"Oh isa na lang aandar na! Isa na lang! Isa na lang!" Pagtawag ni manong drayber ng pasahero sa kanyang jeep para umarangkada na kaya nagmamadali na akong maglakad sa kinaroroonan ng kanyang jeepney para makasakay na.
"Oh hija, do'n ka sa kanan para makaalis na tayo, oh! Kaunting usog-usog lang ho para maka-alis na tayo!" pagpukaw ni kuya sa ibang mga pasahero.
"Makikiraan po, salamat ho," wika ko sa iilang mga paa ng pasahero na nakaharang sa pagtatapakan ko.
Nakaupo na ako ng may mapansing kakaiba sa pasaherong nasa unahan ng jeep, tila ba may kung ano itong pilit na ikinukubli sa kanyang backpack. Naiilang man ay nagtanong na ako.
"Uh, kuya, ayos lang ho ba kayo?" tanong ko sa ngayo'y balisang-balisang lalaki.
"W-WALA!" At sa puntong ito kaming mga pasahero naman ang nagulat sa biglaang pagtaas nito ng boses sa akin.
Pinasawalang-bahala ko na lamang ang nangyari at itinuon ang atensyon sa harapan nang biglang pumara ang lalaki, ang nakakapagtaka lamang ay iniwan nito ang kanyang bag kaya naman bumaba ako na dala ang bag na naiwan nito at sinubukang habulin sana ang lalaking nagmamadali sa paglakad papalayo.
Nang hindi ko na matanaw pa ang lalaki ay kinalkal ko na ang bag habang palinga-linga sa paligid. Nagitla ako sa natuklasan sa loob ng bag na kasalukuyan kong hawak-hawak.
"B-bomba.." nangangatal ang aking buong katawan, nanlamig ako sa oras na nakalathala rito. Ilang segundo na lamang ay sasabog na ito. Hindi,
"M-mamamatay na ako, hindi man lang ako makakapagpaalam sa magulang ko." sambit ko habang mapait na nakangiti at nakatulala sa kawalan.
Ilang sandali pa lamang ay nakarinig ako ng nakakabinging pagsabog at nakakasilaw na liwanag na likha ng bombang sumabog.
-----PAGTATAPOS
[EDITED]