I

45 2 0
                                    

Hunyo taong 1881

Rinig na rinig sa aking kuwarto ang mga naghahalakhakang tao sa aming sala.

Naghanda ng malaking piging ang aking ama para sa mga trabahador ng aming hacienda. Kahapon ay nanggaling si ama sa Maynila upang makipagpulong sa gobernador-heneral. Tinawagan ang lahat ng may-ari ng hacienda lalong-lalo na ang mga may tanim na tabako upang ibalitang tinatanggal na ni Haring Alfonso XII, kasalukuyang hari ng Espanya, ang monopolyo sa tabako.

Isa itong malaking pagbubunyi para sa mga magsasaka ngunit hindi tulad sa aming mga may-ari ng sakahan at malapit sa pamahalaan. Filipino si ama kaya marahil ay imbis na siya'y magdalamhati ay nagdiriwang siya.

Isinuot ko na ang aking pulang baro't saya na siyang nagpalitaw ng aking puti na namana ko pa sa aking ina na isang purong kastila.

Maya-maya pa ay may kumatok sa pinto.

"Pasok."

"Binibining Victoria, pinapunta po ako ni Donya Vallery rito upang tulungan kayo sa inyong pag-aayos," sabi ni Marites, ang aming kasambahay.

Tumango lamang ako bilang pagsang-ayon o pagbibigay pahintulot.

Lumapit siya sa akin at isinalansan ng maayos ang aking mahabang buhok na hanggang bewang upang suklayin. Matapos niyang suklayin ang aking buhok ay maayos niya itong ipinusod gamit ang ipit na may disenyong pulang rosas.

Kinuha niya ang asuete at naglagay ng kaunti sa kanyang hinliliit at ipinahid sa aking mga labi.

Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Hindi ako sanay magsuot ng mga kolorete, kung maari lang ay wala na.

Kita ko naman si Marites na tila nag-aalinlangan sa repleksyon niya sa salamin.

"Binibini, ang inyong mapupungay na mata, matangos na ilong, at manipis na labi ay tiyak na sapat na upang ikaw ay matawag na maganda—" pinatigil ko siya sa kanyang pagsasalita.

"Hindi mo kailangang mag-alinlangan, Marites. Wala naman akong sinabing hindi ko nagustuhan ang iyong ayos sa akin. Sadyang naninibago lang ako dahil alam mo namang sanay ako na hindi naglalagay ng kolorete sa aking mukha," saad ko sa kanya na siya namang naging dahilan upang tumungo siya.

"Patawad po binibini."

Kinuha ko ang kanyang kamay na siyang naging dahilan upang siya'y tumingin sa akin nang may halong pagtataka.

Maganda si Marites, maputi rin siya tulad ko, singkit ang mga mata, dahil ang kanyag ina ay isang intsik, tulad ko ay matangos din ang mga ilong niya at manipis ang mga labi.

"Gusto kong maglagay ka rin ng kolorete sa iyong mukha. Kahit ngayong araw lang sana maramdaman mong isa kang bisita at hindi isang katulong. Tutal narito naman tayong lahat upang magdiwang hindi ba?"

Napakurap pa siya ng ilang beses at parang nanghihingi pa ng permiso. Tumango lamang ako at saka umupo sa aking kama at kinuha ko ang aking abanikong may mga burdang bulaklak gamit ang kulay gintong sinulid at telang terno sa kulay pula kong baro't saya ngayon.

Mula sa kanang bahagi ng aking kama ay matatanaw ang malaking bintana ng aking kuwarto. Tumayo ako at lumapit dito.

Napakaaliwalas ng panahon. Napakaaliwalas ng langit.

Ipinikit ko ang aking mga mata upang damhin ang pagpasok ng malamig-lamig na simoy ng preskong hangin.

Nang maramdaman kong tumayo na si Marites sa aking likod ay humarap ako sa kanya.

"Ayan, hindi ka na mukhang kasambahay."

"Patawad po kung ginamit ko ang inyong pampaganda," sabi niya saka tumungo.

Victoria de VictoriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon