TANGHALI nang nagising si Charlene kinabukasan. Maayos naman siyang nakauwi at namatay ang pagdududa niya sa mga lalaking naghatid sa kaniya. Wala naman palang masamang intensiyon ang mga iyon.
Halos mag-uumaga na siyang nakatulog dahil sa ingay ng mga anak ng tiyahin niya na naglalaro ng video game. Kasama kasi niya ang mga ito sa kuwarto. Wala siyang choice kundi magtiis dahil nakikitira lamang siya roon.
Nagtataka siya bakit maingay sa labas, tila maraming tao. Naghilamos siya at nagsipilyo. Nagsuot siya ng puting T-shirt at puting jersey pants na parehong maluwag. Inisang bungkos niya ang kaniyang buhok na mataas. Ayaw kasi niya na may nakasayad na hibla sa kaniyang mukha.
Paglabas niya ng kuwarto ay nagtataka siya bakit naroon ang tatlong lalaki na tumulong sa kanya noong gabi. May kasamang isa pang lalaki ang mga ito na pamilyar sa kanya ang mukha. Kausap ang mga ito ng tiyahin niya.
Naalala na niya. Ang lalaking kasama ng tatlo ay ang suki niya na bumibili ng balut. Nagtatrabaho ito sa St. Ives Medical Center. Minsan pa ay inuubos nito ang balut na paninda niya. Mahilig daw sa balut ang mga nurse ng ospital kaya nagpapabili rito.
Tantiya niya’y nasa early fifties na ang lalaki at minsan na rin siya nitong naihatid ng kotse sa bahay nila. Nakatulog pa nga siya minsan sa kotse nito. Naging busy siya noon sa pag-aaral kaya halos isang buwan siyang hindi nakapaglako ng balut. Kaya hindi na ulit niya nakita ang lalaking ito.
“Oh, gising na pala ang pamangkin ko! Halika rito, Charlene!” sabi ng Tiya Helen niya.
Lumapit naman siya at umupo sa tabi ng kaniyang tiyahin. “Ano pong meron? Mr. Ramon, bakit po kayo narito?” tanong niya sa ginoong suki ng balut. Naalala din niya ang pangalan nito.
Ibinigay naman sa kanya ni Ramon ang naka-folder na papeles. Kinuha niya ang folder saka binuksan at taimtim na binasa ang nilalaman ng papeles. Nawindang siya nang malamang result iyon ng DNA test niya at ng nangangalang Orlando Guevara. Positive ang result ng test at nagpapatunay na anak siya ng nasabing tao.
“A-Anong ibig sabihin nito? Paano ito nangyari?” hindi makapaniwalang untag niya. Naging uneasy na siya dahil sa pagkawindang.
Ngumiti sa kaniya si Ramon. “Pasensiya ka na, Charlene. Matagal ka na naming sinusubaybayan. Matagal ka nang pinapahanap ni Senator Guevara. Kaya ko kinukuha ang atensiyon mo ay para makapuslit ako ng ilang hibla ng buhok mo para sa DNA test. Naalala mo noong nakatulog ka sa kotse ko, noong hinatid kita?” anang ginoo.
Paulit-ulit siyang tumango. “O-Opo, pero paano mo nagawa ‘yon?” Hindi pa rin siya maka-get over at hinintay ang paliwanag ni Ramon.
“Nakakuha ako ng hair sample mula sa ‘yo at iyon ang ginamit sa DNA test. Simula noong naging positibo ang resulta ng test, nag-utos ang senador na bantayan ka. Kaya lihim kang sinusundan ng mga bodyguard. Ngayon, iniimbitahan ka namin at ang iyong tiyahin na pumunta sa bahay ng senador para personal kang makita at makausap. Huwag kang mag-aalala, nasa proseso na ang lahat. Nagkasundo na kami ng tiyahin mo,” paliwanag ni Ramon.
Parang hihimatayin si Charlene sa kaniyang natuklasan. Pakiramdam niya’y panaginip lamang ang nangyayari. Sinampal-sampal pa niya ang kaniyang pisngi para magising siya. Kinurot niya ang mga kamay niya subalit hindi nabago ang pangyayari.
“Sabihin n’yo, panaginip lang ito,” balisang sabi niya.
Tumawa si Ramon. Kinurot naman ng tiyahin niya ang pisngi niya. “Ano ka ba naman? Hindi ka nanaginip! Hindi ba matagal mo nang gustong makita ang tatay mo? Heto na ang pagkakataon, Charlene!” excited na sabi ng tiyahin niya.
“Tama po siya, Ms. Charlene. Kung puwede po ay magbihis na kayo nang makaalis na tayo. Hinihintay na po kayo ng inyong ama,” ani Roman.
Kinaladkad na siya ng tiyahin niya. “Maligo ka na dali!” excited nitong sabi.
Pumasok naman siya sa kuwarto at naligo sa banyo roon. Nasasabik siya na nalulungkot. Napamahal na siya sa buhay na kinalakihan niya at kahit simple ay masaya siya, malaya sa gusto niyang gawin.
Ang tiyahin niya ang pumili ng damit na isusuot niya. Senador daw ang tatay niya kaya kailangan magsuot siya ng pormal na damit. Hindi siya mahilig sa politika kaya wala siya masyadong kilalang mga politician maliban sa presidente at vice president.
Malay ba niya sa mga senador? Hindi pa naman siya botante. Seventeen pa lang naman siya at hindi siya nagrehistro kahit para sa sangguniang kabataan. Maaga siyang nakapag-aral kaya maaga ring natapos ang high school.
Hindi siya sanay magsuot ng pormal na damit kaya puting blouse with collar at itim na pantalong maong lang ang isinuot niya, at saka puting rubber shoes. Inilugay lang niya ang kaniyang buhok saka naglagay ng polbo sa mukha at manipis na pink lipstick ang ipinihid niya sa kaniyang mga labi.
Namangha si Charlene pagdating nila sa bahay ni Sen. Orlando Guevara sa Fairview. May dalawang palapag ang bahay at malawak na may modernong desinyo. Malawak din ang lupaing nasasakupan nito na mayroong matataas na batong pader. Magaganda ang landscape sa harden. Sa malawak na garahe ay maraming magagarang sasakyan na nakaparada. Marami ding security at bodyguards sa paligid.
Pagpasok nila sa malawak na lobby ay nanlaki ang mga mata niya nang masilayan ang magagarang kagamitan, mula furniture, paintings, chandelier, vase at kung anu-ano pa. Halatang mamahalin ang mga iyon. Sinalubong sila ng matangkad na ginoo na naka-suit at ginang na suot ang pulang dress. Kumikinang ang alahas ng ginang sa katawan. Maganda rin ito kahit nagkakaedad na.
Dati, sa telebisyon at mga poster lang niya nakikita ang mukha ni Sen. Guevara at kilala ding doktor at may-ari ng St. Ives Medical Center at Medical School sa Fairview. Mas kilala niya itong doktor na sikat kaysa pagiging politiko.
Sa pagkakataong iyon ay personal na niya itong nakikita. At sino ang mag-aakalang ito pa pala ang matagal na niyang gustong makita na kaniyang ama? Inalipin ng pananabik ang puso niya. Hindi niya napigil ang pagpatak ng kaniyang mga luha.
“Charlene, my daughter!” emosyonal na wika ng senador. Sinugod siya nito at mahigpit na niyakap. “My daughter, I’m sorry. Almost eighteen years, I don’t have an idea where to find you. Your mother never bothered to tell me about you before. She just disappeared,” patuloy nito nang humiwalay ito sa kanya.
“May sakit po si Mama noon. Nagkaroon siya ng lung cancer. Ang sabi ni Lola, umalis sa trabao si Mama noong nalaman niyang buntis siya. Ayaw sa kanya ng parents ninyo dahil isa siyang hamak na food server sa isang ospital. Hindi niya sinabi kung saang ospital at hindi niya sinabi kay Lola kung sino ang tatay ko. Pero ang apelyido ninyo ang dinadala ko dahil iyon daw ang apelyido ng tatay ko,” kuwento niya.
“Oo, alam kong buntis ang mama mo noon. Nag-usap na kami noon na pananagutan ko siya kahit hindi ko siya mapapakasalan. Pero bigla siyang nag-resign. Wala na akong balita sa kanya. Matagal kitang pinahahanap. Pinanghawakan ko ang sinabi ng mama mo na hindi ka niya ipagkakait sa akin at apelyido ko ang gagamitin niya para sa ‘yo. Hindi nga niya ako binigo. Patawarin mo ako, anak. Maraming panahon na hindi kita nasuportahan. Nasaktan ako at nahirapan noong nalaman ko ang kalagayan mo. Nilamon ako ng guilt. Hindi ka dapat nakaranas ng hirap,” lumuluhang pahayag ng ginoo.
“Hindi po ako nagalit sa inyo. Alam ko po na may mga dahilan kayo. Pero nagpapasalamat pa rin ako dahil ang kahirapan ng buhay ang nagpatatag sa akin. Isang malaking bunos na lang itong nakilala ko kayo,” aniya. Malapad siyang ngumiti.
Niyakap siya nitong muli. Nilapitan naman sila ng magandang ginang. Mukha naman itong mabait at masaya sa kaniyang pagdating.
“Siya nga pala, anak, siya ang asawa ko, si Susana. Isa siyang lawyer. Hindi na kami nagkaanak dahil nagkaroon siya ng ovarian cancer at kinailangang tanggalin ang matris niya. Kaya noong nalaman niya na natagpuan ka na, natutuwa siya,” sabi ng tatay niya.
“Kumusta ka na, Charlene? Napakaganda mong bata,” anang ginang. Banayad nitong hinaplos ang kaniyang pisngi.
“Salamat po. Nice to meet you po, ma’am,” magalang na sabi niya.
Matipid na tumawa ang ginang. “You can call me, mommy, hija. I’m happy to meet you in person. Kamukha mo ang daddy mo,” anito. Marahan din nitong pinisil ang kanang balikat niya. “So, let’s have lunch first,” pagkuwan ay yaya ni Susana.
Kasama nila sa tanghalian ang tiyahin niya. Napag-usapan na nila na lilipat na siya roon sa araw na iyon. Uuwi lamang siya para kunin ang mga gamit niya. Nalulungkot siya dahil mapapalayo na siya sa pamilyang minahal niya at sa buhay na humubog sa pagkatao niya. Hindi niya alam kung paano siya magsisimula.MANGHANG-MANGHA si Charlene sa laki at ganda ng kuwarto niya. Halos kasing laki na ng bahay ng tiyahin niya ang kaniyang kuwarto. Pakiramdam niya’y nasa isang luxury room siya ng isang five star hotel. Ang bed room ay malawak at magara ang malapad na kama. Mayroon itong puting mga kobre na nakaayos katulad sa isang hotel room.
May sariling study room sa kuwarto, mini living room, dining room, rest room na mayroong Jacuzzi. Ang laki ng banyo ay kasing laki na ng kuwartong tinutulugan niya sa bahay ng kaniyang tiyahin. Mayroong terrace ang kuwarto na nakaharap sa backyard garden kung saan matatagpuan ang Olympic swimming pool.
May mga katulong na nag-aayos ng gamit niya. Nang lumabas na ang mga katulong ay humiga siya sa malambot na kama at nagpagulung-gulong.
“Hmm! Ang lambot naman nito! Ang sarap matulog dito! Ang lamig!” ignoranteng sabi niya.
Para talaga siyang nasa isang hotela minsang tinutuluyan nilang mag-anak noong nag-beach outing sila sa Tagaytay. Malamig ang kuwarto dahil air-conditioned. May sariwang bulaklak na nakatulos sa vase na nakapatong sa bed side table.
Nakatitig siya sa puting kisame. Hindi pa rin siya makapaniwala. Daig pa niya ang nanalo sa loto. Instant milyonaryo na siya! Animo prinsesa siya kung maituring ng mga kawaksi.
Unang araw niya sa mansiyon ay hindi siya mapakali. Hinahanap ng katawan niya ang dating gawain. Hindi siya pumipirme sa bahay, naiinip siya. Gusto sana niyang lumabas upang mamili ng personal niyang gamit kaso hindi siya pinayagan ng daddy niya. May inutusan na umano itong mamalengke at bibilhan siya ng gamit.
Kinabukasan ay isinama siya ng daddy niya sa isang events na ginanap sa five star hotel sa pasay. Kasama rin ang stepmother niya. Inaantok siya sa awarding ceremony kaya nagpaalam siya sa kaniyang ama na magbabanyo. Pumayag ito pero pinasamahan siya sa dalawang bodyguard.
Malapit na siya sa palikuran nang mahagip ng paningin niya ang pamilyar na lalaki. Siningkitan pa niya ang mga mata upang maklaro ang mukha nito. Nakasuot ito ng suit at mag-isang nakatayo sa likuran ng dalawang ginang na nag-uusap. May hawak itong baso na may lamang pulang likido.
Tila naramdaman nito na nakatingin siya at biglang napalingon sa kaniya. Kumislot siya nang matanto na ito ang lalaking nakamotorsiklo na humagip sa kaniya noong isang gabi. Tila hindi siya nito namukhaan pero humakbang ito palapit sa kaniya.
Noon lang niya napansin na sobrang tangkad pala nito at mas guwapo sa pormal na damit. Akala niya’y lalapitan siya nito, naghuramentado ang kaniyang puso. Ngunit ang isa sa bodyguard pala niya ang sadya nito.
“Narito ba si Senador Guevara?” tanong nito sa bodyguard.
“Yes, sir,” mabilis na sagot ng bodyguard.
“Samahan mo ako sa kaniya.”
“Ho? Pero binabantayan po namin ang anak niya.”
“Anak?”
Pasimpleng sinipat ni Charlene ang lalaki. Na-stuck na siya sa labas ng pinto ng palikuran ng babae.
“Yes po. Magbabanyo siya,” anang bodyguard.
Tumalikod si Charlene nang mapansing humarap sa kaniya ang lalaki. Tila sinusuri nito ang buong katawan niya. Hindi rin siya nito makikilala dahil nakaayos siya, may makeup.
Tuluyang binuksan ni Charlene ang pinto at pumasok. Sumilip pa siya sa siwang ng pinto. Umalis na ang guwapong lalaki.
BINABASA MO ANG
Taming His Elusive Heart
Romance(Former Campus Royals) Story Content Suitable for ages 13 years old and above. A story of three rich guy who grew up together and their friendship started since their childhood. They known as 'Campus Royals' of prestigious medical school. The St. Iv...