Chapter 4

2.6K 68 1
                                    

NAGING abala si Akira sa mga sumunod na araw dahil sa feasibility study na ipinapagawa ng ama. Magaganda ang records ng mga construction firm na nagpakita ng interes na makipag-partner sa kompanya nila at kailangan niyang maging objective sa pagpili kung alin sa mga ito ang malaki ang maitutulong sa MDC.

“We’re almost there,” nakangiting untag sa kanya ni Raizen.

Tipid niya itong nginitian. Kanina habang abala siya sa pagbabasa ng mga na-research niya ay tumawag ang binata at inanyayahan siyang lumabas. Agad naman siyang pumayag dahil bukod sa gusto niyang makasama ang lalaki ay nami-miss na rin niya ang mag-nightlife. Mula kasi nang magtrabaho siya sa MDC ay hindi na niya iyon nagagawa.

Ibinalik na ni Raizen ang mga mata nito sa daan. Pasimple niyang sinulyapan ang lalaki. Mula nang magkasama sila sa Pagbilao four days ago ay araw-araw nang tumatawag ang binata sa kanya. Masarap itong kausap at nalilibang siya. At ngayon ay niyaya naman siya nitong lumabas.

Maya-maya pa ay inihinto na ni Raizen ang kotse sa tapat ng isang bar sa Eastwood. Inalalayan siya nito sa pagbaba ng kotse hanggang sa makapasok sila sa bar. Iginiya siya nito patungo sa isang lamesa kung saan naroon ang dalawang lalaki at isang babae. Nakangiting nakatingin ang mga ito sa kanila.

Bahagyang inilapit ni Raizen ang mukha nito sa kanyang kanang tainga. “These are my friends, sa Hovert din sila nagta-trabaho,” bahagyang malakas na sabi ng binata. “Sina Ramil, Drake at Leyh.”

Nakangiting tinangungan niya ang mga ito. Inalalayan siya ni Raizen sa pag-upo.

“What do you want to drink?” muli ang bulong sa kanya ng binata.

Pakiramdam niya ay nagtayuan ang balahibo niya nang bahagyang dumikit ang pisngi nito sa kanya. Kanina pa siya hindi mapakali sa simpleng pagdidikit ng balat nila ni Raizen. Pakiramdam niya ay para siyang napapaso sa simpleng pag-alalay nito sa kanyang siko at kamay. Nagsisimula na nga siyang mainis sa sarili. Naguguluhan siya sa kakaibang epekto ng lalaki sa kanya. Marami na siyang nagustuhang mga lalaki at oo, siya na nga ang flirt! Aminado siya roon. Kapag may gusto siyang lalaki ay 'di siya nagdadalawang isip na lumapit at magpakita ng interes rito. Pero pagdating kay Raizen ay parang may iba sa kanya.

“Okay na sa akin ang beer,” malakas niyang sabi.

“Sure?” nakatitig sa kanya si Raizen.

Tumango siya at iniiwas na ang tingin rito. Alisin mo na ang tingin mo sa akin, nakakawindang ka, eh! Ano ba kasi ang ginagawa mo sa akin? sabi ng isang bahagi ng isip niya.

Dahil maingay ang paligid ay hindi rin sila makapag-usap ng mga kasama nila. Maya-maya ay nagyaya si Leyh na magsayaw. Sinamahan ito nina Ramil habang sila naman ni Raizen ay nagpaiwan sa lamesa, nakontento na lamang sila na makinig at panoorin ang bandang tumutugtog. Nang bumalik sa lamesa nila sina Leyh ay nagpaalam naman siya kay Raizen na pupunta ng powder room.

Pagkatapos niyang lumabas ng cubicle ay humarap siya sa malaking salamin para mag-retouch ng makeup niya. Katatapos pa lamang niyang maglagay ng lipstick nang marinig niya ang pag-ring ng cell phone, kinuha niya iyon mula sa kanyang sling bag at sinagot.

“Asan ka bang babae ka?” malakas at tila hysterical na tanong ni Scarlet.

“Nasa bar, here in Eastwood. Bakit?” ganting-tanong niya.

“Bar? Nakuha mo pang mag-bar!?” bakas ang inis na sabi ng babae sa kabilang linya.

Napatikwas ang kilay niya. “Ano na naman ba’ng problema mo?”

“Kanina ka pa namin kino-contact! Something happened to Paige at lahat kami nag-aalala na habang ikaw nasa bar at—”

“Ano’ng nangyari sa kanya?” putol niya kay Scarlet.

Posh Girls Series Book 2: Akira (Complete; Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon