Chapter 3 - Imahinasyon Daw?

271 14 2
                                    

WALA ANG KATAWAN ng CEO sa pasilyong kinatagpuan dito ni Kyla nang balikan ito kasama ang tatlong security guard ng Luna Pharma. Malinis din ang sahig. Walang bahid ng dugo.

"Pero -"

Nginitian siya ni Manong Rolly na nakapwesto sa front desk. Nasa 60's ito, payat pero tuwid pa rin ang tindigan. "Pagod lang 'yan 'Neng," anito. "Dahil sa sobrang kao-over time mo."

"Umuwi ka na at itulog mo na lang 'yan, Ma'am," segunda ni Hermie. Mas bata-bata itong sekyu, chubby at may makulit na mukha. Nanggaling ito sa fourth floor na kaagad na rumesponde sa kanila.

"Pero may atungal po ng hayop akong narinig -"

"May mga alagang aso sa basement si Sir Bon. Ang mga 'yun siguro ang narinig mo." Si Michael, ang ikatlong sekyu ang sumagot sa kanya.

Naka-asul na uniporme rin ang lalaki katulad ni Manong Rolly at Hermie. Pinakamatangkad ito sa dalawa. May pagka-chinito. At in fairness, may hitsura. Pero pawis na pawis ito na ikinakunot-noo niya.

"Galing ako sa parking lot, sa harap. Tinakbo ko mula roon hanggang dito," mabilis na paliwanag nito.

Defensive? naisaloob niya. Sino kaya ang nagtanong?

"Pwede sanang i-check sa CCTV." Si Hermie. "Sayang nasira ang camera dito."

Tiningala nila ang nakalaylay na CCTV sa sulok ng hallway.

"Bakit hindi pa pala napapalitan?" Si Manong Rolly sa chubby na guard.

"Ayaw ni Sir Bon," sagot nito. "Hindi na raw kailangang gumastos dahil may CCTV na sa exit, sa labas papuntang parking area. Sa fourth floor ay sira rin ang CCTV, ayaw pa ring ipagawa."

Muling napaisip si Kyla. Weird? Nanghihinayang sa mga camera eh para sa safety naman 'yun?

Pinasamahan siya ni Manong Rolly para hindi na 'raw' siya matakot. Ang dalawang sekyu ang nag-escort sa kanya palabas ng kumpanya. Inihatid siya nina Hermie at Michael hanggang sa waiting shed. Samantalang naghihintay ng taxi, nilingon ni Kyla ang kabuuan ng compound. Ang apat na palapag na gusaling nakapaloob doon na may maluwang na parking area sa harapan at gilid. Sa dakong likuran nito ay ang mapunong lupain na pag-aari rin ng mga kamag-anak.

Napapaligiran ang compound ng mga lamppost. May mga dim light sa bawat palapag - sa third at fourth na conference room at opisina ng mga big boss; sa second at ground floor na karaniwang lugar para sa mga simpleng empleyado. Pero naging nakakapanlaw pa rin ang building. Partikular, ang mga madidilim na bahagi nito... na tila may naghihintay roon ... nakaamba! Sasakmalin siya -

Go home, Kyla de Luna! saway niya sa sarili sabay tiningala ang buwan. Bilog na bilog pa rin ito. Maningning na dilaw. Napakaliwanag.

~oOo~

Mabigat man ang kalooban, gumaan ang pakiramdam ni Kyla sa pagsapit sa apartment. Hindi pa man niya nabubuksan ang gate, malalambing, malalakas at makukulit na mga kahol ang sumalubong sa kanya.

"Hello guys! Miss you too."

Ang mga alaga nilang aso ng ina. Apat ang mga ito. Mga askal at half-breed na imported na napulot lang niya. Ang mga ito ang mga ampon nila. Isa pa sa mga dahilan na nag-apply siya sa Luna Pharma. Hindi biro ang mag-alaga ng maraming aso.

Isa-isang nagpa-pet ng ulo ang mga alaga.

"Hi, Tank," sabi niya sa pinakamalaki niyang aso. Pinakamatagal nila itong ampon. Kulay kape ito na may makapal na balahibo.

"Mann and Lady." Tila paos ang mga kahol ng dalawa pa nilang alaga bilang tugon sa kanya. Mga half-breed ang mga ito sa malalaking spot na itim at brown. Magkasama niyang natagpuan ang dalawa malapit sa ukay-ukay store ng ina.

