DAHAN-DAHANG iminulat ni Paula ang kanyang mga mata at ang mukha ng pamangkin niyang si Janine ang unang nakita niya.
“How are you, Tita? Na-miss po kita.” Nakangiting hinaplos nito ang kanyang pisngi.
“Janine.” Hindi niya napigilang mapaluha. Hinapit niya ito at niyakap niya nang mahigpit.
Nakangiting lumapit sa tabi ng kama niya ang kanyang Auntie Alice. “Salamat naman at nagkamalay ka na. Kahapon ka pa hindi gumigising. Nag-aalala na nga kaming lahat sa 'yo, eh.”
Lumuluhang tiningnan niya ito.
Yumukod ito at hinagkan siya sa noo. “Alam mo bang walang araw na hindi ako nag-alala sa 'yo habang naroon kami sa States?”
Hindi siya kumibo.
“Kung hindi pa kami tinawagan ni Mrs. Lorenzo ay hindi pa namin malalaman ang mga nangyayari sa 'yo rito. Ano ka ba namang bata ka. Bakit hindi mo sinabi sa amin ang totoong nangyayari dito?” anito pero wala namang galit sa tinig nito.
“Ayoko lang ho na pati kayo ay madamay. Binantaan nila ako na kapag hindi ako sumunod sa gusto nila, idadamay nila ang mga natitirang mahal ko sa buhay,” paliwanag niya.
Napailing ang kanyang tiya. “That is not enough reason para mag-isa mong harapin ang ganoong problema. Alam mong hindi ako papayag na saktan ka ng kahit sino.”
“I’m sorry, Auntie.” Nag-iwas siya ng tingin dito.
“Nakakulong na si Hernan Abordo. I’m sure hindi na siya makakaligtas sa dami ng kasong nakasampa sa kanya. And as for Wilbert, siguro ay magkaharap na sila ngayon ni Satanas sa impiyerno,” anito, bakas pa rin ang galit nito para sa lalaki.
Napatingin siya rito. “Wala na ho si Wilbert?”
Tumango ito. “Bago ka pa niya mabaril ay napatay na siya ng mga pulis. Natapos na rin ang kawalang-hiyaan nila ng kanyang ama. Pero kulang pang kabayaran iyon sa ginawa nila sa mga magulang mo.”
“At least, matatahimik na ho tayo ngayon.”
Tumango lang ito.
“Auntie, nasaan ho si Miguel?” Hindi niya napigilan ang sariling hanapin ito dahil ito ang talagang inaasahan niyang unang-unang makikita niya ngayong nagkamalay na siya.
“Kaaalis lang. Marami pa raw kasi siyang aayusin sa opisina niya. Napakasuwerte mo at nakilala mo ang isang katulad niya. Napakabuti niya at talagang malaki ang pagmamalasakit niya sa 'yo.”
Tumango siya, ngumiti. “Hindi ho ba niya sinabi kung anong oras siya babalik dito?”
“Hindi, eh, pero dadaan daw rito mamaya ang kapatid niyang si Emilia.”
Makalipas ang ilang minuto ay dumating na rin si Emilia. Iniwan na muna sila nina Auntie Alice at Janine.
“Akala namin ay tuluyan ka nang mapapahamak dahil sa Alyssa na iyon,” agad na sabi ng dalagita pagkatapos siyang hagkan nito sa pisngi.
Noon niya naalala si Alyssa. “Kumusta si Alyssa? 'Asan siya? Ligtas ba siya?”
Nagpakawala ito ng malalim na hininga. “She’s all right. Dinala siya rito kahapon para gamutin ang sugat niya sa ulo. Well, she deserves what she got. Kulang pa nga iyon, eh. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ka naman sana mapapahamak. Sayang nga, eh. Hindi pa tuluyang nabagok ang ulo niya.”
Hinawakan niya ang kamay nito. “Huwag na kayong magalit sa kanya. Pinagsisihan naman niya ang ginawa niya, 'di ba? Kung hindi rin naman dahil sa tulong niya ay hindi ako makakaligtas.”
BINABASA MO ANG
Fate Leads Me To You (COMPLETED- Published Under PHR)
RandomSa kagustuhang mailayo sa kapahamakan ang natitirang mahal sa buhay, napilitan si Paula na sumunod sa gusto ni Wilbert. Akala niya ay wala na siyang pag-asang makatakas pa pero dumating ang isang knight in shining armor niya sa katauhan ni Miguel. L...