"Magandang umaga, magandang binibini. Puwede bang makahingi ng isang ngiti?"
Nagdududa na si Tammy. Tatlong araw nang panay ang papuri sa kanya ni Dick. Tuwing umaga rin, may ibinibigay ito sa kanyang isang tangkay ng rose, tulad ngayon.
"Salamat." Tinanggap niya ang rose. "Ninakaw mo na naman ito sa greenhouse ni Carlo. Lagot ka."
"Okay lang 'yan. Hindi niya hahanapin 'yan. Reject naman 'yan, eh. Tingnan mo, may dumi ng langaw," sabi ng hari ng katakawan.
"Bakit mo ako binibigyan ng reject na rose?"
"Naaawa ako sa rose. Kahit naman nadumihan na, bulaklak pa rin, dapat pa ring i-appreciate. Tulad din ng isang dilag—" Napadako ang pansin nito sa bowl ng mani na pinapapak niya.
Nakatambay si Tammy sa opisina. Si Tita Minerva ay nasa bangko. Si Pete naman, pagkakita sa kanya, nagpaalam na may pupuntahan daw at si Vince.
"Pahingi ng mani, ha?" ani Dick at dumakot na sa bowl.
"Wala kang pinapatawad na pagkain. Siguro no'ng bata ka pa, wala kang makain," sabi ni Tammy.
"No'ng bata kasi ako, biik ako." Sinalo nito ng bibig ang mani na inihagis sa ere. Nginuya. "Five years old pa lang ako, kasinlaki na ako ng nanay ko."
Napahagikgik siya. "Go ahead."
"Eh, di 'yon. Sabi ng pedia, 'wag daw akong pakainin nang pakainin. Dinyeta ako ng nanay ko, labag man sa kalooban niya. Three times a day pa rin akong kumakain, kaso, paunti-unti lang. Iyak ako nang iyak. Depressed ako lagi. Nakatambay ako sa ref, kaso ni-lock ng nanay ko. I had a cruel childhood. Pero pumayat ako. Nang normal na ang timbang ko, pumayag na ang nanay ko na kumain ako nang kumain, basta magba-basketball ako lagi. Para makakain, kailangan kong mag-basketball. Hanggang ngayon. Na-addict naman ako sa sports kaya lagi akong gutom."
Tumango-tango si Tammy. "So, that's your history," sabi niya. "Maiba naman tayo. Bakit mo ako binibigyan ng reject na rose araw-araw at binobola mo pa ako?" Nangalumbaba siya sa desk.
Dick gave her a coy smile. He was cute. Walang question sa bagay na iyon. Nangalumbaba rin ito sa desk at pinagmasdan ang mukha niya.
"Crush kita, eh. Pero 'wag mong sasabihin kay Pete."
She was flattered. "Bakit mo ako crush?"
"Dahil cute ka. Dahil nagsusuot ka ng plastic."
Synthetic na leather ang pantalon ni Tammy. Napangiti siya. "Ano pa?"
"Gusto ko ang mga mata mo, bilog na bilog, laging naka-bright."
She laughed again. "Paano kung malaman ni Pete? Di mag-aaway kayo?"
"Bahala na. Basta, liligawan kita. Mas guwapo naman ako kay Pete. At saka, mama's boy ang boyfriend mong 'yon. Alam mo ba, may burda ang briefs n'on?"
"Talaga?"
Sunod-sunod ang tango ni Dick. "Binuburdahan ng mama niya, pero kinakalas niya. Nakakahiya nga naman. Pero, just the same, mama's boy siya. Hindi siya ang bumibili ng sarili niyang briefs. Samantalang ako, hindi ka mate-turn off sa akin pagdating sa briefs, dahil hindi ako nagbi-briefs."
"Yucks!" tili ni Tammy.
"Hindi ka naniniwala? Ipakita ko sa 'yo?" Tumayo si Dick.
"Utang-na-loob, Roderico. Hindi ako interesado sa pituytoy mo!"
"Sagutin mo na ako. Split-an mo na si Pete. Wala kang mapapala do'n. Sa akin marami. Mas malaki ang share ko rito sa farm kaysa sa kanya. 'Wag mo na akong pahirapan. Kailangang sagutin mo na ako."
Kumunot ang noo ni Tammy. "Bakit nagmamadali ka?" Parang gusto na niyang magduda.
"Eh, gusto ko nang magka-boyfriend— girlfriend pala."
"Bakit ako?" Parang hindi katanggap-tanggap na malakas ang loob nitong ligawan siya samantalang alam nito at ng lahat na sila na ni Pete. Hindi pa niya gaanong kilala ang Bud Brothers, pero ayon sa mga kuwento nina Georgina, may respeto ang mga Buds sa isa't isa. Hindi tinatalo ng mga ito ang kapwa brod.
"Dahil nga crush na crush kita. 'Tagal ko nang nagpaparamdam sa 'yo, kaya sagutin mo na ako," giit ni Dick.
"Kailan ka ba huling nagka-girlfriend?" tanong ni Tammy.
"'Tagal na, pero hindi naman serious. Naiirita ako, eh. Give women an inch, and they would want the whole seven inches—" Napatda ito, parang na-realize ang komplikasyon ng sinabi. "Pero iba ka," bawi nito.
Napangisi si Tammy. "What's in it for you, Dick?" tanong niya. Hindi naman siya bobo at manhid para mauto ng Bud Brothers.
"Anong in it, in it for me? Wala!" tanggi ng lalaki. "Gusto lang talaga kita. Tinamaan ako—"
"Tatamaan ka sa akin kapag hindi ka nagsabi ng totoo. Inutusan ka ni Pete na ligawan ako, ano?"
Tumanggi pa rin si Dick. "Hindi 'no! Bakit niya gagawin 'yon eh, mahal ka n'on?"
"Talaga, huh?" Pumasok ang isang tauhan sa farm na inutusan ni Tammy na bumili ng pandesal. "Salamat, ha."
"Ano 'yan?" tanong ni Dick.
"Pandesal. Gagawa ako ng pizza pandesal. Masarap 'yon—walang kasinsarap." Kumuha si Tammy ng plato at bread knife. Inumpisahan niyang hiwain ang mga pandesal. "Espesyal ang sauce kong ginagamit. Lalagyan ko ang pandesal ng ham, bacon, giniling na baka na ginisa sa butter at bawang, 'tapos, quickmelt cheese. Bubudburan ko ng green pepper, diced; onion rings; at kamatis. Matutuwa si Pete kapag natikman niya 'yon."
"Pahingi," sabi ni Dick.
"Bibigyan kita kung magsasabi ka sa akin ng totoo. Pinagkakaisahan n'yo ako, ano? Sagot!" Dinuro niya ng bread knife ang lalaki.
"Eh," kumamot sa ulo si Dick, "masarap ba talaga ang pizza mo?"
Sunod-sunod ang tango ni Tammy. "Pero hindi mo matitikman kung hindi ka magsasabi ng totoo. Alam mo ang nangyayari sa amin ni Pete. Nakikita ko sa mga mata mo. 'Wag ka nang magkaila!"
"Eh... kasi, sabi ni Pete, napilitan lang siyang pumayag na kayo na. Ligawan na lang daw kita para tantanan mo siya. Pumayag naman ako kasi siya naman ang bahala do'n sa pesteng babae na habol nang habol sa akin at saka, libre ang pagkain ko araw-araw."
"Gano'n?" Hiniwa niya ang pandesal, in-imagine na leeg iyon ni Pete. Ang walanghiya at talagang walang balak makipag-cooperate sa kanya, walang balak na palaguin ang relasyon nila!
"Okay, dahil mabait ka, sa 'yo na lahat itong gagawin ko, pero tayo na ang magkakampi ngayon. Kunwari, nililigawan mo pa rin ako. Sagot ko ang pagkain mo araw-araw. Igagawa pa kita ng pizza pandesal araw-araw din. Higit sa lahat, mas kaya kong itaboy ang babaeng habol nang habol sa iyo. Trust me."
"Malalagot ako kay Pete," sabi ni Dick.
"Hindi naman niya malalaman. At saka, kasalanan mo bang matukso sa pizza pandesal? Masarap naman talaga ito."
"Sige. Basta 'wag mong sasabihin kay Pete. Ititiwalag ako n'on."
"Hudas ka kasi." Tumawa si Tammy.
Pinatulong niya si Dick sa paggawa ng pizza pandesal. Enjoy na enjoy naman ang kumag. Pagdating pala sa pagluluto, talented ang lalaki. Mas malinis pa itong gumawa kaysa sa kanya.
BINABASA MO ANG
Bud Brothers 4-Tail, You Lose; Head, You're Mine
Romance"Do you know what's your problem, Pete? You think you're the best thing since instant noodles!" "I don't believe this! You're making a big deal out of a one-night stand!" Gilalas si Tammy pagkatapos niyang marinig ang mga katagang iyon mula kay Pete...