"Si Mommy? Tulog na ba, Tiny?" Ang pinakamaliit. Ang itim niyang pinakabatang alaga ang tinanong niya. Cute na cute ito sa mga maliliit at nakatayong taynga. Kapatid ito ni Whitie...

... Nakahandusay ang tuta sa isang sulok ng nakabuhal na silya. Puti ang kulay ng alaga. Nagkulay pink ito ngayon sa sariling dugong dumanak dito -

"Woof! Woof!" Pumukaw ang malambing na kahol sa gunita ni Kyla.

"So, okay." Dinilaan ng tuta ang kanyang kamay. "Kanina pa?"

Sa pagkakataong iyon, ang tatlong mas malalaking aso ang nag-respond. Malalakas at mas excited ang mga kahol nito.

"Ah okay, medyo kanina lang nakatulog?"

"Talaga lang, Anak? Gising pa yata ako." Nakangiting tiningala niya si Ellen Monasterio de Luna mula sa puno ng hagdan sa second floor. Nag-inat ito.

"Hi, Mommy. Natutulog ka na nga po ba?"

"Ire-rest ko lang sana ang mga mata ko. Kaso nag-ingay na ang mga 'yan," nakangiting pakli nito.

"Sorry po." Bumaling siya sa mga aso. "Mag-sorry din kayo."

Nag-ingay ang mga alaga. Mga tila mas nasiyahan sa atensyong ibinibigay niya hanggang sa ilapat ni Ellen ang isang daliri sa bibig. Saka lang tumahimik na ang mga ito.

Malaking babae ang mommy niya. Hindi ni Kyla namana ang magandang height nitong 5'8". Tamang 5'5" lang siya. Taliwas din ang physical features niya sa pagkamestisa nito at sa straight nitong buhok. Tanging ang classical deep-set niyang mga mata na may mahahabang pilik ang namana niya sa ina ... at ang pagka-in love sa mga aso.

Kaya siguro nahulog din ito sa ama... tapos iniwan din! Napabuntong-hininga siya sa sariling sarcasm at kumalam na nga ang tiyan niya. Ang sarap siguro ng burger -!

"Si Mau!" naibulalas niya na napapiyak ang kalong niyang si Tiny.

Hinaplos niya ang ulo ng tuta at maingat na ibinaba sa sahig. Humabol pa ito sa kanya, gusto pang magpakalong. Pero pagkuwa'y nakisali na rin at sumunod sa mga mas malalaking aso, sa tambayan ng mga ito sa likod ng apartment.

"At napaano si Mau?"

Sa halip na sagutin ang ina, binuksan niya ang shoulder bag para kunin ang cellphone. Gusto niyang makausap nang pribado ang kaibigan, kumilos siya paakyat sa kanyang silid.

Hinagkan niya sa pisngi si Ellen sa pagsalubong nito sa kanya, sa hagdan. "Mamaya na lang po, Mommy. Kakausapin ko lang si Mau."

"Nag-dinner ka na ba? Sabay na tayo."

"Sige... Sige po 'Ma. Bababa po ako agad." Hindi magkandatuto sa pagkapa sa cellphone si Kyla, sa loob ng bag.

Mahinahon man ang BFF at maunawain, kagagalitan pa rin siya nito. Iniwan niya ito. Nawala kasi sa isipan niya ang usapan nila dahil sa masamang pangyayari... Na na-imagine lang daw niya.

Nasa tapat na siya ng kuwarto niya nang mahawakan ang cellphone. Napangiwi siya. Disgusted. Basa at malagkit kasi ang phone. Nakaamoy din siya ng malansa -

Napa-yuck siya nang mailabas at mapagmasdan ang phone. Puti ito pero naging pink. Nabahiran ng pulang kulay - ng dugo!

Nabitawan niya ang shoulder bag sa pagkasorpresa. Nakangiwi siya. Disgusted. Sino nga ba ang hindi mandidiri sa malapot na dugo na may piraso pa ng mga laman? Na posibleng mula sa tao?

... O, alaga? Nanginit ang mga mata niya sa alaala ni Whitie.

Tumaktak ang mga laman ng bag... kabilang ang isang pamilyar na kuwintas na may initial na 'M' sa pendant nito.

'M' for Mau! Pinipigil na huwag maduwal, natakpan ni Kyla ang bibig sa pagdampot dito. Duguan din ang necklace ng BFF!

______

Paki-vote po. Comments and suggestions are appreciated. Salamat po.

Dilaw na Buwan (Published by Lifebooks)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon