasamaan. At ang dulong bahagi niyan ay mula pa sa ngipin ng demonyo," tugon nito.
"Ano? Hari ng lahat ng kasamaan? kung ganoon ay mas lalo itong makakasama?" sunod-sunod na tanong ni Aling Mellisa.
"Depende sa taong humahawak niyan. At iyan din ang pinaka-delikadong sandata dahil kaya nitong makasakit ng mga nilalang sa buong mundo," medyo pabiglang tugon ng matanda.
Dahil sa mga paliwanag ng matanda, naiintindihan na ngayon ni Aling Mellisa ang dahilan kung bakit naging aswang si Cedric gayung hindi naman ito totoong anak ng Reyna ng mga aswang. Dahil matagal ng hawak ni Cedric ang kuwintas kaya mas lumalim pa ang ugnay nito sa kanya at parang kinakain na rin nito ang katawan at isipan ng binata. Sa pagkakataong nahiwalay ang kuwintas sa kanya, mas lalong tumindi ang epekto nito sa na dahilan kung bakit hindi niya makontrol ang sarili at idagdag pa nito sa itinuring na Ina.
Noong una'y naguguluhan pa si Aling Mellisa kung bakit hindi makalapit ang mga aswang sa kuwintas gayung galing naman ito sa hari ng kasamaan. Ang dahilan ay depende sa taong humahawak nito. Katulad ni Cedric at Aling Mellisa na nagnanais ng kabutihan kaya't naglalaban sa kapangyarihan ng kuwintas ang kabutihan at kasamaan at nagbunga ito ng natatanging kakayahan na kayang protektahan ang sumunod na nagmamay-ari nito. Pero ang kasagutang hinahanap na lang ni Aling Mellisa ay kung paano ito magagamit para matapos ang lahat.
"Ano po ang dapat kong gawin sa kuwintas?" may kabang tanong ni Aling Mellisa.
"Kung ako ang tatanungin, dapat na 'yang sirain at mawala sa mundo," tugon ng matanda.
"Pero kung gagawin ko 'yan, si Cedric lang ang babalik sa dati at mananatili pa ring buhay ang mga aswang," wika nito.
"Oo! Babalik sa dati ang binata pero siya rin ang kailangan para mapatay ang pinuno ng mga aswang dahil nasa kanyang katawan ang kalahating bahagi ng kapangyarihan ng kuwintas," mahabang paliwanag ng matanda.
"Ang ibig niyong sabihin na si Cedric mismo ang dapat na pumatay sa sarili niyang Ina?" pagtataka nito.
"Ganoon na nga at tulad ng sinabi niya sa iyo kamakailan na kung mamamatay ang Reyna ganoon din ang iba," wika ng matanda.
BINABASA MO ANG
Misteryoso 1 (Completed)
HorrorAng mundo ay puno ng lihim. Lihim na binabalot ng dilim. Mga nilalang na handang maghasik ng lagim sa buong paligid. Subalit may mga tao pa ring nais pumigil nito. Manginig, matakot at sumabay sa takbo ng kuwentong inyong pagkakaabangan. ----- AUTHO...