Debate: Nagmamahal o Minamahal?

2 0 0
                                    

A/N: Author's imagination only 😊

***  ***
LAKANDIWA:
Magandang araw sa inyong lahat!
Ako'y abang lingkod na sa inyo'y mag-uulat.

Dalawang matikas sa inyo ay haharap.
Magtutunggali para sa babaeng pangarap.
Di na patatagalin pa kanilang paghaharap.
Mga mata nila wari ko'y di na kumukurap.

Sino nga kaya ang pipiliin ng babaeng ito?

Ang kaibigan bang sa kanya'y nagmamahal ng husto o ang lalaking bumihag ng puso nito?

Atin ng unahin ang kanyang kaibigan
Na gagawin ang lahat para sya'y ipaglaban.

NAGMAMAHAL:
Itong mga katagang babanggitin ko
Sana sa puso mo'y tumimo ng husto
Sapagkat ang nadarama kong ito'y totoo
Walang ibang inibig maliban sa'yo

Hindi ko man plinano ito
Bigla na lang nag-iba ang tingin sa'yo
Piniling itago lihim na pag-ibig ko
Sapagkat ako'y matalik na kaibigan mo.

Bago magtapos ang pambungad kong ito
Sana d'yan sa puso mo ay pumasok ako
At sa pagtatapos ng labang ito
Yumakap sa'kin at ako ang piliin mo.

LAKANDIWA:
Ngayon ay ating pakinggan ang kabilang panig
Panig na ang babae'y sadyang sa kanya'y umiibig.

MINAMAHAL:
Aking karibal huwag kang pakasisiguro
Sapagkat ako ay hindi payag sa iyong gusto
Ang puso n'ya ay tunay na nabihag ko
Kaya ang pangarap mo'y magmimistulang abo.

Tanggapin mo na isa ka lang na kaibigan
Kahit anong gawin 'di ka n'ya maiibigan
Sapagkat ang puso n'ya ay sa'kin na nakalaan
Huwag mo nang hayaang tuluyan kang masaktan.

Bago ko tapusin ang pananalita ko
Hihingi na ng paumanhin sa pagkatalo mo
Ang maipapayo ko lamang sa'yo kalaban ko
Sumuko na sa laban at isipin ang sarili mo.

NAGMAMAHAL:
Agad mong tinatapos labang nagsisimula pa lang?
Maaaring sa ngayon ikaw ang nakalalamang
'Pagkat aking mahal sayo'y nahihibang
Malay mo sa huli ako pala ang mas matimbang.

Bilang matalik na kaibigan, mas kilala ko s'ya
Ang kan'yang mga ayaw maging ang gusto n'ya
Kailan mo lamang ba napansin ang damdamin n'ya?
Hindi ba't nang iwan ka lamang ng iyong nobya?

Huwag mamasamain itong pag-uungkat
Gusto ko lamang maging malinaw sa lahat
Kung sino nga ba, sa puso mo ang mas angat?
Ngayon mo sabihin, totoo'y isiwalat.

LAKANDIWA:
Kabilang panig ay biglang natahimik
Biglang natameme at 'di makaimik
Sa susunod na mangyayari ako'y nasasabik
Mukhang matatalo ang kalabang matinik.

Biglang humarap sa kanyang kalaban
Pambato niya'y kanya ng sisimulan
Totoong saloobin atin nang malalaman
Tayo'y tumahimik, s'ya ay pakinggan.

MINAMAHAL:
Aking aaminin dating may mahal na iba
Ngunit aking damdamin ngayo'y nagbago na
Babaeng pinaglalaban ngayon ay mahal na
Lahat ay gagawin upang makuha ang puso n'ya.

Hamak na kaibigan, 'wag kang magagalit
Iyang damdamin mo'y 'wag mo ng ipilit
Kaligayahan nya'y 'wag mong ipagkait
At iyong damdamin 'wag mo ng igiit.

Huwag mag-alala 'pagkat iingatan s'ya
Hindi sasaktan at kahit paluhain pa
Dobleng pag-iingat ang sa kanya'y ipapadama
Aking susuklian ang kanyang pagsinta.

LAKANDIWA:
Lalaking nagmamahal ngayon ay nakayuko
Siguro'y dinaramdam ang maaaring pagkabigo
Magkatunggali'y ito ang masasabi ko
Kayong dalawa'y may huli pang pambato.

NAGMAMAHAL:
Mortal na kalaban, ika'y 'di ko tutularan
Puso ng babaeng mahal ay 'di ko sasaktan
Ang iyong sinasabi ay pawang kasinungalingan
Panakip-butas lang s'y sa nobyang di malimutan.

Aking mahal na kaibigan, ako ang sana'y piliin mo
Hindi kita sasaktan, ang puso mo'y iingatan ko
Alam kong alam mo na ang hangarin ko'y totoo
Mapasa akin sa huli at maipadama ang pagmamahal ko.

MINAMAHAL:
Paano mo nabibigkas ang ganyang mga salita?
Ako ay naiiling sa iyo ay natatawa
Iyo bang sinasabi ay naririnig mo pa?
Siya ay iyong pinipilit upang mahalin ka.

Oh hamak na kaibigan, ako nga ay 'yong tigilan
Iyang iyong sinasabing hindi ako tutularan
Hindi mo sasaktan pero sarili'y pinagpipilitan
Pati kanyang kaligayahan nais mong hadlangan.

NAGMAMAHAL:
Inilalayo sa'yo para 'di s'ya masaktan
'Pagkat alam kong puso mo'y salawahan
Gagawin ang lahat ng kanyang maibigan
Upang hangad na kaligayahan kanyang makamtan

MINAMAHAL:
Sa iyong tingin, s'ya sa'yo ay sasaya?
Gayong hindi naman ikaw ang mahal n'ya
Ipipilit ang sarili mo kahit 'di s'ya masaya?
'Di mo ba naiisip na masasaktan mo s'ya?

NAGMAMAHAL:
Hihintayin ko pa bang saktan mo s'ya?
Kung pwedeng ako ang mahalin n'ya
Gagawin ko ang lahat para sa kanya
Mailayo lang sa'yo kahit 'di pa ako ang mahal n'ya.

MINAMAHAL:
Ikaw na ang nagsabi, wala siya sa'yong nararamdaman
Iginigiit ang sarili mo, di mo ba s'ya nasasaktan?
Ako nga ay tigilan mo sa iyong kahibangan
Hayaan mong ipadama ko sa kanya tunay na kaligayahan.

LAKANDIWA:
Mukhang ang magkalaba'y nagkakainitan na
'Pagkat masasakit na salita'y inilalabas na
Sagutan n'yo ay ating ititigil na
'Pagkat baka ang labang ito ay sa away mapunta.

Bago pa lumalala ang alitang ito
Ikaw ay pumili na babaeng nagbabasa nito
Ako mandin ay sadyang nalilito
Sino nga ba sa kanila ang pipiliin mo?

PawanaMyLavs❤

Owned By PawanaMyLavs💕Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon