Ika-14 ng Pebrero, taong 2019.
Ito na ang araw na pinakahihintay ko. Ang araw kung kailan ang aking mga imahinasyon ay magiging katotohanan.
Inayos ko ang aking buhok at sinuri ang aking repleksyon sa salamin. Kapansin-pansin ang maitim at malalim na eyebags sa ilalim ng aking mga mata. Hindi kasi ako nakatulog nang maayos kagabi sa kaiisip ng magaganap ngayong araw. Kumuha ako ng kaunting pulbos at inilagay iyon sa aking mukha. Umepekto naman at bahagyang natakluban ang pinagpuyatan kong eyebags. Sunod kong inayos ang aking kasuotan pati ang aking buhok. Kinakailangan kong maging presentable sapagkat nasa akin ang atensyon ng mga tao mamaya.
Di kalaunan ay may kumatok sa pinto ng aking silid. Pinapasok ko kung sino man iyon.
"Handa ka na ba? Naririto na ang bride."
Kaagad akong ginapangan ng kaba matapos marinig ang sinabi ng aking kaibigan na si Adam. Ngayon pa lang ay tila nagkakarerang mga kabayo na ang tibok ng aking puso at hindi ko na alam ang dapat maramdaman.
Bumuntong hininga ako at lumabas mula sa silid na aking pinaghihintayan. Marami ang mga tao at napakaganda ng ayos ng paligid. Pulang rosas ang pumapalibot sa pasilyo ng simbahan. Sinamahan pa ito ng puti at asul na telang inayos sa kaaya-ayang paraan. Ang ordinaryong simbahan ay nagmistulang palasyo na naghihintay sa hari at reyna nito. Napangiti ako at nagpatuloy sa paglalakad. May ilang bumabati sa akin habang papunta ako sa nararapat kong puwesto. Nginingitian ko naman sila at binabati pabalik.
Ilang minuto pa ang lumipas at hindi pa rin nagsisimula ang seremonya. Sobra sobra na ang kabang nararamdaman ko sa oras na ito at hindi na ako mapakali habang nakatayo dito sa unahan. Laking pasalamat ko nang tawagin ako ng wedding organizer at sinabing maghanda na para sa pagsisimula.
Nagsipuntahan na sa kanya kanyang puwesto ang mga abay. Ang mga babae ay nakasuot ng asul na gown habang ang mga lalaki naman ay suot ang tradisyonal na barong. Hindi rin nakatakas sa aking paningin ang mga cute na flower girls at bearers.
Nanatili akong nakatayo hanggang sa umalingawngaw ang tunog ng piano sa buong simbahan. Ito ang hudyat ng pagsisimula ng seremonya. Ako ang nauna sa paglalakad. Nginingitian ko ang bawat tao na aking dinadaanan ngunit sa likod ng mga ngiting iyon ay ang kabang kanina ko pang itinatago.
Nang makarating ako sa aking puwesto ay pinanood ko ang paglalakad ng mga abay. Unti-unting napupuno ang mga upuan. Kasabay nito ang lalong paglakas ng kabog ng aking dibdib sapagkat alam kong nalalapit na ang pangyayaring inaasam kong makita.
Tumigil ang pagtugtog ng piano nang maubos na ang mga tao sa dulo. Tanging nakasaradong pinto ng simbahan ang aking natatanaw mula sa aking kinatatayuan. Sumiklab muli ang kaba sa aking sistema lalo na nang muling tumugtog ang piano na ngayon at may kasama nang biyolin. Napasinghap ako nang marinig ang pamilyar na tono ng isang kanta. Hindi man sinasambit ang mga liriko ng kantang iyon ay alam na alam ito ng aking sistema. Sumunod dito ang pagsilip ng liwanag mula sa labas nang buksan ang tarangkahan ng simbahan.
Sa pagpatak ng bawat oras ay ikaw
Ang iniisip isip ko
Hindi ko mahinto, pintig ng puso.
Ikaw, ang pinangarap-ngarap ko
Simula nang matanto
Na balang araw iibig ang puso.
YOU ARE READING
I Do (One Shot)
RomanceBata pa lamang ako, lagi ko nang iniisip kung ano ang mangyayari sa sarili kong kasal. Alam kong gawain ito ng mga babae pero nagkakamali kayo. Iniisip din naming mga lalaki kung paano idadaos ang isa sa "most awaited event" sa buhay ng isang tao. G...