Chapter 17

220K 9.5K 2.6K
                                    

Chapter 17


"Tumawag na ba si Xerxes, Rita?"


"Ho?"


"Ang 'ka ko'y tumawag na ba sa'yo ang asawa mo? Kailangan na raw kasi ng desisyon para mai-schedule na ang pag-opera kay Baby Fury."


"H-hindi pa ho, e." Tumingin ako sa relo ko, mag-a-alas nueve na ng umaga. Dalawang araw ng hindi nagpapakita si Xerxes. Isang text lang ang ipinadala nito kagabi, nangumusta lang.


"Ay, siya, umuwi ka kaya muna? Nangangalumata ka na. Ni hindi ka nga man lang yata umidlip."


"Okay lang ho ako."


"Umuwi ka na muna, Rita." Tumayo ang matandang babae. "Ako na muna ang bahala rito. Umuwi ka at magpalit ng damit. Umidlip ka rin muna para naman pagdating ng asawa mo ay hindi ka ganyan ka-haggard."


Isang linggo na akong hindi naliligo. Tatlong araw na rin akong hindi nagpapalit ng damit dahil naubos na ang mga damit na baon ko.


Mahirap magbantay sa public ward. Punuan lagi ang banyo at madalas walang tubig. Hindi ko rin magawang umuwi lagi sa amin dahil sa pagtitipid ng pamasahe. Ultimo piso ay importante sa akin.


"Sige na, hija. Pagbalik mo mamaya ay ako naman ang uuwi."


Tumango ako. Siguro nga ay kailangan ko munang umuwi. Sinilip ko muna si Baby Fury saka ako nagpasalamat at nagpaalam kay Aling Meding. Sa biyahe ay naka-idlip na ako dahil traffic sa gawing Sta. Lucia papunta sa Junction. Nang makarating ako sa bahay ay mabilis akong naligo at nagpalit ng damit. Skinny jeans at kulay cream na cotton T-shirt ang isinuot ko. Nang matuyo ang buhok ko ay ipinuyod ko agad ito.


Tumingin ako sa salamin at nagpahid ng kaunting pulbo.


Pumayat ako mula ng maospital ang anak namin ni Xerxes. Lalo rin akong umitim dahil sa kakapabalik-balik ko sa arawan. Ang buhok ko na buhaghag ay lalong tumigas at nagkatikwas-tikwas. Kahit pa pinupuyuran iyon ng panali ay matigas pa ring tingnan.


Sa sandaling panahon ay nalosyang ako. Mas pumangit. Tumanda. Samantalang si Babylyn kahapon ay tila bumata at lalong sumeksi. Parang bumalik sa pagiging disi-otso ang itsura ng malanding iyon.


"Ano ngayon kung mas maputi at mas makinis sa akin ang pokpok na iyon?" Inis na dinampot ko ulit ang pulbo.


Tatlong beses akong nagpulbo hanggang sa magmukha na akong espasol. Nag-lipgloss ako at pagkatapos ay nagpulbo ulit.


Bakit ang kinis ng mukha ng Babylyn na iyon? Bakit ang puti-puti niya? Bakit ang pula-pula ng mga labi niya at bakit bagsak at tila kay lambot ng buhok niya? Bigla ay nakaramdam ako ng kakaibang kaba.


"Bwisit!" Inis na ibinalibag ko sa sahig ang pulbo ng makitang namamalat ang pisngi ko. Siguro dahil sa sobrang dry ng balat ko dahil sa araw ay nagbuo-buo ang pulbo ron.

His Bad WaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon