Chapter Five

1.7K 82 3
                                    

SINUGOD ni Hunter ang lalaking akma sanang sasaksakin si Charlene. Sinipa nito sa ulo ang lalaki at sinundan pa ng suntok sa sikmura. Nagkaroon siya ng pagkakataon na sikuhin sa tagiliran ang lalaking gumagapos sa kanya. Nang makalaya siya’y dagli siyang pumihit paharap sa lalaki saka ito sinipa sa dibdib. Tumilapon ito at nahirapan nang makabangon.
Namangha siya. May abilidad din pala sa self-defense si Hunter. Napatumba nito ang apat pang mga lalaki. Nang nahirapan nang lumaban ang lima ay nagsitakbuhan na ang mga ito. Noon lamang niya napansin ang motorsiklo ni Hunter na natumba sa sahig. Nilapitan nito iyon saka pinatayo. Pinapahid nito ng kamay ang dugo sa mukha nito.
Hindi siya nakatiis, nilapitan niya ito. Dinukot niya ang panyo sa bulsa ng pantalon niya.
“Here, take it,” sabi niya, at inaalok ang panyo sa binata.
Tiningnan siya nito nang seryoso. Dumudugo ang ilong nito at may sugat ito sa labi na dumudugo pa rin. Nang wala itong balak tanggapin ang panyo niya ay naglakas-loob siya na pahirin ng panyo ang dugo sa ilong nito.
Kumislot siya nang bigla nitong hinawakan ang kanang kamay niya na may hawak sa panyo. Nagtama ang mga paningin nila. May kung anong kislot siyang naramdaman sa kaniyang puso. Hindi niya iyon maipaliwanag. Inagaw ni Hunter ang panyo mula sa kamay niya saka ito na ang nagpunas sa dugo sa mukha nito.
“Ang lakas naman ng loob mong gawin ito,” seryosong wika nito.
“Ang alin?” maang niya.
“Ang makipaglaban sa mga lalaki. Paano kung nasaksak ka? Kasalanan ko pa,” padaskol na sabi nito.
Bumuntong-hininga siya. “Sa tingin mo hahayaan kong masaksak nila ako? At ikaw, marunong ka rin naman pala ng self-defense, bakit hinayaan mong bugbugin ka nila?” Pumalatak na siya.
“Wala kang pakialam,” sabi lang nito sa malamig na tinig.
“Wala akong pakialam pero hindi ako katulad ng iba na manonood lang habang may sinasaktang tao. Ano ba ang atraso mo sa mga lalaking iyon?”
“Gusto nilang kunin ang motor ko. Modus nila iyon, ang harangin ang mga naka-motorsiklo at papatayin ang driver para makuha ang motor.”
“Alam mo palang may mga ganoong tao rito, bakit dito ka pa dumaan?” tanong niya.
Hindi nito sinagot ang tanong niya. “Ikaw, bakit dito ka dumaan?” sa halip ay tanong din nito.
“Uh, may aksidenteng nangyari sa highway at hindi ako makadaan,” sagot niya.
“Alam mo pala ang sagot, nagtanong ka pa,” sarkastikong sabi. Kuilos na ito at sana’y magsusuot ng helmet.
“Sandali!” pigil niya rito.
Natigilan naman ito. “Bakit?” tanong nito sa matigas na tinig.
“Magkaklase tayo sa isang subject, pero pansin ko parang ayaw mo ng kaibigan. Sina Rain at Dave lang ba ang mga kaibigan mo?” usisa niya.
Hindi siya nito sinagot at akmang aalis.
“Uh, teka lang. Huwag ka munang umalis.” Nagmamadaling binalikan niya ang motorsiklo niya saka itinulak palapit sa binata.
Kinuha niya ang basket ng balut saka kumuha ng isa at inalok sa binata. “Heto, kainin mo para lumakas ka,” sabi niya.
Tiningnan lang nito ang itlog na inaalok niya. “Hindi ako kumakain niyan,” sabi nito.
“Masarap ito. Alam kong mayaman ka at malamang hindi ka pa nakatikim ng pagkain ng mahihirap, pero itong balut, kinakain din ng mayayaman. Sige na, tikman mo lang. Kapag hindi mo nagustuhan, babayaran ko,” nakangiting sabi niya.
“Ayaw ko ‘di ba? Hindi ako kumakain ng itlog!” Nagsungit ito lalo.
“Hay! Ang arte mo naman,” maktol niya. Binalatan niya ang itlog saka kinain.
Seryosong pinagmamasdan lang siya ni Hunter. Dumukot siya ng isa pang itlog at pilit ibinibigay sa binata.
“Uhm. Kunin mo na,” pilit niya.
Kinuha naman nito ang itlog. “Kapag may nangyari sa akin pagkatapos kong makain ito, ikaw ang mananagot,” sabi nito.
Ngumuso siya. “Grabe. Kakain ka lang ng itlog. Hindi ka mamamatay niyan,” aniya.
Tinulungan pa niya itong mabalatan ang itlog. Pumikit ito habang diretsong isinubo ang buong itlog. Hindi maalis ang ngiti sa mga labi niya habang pinagmamasdan niya ito.
“Ano, masarap ‘di ba?” aniya.
“Allergic ako sa itlog,” bigla’y sabi nito kung kailan nalunok na nito ang itlog.
“Ano? B-Bakit hindi mo sinabi kaagad? Sandali, iluwa mo!” Natatarantang sabi niya. Wala sa loob na pinisil niya ang pisngi nito.
Nagulat siya nang bigla nitong iwaksi ang kamay niya’ng pumipisil sa pisngi nito. “Ano ba!” asik nito.
Natigilan siya. “S-Sorry,” garalgal na usal niya.
“Umalis ka na! Ilako mo na ‘yang paninda mong balut!” pagtataboy nito sa kanya.
Nilinis niya ang kaniyang lalamunan. “Paano kung bigla kang atakihen ng allergy mo? Magpagamot ka kaagad,” sabi niya.
“Kapag inatake ako at napahamak, malalaman mo. Ipapanagot ko sa ‘yo ang mangyayari.”
“Ano? Hindi mo naman sinabi na allergic ka sa itlog.”
“Pinilit mo ako.”
“Tinanggap mo naman.”
“Tama na!” singhal nito. Mamaya’y pinukol siya nito ng curious na tingin. “Curious ako kung paano nakapasok sa St. Ives Medical School ang isang balut vendor at nakapasa sa entrance exam. Ang alam ko thirty percent lang ang scholarship na inu-offer ng paaralan,” wika nito.
Hindi na masama. At least nakikipag-usap na ito kahit halatang minamaliit nito ang kakayahan niyang makapag-aral sa mamahaling eskuwelahan.
“Curious ka ba talaga? Ibig sabihin may pakialam ka rin sa paligid mo. At ano naman ang masama sa pagiging balut vendor? Wala na ba akong karapatang maging doktor?” aniya.
“Wala akong pakialam kung saan ka kumukuha ng pera. Bigla ko lang naisip.”
“Marami akong source of income.”
“Maabilidad ka. Baka kasama sa source of income mo ang pagiging assassin.”
Pakiramdam niya’y umakyat lahat ng dugo niya sa ulo. “Ano’ng sabi mo? Ako, assassin? Saan mo naman napulot ang ideyang iyan?” palatak niya.
“Don’t mind me. Umalis ka na.”
“At ikaw, hindi ka pa ba uuwi?”
“Mas kampante ako na mauuna kang umalis,” sabi nito.
Hindi na siya nakapagsalita nang biglang may itim na kotse na huminto sa tapat nila. Nakilala kaagad niya ang sasakyan. Isa-isang bumaba ang dalawang bodyguard niya at kasunod ay si Agnes. Nagmamadaling lumapit ang mga ito sa kanya.
“Ma’am, kanina pa po namin kayo hinahanap. Nag-aalala na po ang daddy n’yo,” balisang sabi ni Agnes.
Napansin niya ang poker face ni Hunter na nakamasid sa kanila. Ibinalik niya ang tingin kay Hunter. Malamang ay nagtataka ito bakit may sundo siyang di-kotse. And iniisip nito ay isa siyang pobreng balut vendor.
“Sige, mauna na ako. Salamat sa tulong mo,” sabi niya rito.
Wala siyang nabasang anumang ekspresyon sa mukha ng binata. Wala rin itong sinabi. Hindi siya pinayagan ni Agnes na mag-drive ng motor siklo. Iginiya siya nito papasok sa kotse at ito ang sumakay sa motorsiklo nito.
Hindi niya inalisan ng tingin si Hunter hanggang sa makaalis na sila. Pero hindi nakaligtas sa paningin niya ang curious nitong mga mata.

“ANO ba ang pumasok sa isip mo at umalis kang hindi nagpapaalam sa bodyguard mo? Ano’ng oras na ito? At ano’ng ginagawa mo sa palengke ng Tungko kasama ang isang lalaki? Kung hindi ko pa tinawagan ang tiyahin mo, hindi ko malalaman kung nasaan ka!” sermon ng daddy ni Charlene pagdating ng bahay.
Si Agnes naman ang sumagot para sa kanya. “Humihingi po ako ng paumanhin, sir. Pinayagan ko po si Ms. Charlene na gamitin ang motorsiklo ko. Kasalanan ko po ito. Hindi na mauulit,” samo ni Agnes.
Nabaling ang atensiyon ng daddy niya kay Agnes. “Sinabi ko na sa iyo na may pagkapilya ang anak ko! Sa susunod, lahat na hakbang na gagawin mo o ng anak ko ay kailangang dumaan muna sa approval ko! Simula ngayon, Huwag mo hahayaang mawala siya sa paningin mo! Talagang ikaw ang mananagot kapag may nangyaring masama sa anak ko!” nanggagalaiting sermon ng senador saka ito umalis.
Nakokonsensiya si Charlene. Nilapitan niya si Agnes.
“Sorry, Ms. Agnes, na-miss ko lang kasi ang tiyahin ko at mga pamangkin,” aniya.
“Walang anuman, po, ma’am. May pagkukulang din ako. Sana hindi na iyon mauulit. Baka sa susunod ay mawalan na ako ng trabaho.”
“Pasensiya na. Kakausapin ko na lang si Daddy.”
Pinuntahan naman niya ang daddy niya sa opisina nito. Umupo siya sa silyang katapat nito.
“Sorry, Dad,” mahinahong sabi niya.
Panay ang buntong-hininga ng ginoo. “Hindi ko alam kung tama ang desisyon ko na si Agnes ang pinili kong maging personal bodyguard mo. Masyado siyang maluwag sa ‘yo,” sabi nito.
“Wala pong kasalanan si Ms. Agnes. Na-miss ko na kasi ang tita ko at mga pamangkin,” ktwiran niya.
“Kung gano’n, dapat sinasabi mo sa akin ang tungkol sa bagay na iyan, nang sa gano’n ay makakagawa ako ng paraan. Maraming taong masasamang loob sa bansa. Kapag nalaman nilang maimpluwensiya ang pamilya mo, maari ka nilang gamitin para makahuthot ng pera sa akin. Hindi lang iyon dahil sa pera, anak. Para iyon sa kaligtasan mo. Huwag mo sanang isipin na hinihigpitan kita. Dapat mo ring tanggapin na hindi ka na katulad dati na malayang gawin ang gusto mo. Hindi naman kita pinagbabawalang makita ang kinalakihan mong pamilya. Puwede ko silang papuntahin dito para makasama mo kahit papano. Kailangan mong maging matured, anak. Hindi biro ang responsibilidad mo pagdating ng araw,” mahabang litanya ng daddy niya.
“Sorry po. Hindi na po mauulit,” aniya.
“Ano, kumain ka na ba?” tanong nito pagkuwan.
“Opo. Kumain po ako sa bahay nila Tiya bago umalis.”
“Sige na. Magpahinga ka na at gawin mo ang homework mo.”
“Opo, Dad.”
Tumayo na siya at nagpaalam sa kaniyang ama.
Pagdating sa kaniyang kuwarto ay kaagad siyang pumasok sa banyo at nag-shower. Habang nakatutok ang kahubaran niya sa ilalim ng tumatagistis na tubig ay biglang dumapo sa isip niya si Hunter. Napangiti siya. Malaking achievement na pinansin siya at kinausap ni Hunter.
Hindi na siya lumabas ng kuwarto pagkatapos niyang mag-shower. Pinatuyo niya sa hair dryer ang buhok niya saka siya humilata sa kama. Nagawa na niya ang kaniyang homework bago pa siya lumabas ng classroom. Ayaw kasi niyang pati sa bahay ay pag-aaral ang gagawin niya. Hawak niya ang kaniyang cellphone at nagbabad siya sa social media.
Napatili siya nang makitang na-accept na ni Hunter ang friend request niya! Simula na ba ito ng closeness nila? At bakit ganoon na lang ang reaksiyon ng kaniyang puso?

Taming His Elusive HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon