Chapter Three

2K 88 5
                                    

NAGIMBAL si Charlene nang sabihin ng daddy niya na sa St. Ives Medical School siya mag-aaral ng college at kailangan niyang maging doktor katulad nito. May napili na umano itong pre-med course para sa kaniya.
Pinuntahan kaagad niya ito sa mini office nito na naroon sa bahay nila. Isang linggo din ang inilaan ng ginoo para sa bonding nilang mag-ama. Sinulit nito ang pagkakataong may bakante itong oras.
Ibinili siya nito ng mga gamit at ipinasyal sa ospital na pag-aari nila. Nalaman niya na mayroong branch ang ospital sa California, na naipundar pa umano ng kaniyang lolo. Nalula siya sa yaman ng kaniyang ama, bagay na wala sa hinagap niya.
Nag-iisang anak ang daddy niya kaya ito ang nakinabang ng lahat na ari-arian ng lolo niya na isang pathologist na nagmula rin sa pamilya ng mga doktor. Ang lola niya ay isa namang cardiologist. Nag-migrate sa California ang lolo’t lola niya at doon na namatay.
Abala sa pagtipa sa laptop nito ang daddy niya nang maabutan niya. Umupo siya sa silya katapat nito. Naiilang pa rin siya rito at kailangan pa marahil ng mahabang panahon upang masanay siya rito.
“Uh, pasensiya na po sa istorbo. Tungkol po sa pag-aaral ko ng college. Gusto ko po sanang sa ibang university ako mag-aral. Gusto ko sanang kumuha ng law course,” sabi niya.
Nabaling sa kanya ang atensiyon ng daddy niya. “Anak, mas maganda at bagay sa iyo ang doctoral, since we have our own hospital. I want you to prioritize the legacy of our beloved family. You can choose a pre-med course before proceeding in medicine. I’m sure magugustuhan mo rin ang courses offered ng school,” sabi nito.
“Pero ayaw ko pong maging doktor. Isa pa, kahit hindi ako maging doktor, puwede rin naman akong magpatakbo ng hospital.”
“You still don’t understand me, Charlene. Mas magiging madaling i-manage ang business kung gamay mo ito. Itinatag pa ng lolo mo ang St. Ives Medical Center, kaya gusto ko itong manatiling nakatayo hanggang sa susunod pang henerasyon mo. Ikaw ang nag-iisang natapagmana at gusto kong pag-aralan mong mabuti ang trabaho. Ako rin naman ay ayaw maging doktor noon. Pareho lang tayo. Gusto kong maging lawyer at maging politician. Pero dahil mahal ko ang lolo mo, pinagbigyan ko ang gusto niya. Nag-aral ako ng medisina at naging surgeon. Nagustuhan ko rin ang trabaho at nag-enjoy ako sa business. Alam kong kaya mo, anak. Maganda ang record mo since grade school. Kahit may mga hindi magandang record ka sa previous school mo, at least palagi kang nabibilang sa honor students.”
Umismid siya. Nahihiya siya dahil sa mga records niya sa school na palaging napupunta sa principal’s office. Madalas kasi siyang nakakasuntok ng mga kaklase niyang lalaki na makulit.
“Huwag kang mag-alala, nag-hire na ako ng tutor mo mo para hindi ka mahirapan,” sabi ng ginoo.
“Tutor? Para saan po?” ‘takang tanong niya.
“Isang taong magtuturo sa iyo ng tamang pagkilos, ugali, at lifestyle bilang pormal na babae. Napansin ko kasi na nahihirapan kang mag-adjust. Alam kong hindi ka sanay makisalamuha sa sosyal na tao, pero kailangan mong maging flexible and mature.”
Matabang siyang ngumiti. “Pasensiya na po kayo. Mahirap po talagang mag-adjust,” naiilang na sabi niya.
“I understand. And about your studies, my decision is final. Prepared yourself for entrance exam and upcoming first day of school. Nai-forward ko na ang credentials mo sa school. Bukas na ang entrance exam kaya maghanda ka na”
Umawang ang bibig niya pero wala siyang naisip sabihin. Wala na siyang choice kundi sundin ang kaniyang ama.
Malungkot na bumalik si Charlene sa kaniyang kuwarto. Naglumpasay siya sa inis. Hindi talaga siya komportable sa kursong napili ng daddy niya para sa kanya. Ni minsan ay hindi pumasok sa isip niya ang pangarap na maging doktor. Ayaw na ayaw niyang nakakakita ng taong patay. Para siyang binabangungot.
“Diyos ko, kung panaginip man ito, hayaan N’yo na akong magising. Mas gusto ko pang maglako na lang ng balut tuwing gabi,” maktol niya habang nakahilata sa kama.
Sinubukan ulit ni Charlene kausapin ang daddy niya pero hindi nagbago ang desisyon nito. Hindi na niya malaman ang kaniyang gagawin. Hindi pa siya handang mag-aral sa medical school.
Nakapasa sa entrance exam si Charlene. Kahit hindi niya gusto ang medisina ay sineryoso naman niya ang exam. She chose BS biology as premed course. Ito lang ang para sa kaniya ang madali sa lahat ng choices.

Taming His Elusive HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon