Chapter 28
MAY MGA BAGAY NA KAILANGANG ISUKO.
Kahit gaano kahalaga ang isang tao o bagay na ipinaglalaban mo, darating din talaga sa punto na kusa ka nang hihinto. Pero bago iyon, sasagarin mo muna ang sarili mo kung hanggang saan ang kaya mo. Ganoon kasi kapag mahal mo, ibubuhos mo talaga ang lahat kahit pa wala nang matira sa 'yo.
Ganoon ako. Ganoon ako magmahal, hindi hihinto kahit ang sakit-sakit na. Ayaw ko kasi na may pagsisihan sa huli. Gusto ko na lumaban ako, kahit pa alam ko namang matatalo. Katulad ngayon, talo ako. Kailangan ko na namang huminto, lumayo, magsakripisyo. Hindi lang ito para sa sarili ko, kundi higit lalo para sa anak ko.
Ayaw ko na malaman ni Fury ang nangyayari sa amin ng tatay niya. Ayaw ko na mabahiran ang mataas na pagtingin niya sa ama. Ayaw ko ring malaman niya na ako na isang dukha ang nanay niya. Maayos na ang buhay ng bata para guluhin ko pa. Sobra na iyong nakasama ko siya, sapat na iyong alaala na babaunin ko hanggang sa aking huling hininga.
"OKAY KA LANG?"
Pasimple kong pinahid ang mga luha ko. Gabi naman kaya hindi masyadong halata na namumugto ang mga mata ko sa walang tigil kong pag-iyak sa bus kanina.
Wala akong pakialam kahit pinagtitinginan ako, ang mahalaga sa akin ay mailabas ko lahat ng sakit sa dibdib ko. Kahit noong lumipat ako sa jeep ay humahagulhol pa rin ako. Daig ko pa ang namatayan. Ang sakit-sakit. Parang ayoko ng mabuhay.
Pero hindi kailangan ni Fury ng mahinang nanay. Hindi niya man ako kilala, sisikapin ko na maging matatag pa rin kahit malayo na naman ako sa kanya.
"Oy, Rita!" untag sa akin ni Asyong, asawa ni Laarni. Sakay ako ng pedikab niya dahil nagpasundo ako sa babaan ng jeep dahil madaling araw na ako nakarating ng Quaipo.
"Oo..." Nginitian ko si Asyong ng silipin niya ako sa loob ng pedikab. Nasa labas siya at nagpi-pidal.
"Sabihin mo lang kung gusto mong resbakan natin iyong Batalier na 'yon, akong bahala! Kahit dati pa siyang siga dito, wala akong pakialam. Papalagan ko siya, ako na yata ang siga dito ngayon baka 'di niya alam!"
Sinikap kong magpakawala ng maiksing tawa kahit basag ang boses ko. "Ayos lang talaga ako, Asyong. Ano ka ba? Kalma."
"Hipag kita, hindi ako papayag na may aagrabyado sa 'yo oy. Kahit bilyonaryo pa siya, hindi siya sasantuhin ng kamao ko."
"Salamat. Pero alam ko namang hindi ka mahilig sa gulo at mas siga pa sa 'yo ang asawa mo."
Napangisi siya at nagkamot ng ulo. "Mahal ko lang talaga iyong pinsan mo kaya hinahayaan ko nang mas siga siya sa akin."
Napangiti ako. Bilib din ako kay Asyong e, ang bait-bait. Sinuwerte talaga ang pinsan ko sa kanya. Hindi man siya mayaman, responsable at matino naman siyang asawa.
Pagkarating namin sa inuupahang bahay ni Laarni ay sinalubong agad ako ni Miranda. Namayat siya sa ilang taong pagta-trabaho bilang OFW, pero ganoon pa rin si Miranda, matapang at malakas ang kompiyansa.
BINABASA MO ANG
His Bad Ways
RomanceX, the green-eyed handsome boy who hangs around Quiapo, Manila, is the suitor of Rita. She believes her future is uncertain if she ends up with him as he is homeless and unemployed until she realizes she's wrong. X is a good and responsible guy who...