“MAGPAHINGA muna tayo, hija. Mataas na ang sikat ng araw. Mamayang hapon na lang natin ito tapusin,” ani Tita Monica.
Tumango si Paula. Nasa garden sila ng mama ni Miguel at inaayos ang mga tanim nitong roses at orchids. Iyon ang pinagkakaabalahan niya simula nang tumira siya sa mansiyon ng mga Torres.
Hinubad niya ang suot na gloves. Pinahid niya sa pamamagitan ng likod ng kanyang kamay ang ilang butil ng pawis na nasa mukha niya bago siya tumayo at sumunod sa matandang babae. Papasok na sila sa loob ng bahay nang dumating ang kotse ni Miguel. Agad na bumaba mula roon ang binata at lumapit sa kanila.
“Hi, Mama.” Hinagkan nito sa pisngi ang ina bago siya binalingan. “You look great. Kumusta ka naman dito?”
Matipid na ngumiti siya rito. “Okay lang ako,” aniya.
“Mabuti naman at napadalaw ka. Kahapon pa nga sana kita gustong tawagan,” ani Tita Monica.
“Bakit po? May problema ba rito?” tanong ni Miguel sa ina.
Umiling ang ginang. “Wala naman. Gusto ko kasi na ikaw ang mamahala ng anihan sa hacienda. Hindi pa kasi kami makakapunta roon ng papa mo dahil may kailangan pa kaming asikasuhin dito.”
Inakbayan ni Miguel ang ina nito habang papasok ang mga ito sa mansiyon. Tahimik naman na nakasunod siya sa mga ito.
“Mama naman. Kadarating ko lang dito, tungkol sa trabaho agad ang ibinubungad mo. Hindi mo man lang ba itatanong kung kumain na ako?” reklamo nito pero malambing naman ang tinig.
Napangiti si Tita Monica. “Sinasabi ko lang sa 'yo na kailangan mong umuwi sa hacienda.”
“Magpapahanda ho muna ako ng merienda,” aniya nang nasa sala na sila.
Akma na siyang tatalikod patungo sa kusina nang pigilan siya ni Tita Monica. “Ako na ang bahala, Paula. Mag-usap na muna kayo ni Miguel.”
Tahimik na naupo sila ni Miguel sa sofa, kapwa walang kibo. Tila pinakikiramdaman lang ang isa’t isa.
“Kumusta ka na?” mayamaya ay basag nito sa katahimikan.
Tiningnan niya ito. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang pagbilis ng pintig ng kanyang puso nang magtama ang kanilang mga mata. “Okay lang, maayos naman ako rito.”
Ngumiti ito. “Mukha ngang nagkakasundo kayo ni Mama. Hindi ka ba naiinip dito?”
Umiling siya. “Marami namang puwedeng gawin dito, eh. Emilia always keeps me company, at saka tinutulungan ko si Tita Monica sa pag-aalaga ng mga halaman niya.”
Tumangu-tango ito. “Anyway, can I invite you out for lunch?” bigla ay sabi nito.
Napatingin siya rito. “Ngayon?”
Tumango ito.Gusto sana niyang pagbigyan ito, kaya lang ay may gagawin pa siya. Bago pa man siya nakasagot ay biglang may nagsalita mula sa likuran nila.
“No, Kuya, she can’t come with you,” ani Emilia na kabababa lang ng hagdan.
Sinalubong ni Miguel ang bunsong kapatid nito na labimpitong taong gulang pa lamang. Hinagkan ni Emilia ang kapatid nito sa pisngi at niyakap naman ito ni Miguel.
“Bakit naman hindi ko puwedeng isama si Paula?” tanong nito kay Emilia.
“Tutulungan niya akong magluto ng lunch. Nagpapaturo kasi ako sa kanya ng iba’t ibang putahe, eh. Dito ka na lang kaya mag-lunch para matikman mo ang luto naming dalawa.”
“Hindi kaya sumakit ang tiyan ko o bumula ang bibig ko sa luto mo?” biro ni Miguel.
Kinurot ng pino ni Emilia ang kapatid. “Ang sama ng ugali mo, Kuya!”

BINABASA MO ANG
Fate Leads Me To You (COMPLETED- Published Under PHR)
RandomSa kagustuhang mailayo sa kapahamakan ang natitirang mahal sa buhay, napilitan si Paula na sumunod sa gusto ni Wilbert. Akala niya ay wala na siyang pag-asang makatakas pa pero dumating ang isang knight in shining armor niya sa katauhan ni Miguel. L...