Kakababa lamang ng dalaga sa eroplano kasama si Sgt. Romero bilang alalay niya. Umasta silang hindi magkakilala, pagkatapos ng makahulugang tinginan sa airport. Kasama ito sa usapan, mananatili si Romero dito sa Cebu kasama niya para magsilbing taga-report sa headquarters at back up na rin niya. Walang nakakaalam na magkasama sila, kahit ang pamilya Lorenzo kung saan siya magsisilbi. Upang kung sakaling may mangyari man sa kanya mayroong magpapa alam sa headquarters. Pinili nila ang hindi ipaalam para sa seguridad niya.
Natuwa si Yena sa kakaibang hangin na sumalubong sa kanya pagkalabas niya ng building. Ibang-iba ang hangin kaysa sa hangin sa Maynila. Iba talaga kapag probinsya, mas malinis. Maamoy mo pa ang amoy ng mga damo at lupa sa dinadaanan, kaysa sa usok at polusyon sa lungsod.
Nilingon niyang muli si Romero na kasalukuyang pumapara ng taxi papunta sa tutuluyan nito, saka pa lamang siya sumakay rin sa isa pang taxi na dumating para magpahatid sa pupuntahan niya.
"Saan po tayo madam?" tanong ng driver, halata ang pagpipilit nito sa wikang tagalog.
Ngumiti si Yena at ibinigay ang isang papel, kung saang nakasulat ang address ng pupuntahan niya.
"Dito ka magtira, Madam?" gulat na tanong ng driver.
Tatarayan sana niya ang lalake, pero pinili niya ang sagutin ito dahil mukha namang mabait. Gagawa siya ng isang bagay na taliwas sa paniniwala niya, nakalimutan niyang aarte nga pala siya sa lugar na ito, mabuti nang umpisahan na niya ngayon.
"Ahhmm... hindi po kuya, magtratrabaho po ako diyan bilang nurse," nakangiting sagot niya.
"Ahhh! Nurse ni Madam... matagal na silang nagpapahanap ng nurse para kay madam, dating driver ni madam ang ama ko sa mansion," natutuwang kwento nito.
Ngumiti lamang siya sa lalake.
"Mukha po kayong artista madam," wika ulit ng binata, hindi mapigilan ang matinding paghanga sa dalagang sakay.
"S-Salamat po," nakangiting wika ng dalaga, at tumingin na sa labas ng bintana para iwasan ang iba pang katanungan nito.
Binuksan ni Yena ang bintana ng taxi para lasapin ang simoy ng hangin. Inilingon ni Yena ang ulo para pagmasdan ang paligid ng dinadaanan nila hanggang sa pumasok sila sa isang malaking gate na binabantayan ng mga guardiya. Halos mahigit ni Yena ang sariling hininga sa kanyang nakikita, matatanaw ang malaking bahay sa gitna ng malawak na lupain ng mga Lorenzo, napapaligiran ito ng maraming halaman at mga puno. May natanaw pa siyang puno ng mangga sa bungad, tuwang-tuwa siya sa mga nakikita rito na kailanman ay hindi niya nakita sa lungsod.
Tumigil ang taxi sa harap mismo ng malawak na hagdanan sa harap ng mansion. Umibis dito ang taxi driver at tinulungan siya sa kanyang mga bagahe.
Lumabas ang isang matandang babae na naka uniporme at muli ring pumasok, maya-maya pa ay lumabas na ang isang ginang, halata pa rin ang angking ganda nito kahit may edad na. Ito marahil ang madam na tinutukoy ng driver.
"Magandang araw po, Seniora," nakangiting wika ng driver sa ginang na pababa ng hagdan.
"Magandang araw din Romy, halika muna at mag meryenda," nakangiting alok ng ginang sa driver.
"Naku! Hindi na po, Seniora, inihatid ko lang po ang inyong bagong nurse," wika nito at nahihiyang tumingin kay Yena.
Ngumiti si Yena nang makitang tumingin sa kanya ang ginang.
"Sige Romy, salamat ug maayo nga dinala mo siya dinhi," maayos na wika ng ginang sa wikang Cebuano.
"Walay problema, ma'am," sagot naman ng drayber na nagpaalam na matapos tumingin kay Yenna.
BINABASA MO ANG
Y2 (Unedited) PUBLISHED
Ação"Dad, I point guns and not needles!" Iritableng wika ng dalaga sa kanyang ama na natatawa sa reaksiyon ng anak. LT YANELLA YOON, the spoiled brat daughter of GENERAL YOON of the Philippine National Police went undercover for a mission to the son of...